BANAL NA ASWANG

119 0 0
                                    

BANAL NA ASWANG
Isinulat ni Jiara Dy

(This story is exclusively written for Spookify.)

Ako si Bogart, kilalang siga at tigasin sa aming lugar. Sa dami ng kalokohang nagawa ko mula noong binatilyo pa lamang, nasanay na ako sa mga masasamang paratang nila sa akin. Palagi akong laman ng mga usapan ng mga tsismosa doon sa may labasan. Kesyo marami raw babae, may anak sa labas, magnanakaw, at kung anu-ano pang mga paratang.

“Aling Seling, isang stick nga ng sigarilyo,” sabi ko habang nakasandal sa may pasimano ng tindahan ni Aling Seling.

“Oh, eto. Syete ang isa.”

“Lista n'yo na lang muna,” sabi ko sabay talikod. Kaagad naman siyang umangal nang sabihin kong utang iyon. Mahaba na raw kasi ang listahan ng utang ko sa kaniya at hindi pa rin nababawasan. Narinig ko pa ang pagtalak ni Aling Seling pero hindi ko na iyon pinansin. Mabibingi lang ako sa lakas ng boses niya.

AUTHOR'S NOTE:

This story or any portion thereof may not be reproduced in any written, electronic, recording, or photocopying or used in any manner without Jiara Dy’s expressed written permission.

Pauwi na sana ako sa bahay nang makasalubong ko ang humahangos na si Bruno, kasamahan ko sa fraternity. Tagaktak ang pawis niya at mukhang takot na takot.

“Anong nangyari, Bruno? Napa-trouble ba kayo?” kuryoso kong tanong. Ngayon ko lang siya nakitang ganito katakot.

“Sumama ka sa 'kin, pare!”

Bagama't nagtataka ay sumunod ako sa kaniya habang patuloy sa paghithit sa hawak kong sigarilyo. Nagtaka ako nang mapagtanto kung saan patungo ang daang tinatahak namin. Sa sementeryo.

Nahawi ang mga damo sa dinadaanan namin ni Bruno sa bilis naming maglakad. Ilang sandali pa ay natanaw ko na ang nagkukumpulang mga tao.

Ano bang meron?

Bago pa man kami makalapit doon ay napansin ko si Sister Gina na naglalakad 'di kalayuan sa amin habang bitbit ang mga ipinamimigay nitong mga gamot sa mga buntis sa aming barangay. Nagtaka ako kung bakit doon pa nito naisipang dumaan sa sementeryo. Pero agad din namang naputol ang pag-iisip ko nang halos hilahin na ako ni Bruno papalapit sa nagkukumpulang mga tao. May mga pulis na rin na naroon para mag-imbestiga. Natapakip ako ng aking ilong nang umalingasaw ang masangsang na amoy.

Nanlaki ang mga mata ko nang tumambad sa akin ang pinagkakaguluhan ng mga tao. Isang... isang naagnas na bangkay ng lalaki. Muntik na akong maduwal nang makita ko ang lasog-lasog na katawan nito at wala na rin ang dalawang mata.

Napalunok ako nang mapansin ang tattoo nito sa kaliwang braso na humiwalay na rin sa katawan nito. Malakas akong napamura nang makilala iyon.

“Put—! Si Carlo 'to, ah!” Saka ko lang naunawaan kung bakit ganoon na lang ang takot sa mukha ni Bruno kanina. Isa si Carlo sa miyembro ng aming fraternity at isa rin sa pinakamalapit kong kaibigan. Nagtagis ang bagang ko at naikuyom ang aking kamao sa sobrang galit. Masyadong karumal-dumal ang sinapit ni Carlo. Tiyak na pakana iyon ng mga nakabangga naming grupo. Hindi kami makalapit sa bangkay dahil sa police line na nakalagay doon. Kasalukuyan pa rin nilang iniimbestigahan ang nangyaring krimen.

Tinanong ko si Bruno kung sino sa palagay niya ang maaaring gumawa no'n ngunit umiling lang siya sa akin. Wala naman daw kasi siyang alam na nakaalitan ni Carlo bago pa iyon mangyari sa kaniya.

“Kawawa naman si Carlo. Buntis pa naman ang asawa niya,” sabi ng isang isang babaeng nakiusyoso sa nangyari. Hindi ko na natagalan pang pagmasdan ang lasog-lasog ni Carlo kaya umalis na kami roon ni Bruno. Kailangan pa naming kausapin ang aming mga kasama sa fraternity para malaman kung ano pa ang maaari naming gawin upang makilala kung sino ang salarin. Sa bagal kasi ng pag-usad ng imbestigasyon dito sa amin, baka mabaon na lang iyon sa limot. Hindi nga namin alam kung totoo bang nagtatrabaho ang mga pulis dito sa amin o nagpapalaki lang ng tiyan sa presinto.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon