NAKITIRA SA KUBO NAMIN

87 0 0
                                    

NAKITIRA SA KUBO NAMIN
(Exclusively written for Ang Sundo Horror Stories YouTube channel)

BAWAL KOPYAHIN SA KAHIT ANONG PARAAN. NO TO PLAGIARISM!

Itago n’yo na lang ako sa pangalang Badong. At ito ang nakakikilabot kong karanasan noon sa aming baryo.

Parehong magsasaka ang mga magulang ko. Kinalakihan ko na ang pagtatanim ng kamote, at iba’t ibang klase ng gulay sa kaingin namin sa paanan ng bundok. Maghapon kami sa kaingin at umuuwi lang sa bahay tuwing hapon, bago dumilim. Ngunit mula nang magkaroon kami ng mga alagang hayop, bihira na akong pasamahin ni Tatay sa kaingin. Bakasyon naman kaya makakatulong pa rin ako sa kanila kahit sa pagbabantay lang ng mga alaga namin. Ipinalit kasi ni Tatay ng ilang sako ng kamote ‘yong dalawang kambing kaya nagkaroon na kami ng bagong alaga. May kamahalan ang bentahan ng kambing lalo na kapag may okasyon kaya naisipan ‘yon ni Tatay. May mga inahing manok din kami na nakakulong sa lambat na nakapalibot sa likod ng bahay. ‘Yong lugar kasi namin, malayo sa bayan kaya sa mga tanim at mga alaga lang kami kumukuha ng pagkain.

Sabado ng umaga, ako lang ang naiwan sa bahay. Alas-singko pa lang ay umaalis na sina Tatay papunta sa kaingin. Nagawa ko na lahat ng mga gawain sa bahay. Nakapaglinis at nakapag-igib na rin ako. Itatali ko na lang sana ‘yong dalawang kambing sa damuhan malapit sa amin nang mapansin kong may tao sa may tarangkahan. 

“Sino po sila?” tanong ko nang makalapit.

Ngunit ‘yong matandang lalaki lang ang sumagot. Hinahanap niya si Tatay pero ang sabi ko’y nasa kaingin pa sila ni Nanay. Nagpakilala ang lalaki bilang pinsan ng aking ama kaya pinatuloy ko sila at inalok ng pagkain. Wala naman akong ibang maihahain sa kanila kundi nilagang mais at kamote lang. Inilapag ko ang mga pagkain sa mesa at nagpaalam kung pwedeng maiwan ko muna sila sandali para itali ang mga kambing.

Pagbalik ko sa bahay, nagtaka ako nang maabutan ko ‘yong inihain kong pagkain na wala pa ring bawas at mukhang hindi talaga nagalaw.

“Pasensya ka na, hijo. Busog pa kami,” sabi ng lalaki na nagsabing tawagin ko na lang daw bilang Tatay Igme.

Kilala raw siya ni Tatay at naroon daw sila para pansamantalang manuluyan. Pero hindi naman ako makapagpasya dahil si Tatay lang ang pwedeng gumawa noon kaya naghintay sila hanggang hapon.

Bandang alas-singko na nang makauwi sina Nanay at Tatay. Pareho pa silang nagulat nang makita ang mga bisita namin. Si Tatay Igme ang nakipag-usap sa aking ama. At base sa nakikita ko sa kanilang dalawa, mukhang nagkasama na rin sila noon. ‘Yong asawa naman ni Tatay Igme, nandoon lang sa labas ng bahay namin. Hindi ko alam kung bakit panay ang tingin niya sa kulungan ng mga alaga naming manok at sa dalawang kambing na nakatali sa puno ng santol. May kakaibang kislap ang mga mata niya. Para bang tuwang-tuwa siya sa nakikita.

Tinawag ko siya at inalok ng kape pero mariin siyang tumanggi at sinabing hindi raw siya nagkakape.

Pagsapit ng hapunan, nakapagtataka talaga na hindi pa rin kumain ‘yong mag-asawa. Napaisip ako kung bakit ayaw nila ng nilagang mais at kamote. Mukhang napansin din iyon ni Tatay kaya sinabihan niya ako na bumili ng bigas kinabukasan para may maipakain sa mga bisita. Kapag kami-kami lang kasi sa bahay, sanay na kaming hindi kumakain ng kanin.

Hinanda ko na rin ‘yong tutulugan ng mga bisita namin. Doon muna sila pansamantala sa kwartong tinutulugan ko. Sabi ko naman ay pwede ako kahit doon na lang sa mahaba naming upuan sa sala matulog kaya sila na lang muna doon.

Dahil matutulog na kaming lahat, hinipan ko na ‘yong ilaw naming bunsol at iniwan na lang sa mesa. Paglapat pa lang ng likod ko sa aking higaan, narinig ko na nagbubulungan ‘yong mag-asawa sa kwarto. Hindi ko naman gaanong marinig ang pinag-uusapan nila pero parang nagrereklamo ‘yong asawa ni Tatay Igme. Hindi ko na lang sila pinansin at pinilit nang makatulog.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon