"Ma, bakit? Ayaw ko rito kina auntie. Sasaktan lang nila ako. Sasama ako Ma!"
Iyak nang iyak kong sabi kay ina na noon ay abala sa pag-iimpake ng kaniyang maleta.
"Gene, anak. Kailangan kitang iwan sa tita mo. Siya na lamang ang nag-iisang pamilyang alam kong p'wede kitang ihabilin. Sana maintindihan mo ako, anak," pagpapaliwanag niya sa akin.
"Ano ba Melody, hindi ka pa ba tapos? Pumapatak ang metro ng taxi sa labas. Alalahanin mong utang mo rin sa akin ang bayad doon. Kaya pwede ba tama na 'yang drama ninyong mag-ina," nakapameywang na turan ng tiyahin kong si Anastasia.
"Tapos na po ako sa pag-iimpake. Ate, kayo na po ang bahala kay Gene. Kukunin ko po siya kapag okay na ang trabaho ko at makaluwag-luwag na ako. Magpapadala na lamang po ako sa inyo ng pambayad sa mga utang ko," mangiyak-ngiyak na habilin ni ina sa aking auntie.
"Ma, ayaw ko rito! Isama mo na ako, Ma!"
Sigaw nang sigaw ako sa kaniya pero hindi niya ako nililingon. Dire-diretso siyang lumabas at agad na pumasok sa loob ng taxi kasama ang maletang tangan-tangan niya.
Hinabol ko siya hanggang sa labasan. Kahit malayo na ay hindi pa rin ako tumigil sa pagtakbo. Alam kong hindi niya ako matitiis pero, mali ako. Maling-mali ako dahil hindi siya lumingon sa loob ng sasakyan. Ni hindi man lamang siya kumaway o halikan ako sa noo bago siya sumakay.
"GENE! GENE!" singhal sa akin ng tiyahin ko habang nagwawalis ako sa bakuran.
"Bakit po, tita? Nandito po ako sa likuran ng bahay," malumanay kong sagot.
"Anong ginawa mo sa damit ko ha? Bakit nasunog ito?" matatalim ang mga matang pukol niya sa akin.
"Hindi po ako ang may gawa niyan, tita. Inayos ko naman po ang pamamalantsa ng mga pinalaba niyo noong isang araw. Hindi ko---" hindi pa man ako nakatatapos magpaliwanag ay isang malakas na sampal ang dumapo sa aking pisngi.
"Ang sabihin mo, wala kang kwentang katulong dito sa bahay. Palibhasa, hindi ka sinanay ng magaling mong ina sa gawaing bahay!" panghuhusga niya sa akin.
"Matatanggap ko pong alilain ninyo ako rito sa bahay niyo pero ang pagsalitaan ng masama ang aking ina na halos siya na po ang bumuhay sa pamamahay niyong ito ay hindi ko po matatanggap!" napagtaasan ko na siya ng boses.
"At sumasagot ka na ngayon? Baka nakaka---" agad kong pinutol ang pagsasalita niya.
"Baka nakakalimutan na ano, tita? Na kayo ang nagpalaki sa akin? Na kung wala kayo ay hindi makaaalis ang nanay ko? Na kung hindi dahil sa inyo, wala akong matitirhan? 'Yun ba ang gusto niyong sabihin?" pagtatanggol ko na sinabayan naman niya ng isang malutong na sampal sa kanang pisngi ko.
"Wala ka talagang utang na loob sa akin na nag-aruga sa 'yo mula nang iwan ka ng nanay mo! Oo! Kung hindi dahil sa akin hindi siya makakaalis at makapagtatrabaho sa labas ng bansa. Kung hindi dahil sa akin ay malamang sa kalsada ka na pinulot!" sumbat niyang muli sa akin.
"Kung tutuusin po, tita, bayad na si Mama sa mga utang niya sa inyo pero ang gawin akong katulong, tsimay, alila, palamunin, o atsay sa bahay na ito ay hindi po tama. Nagpapadala po ang nanay ko sa inyo pero ni isang sentimo ay wala akong naalalang binigyan niyo ako. Ang pakainin ako ng masasarap na pagkain ay hindi ko rin naranasan. Ngayon, sabihin niyo sa 'kin, meron pa ho ba kami ng Mama ko na utang na loob sa inyo?" Matapang na panunumbat ko sa tiyahin ko na kusang tumahimik nang mga sandaling iyon sa aking harapan.
Tinalikuran ko na lamang siya at akmang papasok sa loob nang magsalita siya.
"Lumayas ka rito! Hindi ko kailangan ang lapastangang nilalang sa pamamahay ko! Layas!" Pagtataboy niya sa akin.