HAGOD NG ASWANG

97 0 0
                                    

HAGOD NG ASWANG
Written by Jiara Dy

PWEDE I-SHARE PERO BAWAL KOPYAHIN SA ANUMANG PARAAN. NO TO PLAGIARISM!

Itago n’yo na lang ako sa pangalang Kaloy. Helper sa construction. Kumbaga, e, ako ‘yong madalas nauutusan doon. Ako ang naghahalo ng semento at tiga-abot ng hollow blocks. Gustuhin ko man kasing maging mason, e, kulang pa ang skills ko. Isa pa, ako ‘yong pinakabata doon sa pinagtatrabahuhan namin.

‘Yung ate ko na sa Maynila na nakatira, biglang umuwi sa amin. Nagtaka naman ako no’n kasi ang alam ko, nagsasama na sila ng boyfriend niya. Tapos do’n na po namin nalaman na naghiwalay na silang dalawa bago niya pa nalaman na buntis siya.

Dahil hindi pumayag si Nanay na hindi mapapanagutan si Ate, pinasamahan niya sa akin si Ate papunta sa probinsya nina Mario. Doon na namin nalamang taga-Quezon pala ang dati niyang nobyo. Hindi ko na lang babanggitin kung saan banda sa probinsya.

Maaga kaming umalis ni Ate Cora. Bitbit ko ang dalawang bag na naglalaman ng mga gamit naming dalawa. Mahigit anim na oras kaming nasa byahe pero hindi naman ako nainip dahil magaganda ang tanawing nadadaanan namin.

Mayamaya pa ay narinig na namin ang boses ng konduktor at sinabing nasa terminal na nga kami. Dahil bago lang kami doon, nagtanong-tanong muna kami kung saan pwedeng sumakay papunta sa baryong tinitirahan ng dating nobyo ni ate. Pagod na kami at medyo gutom na rin nang makasakay ng traysikel. Mabuti na lang at may baon kaming biskwit kaya ginawa na naming pampalipas gutom habang hindi pa nahahanap ang sadya namin.

Pumasok ang traysikel sa isang makitid na kalsada na pang-isahang sasakyan lang. Maya’t maya kong kinukumusta si ate dahil para kaming bola sa loob tuwing may madadaanang lubak ‘yong traysikel. Sa dami kasi ng butas ng kalsadang iyon ay muntik nang magmukhang sungka. Napansin ko rin na ‘yong dinadaanan namin, halos mga talahib lang at makakapal na damo ang makikita. Malayo-layo na ang tinakbo ng traysikel pero wala pa rin kaming nakikitang bahay.

Napatanong na ako kay Ate Cora kung tama ba ‘yong pinuntahan namin. Sabi naman niya, sigurado raw siya na iyon ang baryong sinabi ng dati niyang nobyo, si Mario. Iyon ang unang beses na binanggit niya ang pangalan ng lalaking ‘yon. Ilang beses huminto ang traysikel na sinasakyan namin dahil nagtatanong-tanong si Ate Cora sa mga posibleng nakakakilala kay Mario. Mabuti na lang at may isang nakakilala sa hinahanap namin. Isang matandang lalaki. Sinabi nito sa drayber ng traysikel kung saan kami ihahatid.

Makalipas ang ilan pang minuto, huminto na ‘yong traysikel na sinasakyan namin. Sabay pa kaming napalingon ni ate sa drayber. Wala pa rin kasing bahay sa parteng iyon. Ang tanging nakikita lang namin ay ang mas makitid pang daanan na tinubuan na ng maliliit na damo.

“Manong, bakit ho kayo huminto?”

Kitang-kita ko ang takot sa mukha ni Manong habang nakatingin sa unahan namin. Bigla siyang naging balisa. Napansin ko rin ang bahagyang panginginig ng kamay niyang nakahawak sa manibela habang palinga-linga.

“Pasensya na kayo, pero… hanggang dito ko na lang kayo maihahatid.”

Nagtataka man ay wala na rin kaming nagawa dahil mukha namang hindi na namin mapipilit ‘yong matandang drayber. At bago rin siya umalis, sinulyapan pa niya ang ate ko at sinabing mag-iingat kami roon.

Hindi ko maintindihan kung bakit bigla akong kinabahan. Kalalaki kong tao pero parang dinadaga ang dibdib ko lalo na nang makita ang masukal na daraanan namin. Dahil wala na kaming masasakyan, napilitan kami ni Ate Cora na maglakad na lang at muling magtanong-tanong nang may makita na kaming bahay.

Kinalampag ko ‘yong bakod na gawa sa pinagtagpi-tagping yero na puno na rin ng kalawang. Baka kasi hindi ako marinig ng may-ari ng bahay kung kakatukin ko lang ‘yon. Lumabas mula do’n sa lumang bahay ‘yong isang matandang babae. Napakahaba ng buhok niya. Kulang na lang sumayad sa lupa. Noong una, masama ang tingin niya sa akin, pero nang makita niya si Ate Cora, biglang nabago ‘yung ekspresyon niya. Parang bigla siyang natuwa. Tinanong niya kung anong sadya namin doon, pero ‘yung tingin niya, nakatutok lang talaga kay ate. Kung hindi niya lang siguro kilala si Mario ay hinila ko na si ate paalis doon.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon