MATANDANG ABORSYONISTA

95 1 0
                                    

PLAGIARISM IS A CRIME!
⚠️ SPG
MATANDANG ABORSYONISTA
(Exclusively written for Kwentong Enteng YouTube channel)

Itago n’yo na lang ako sa pangalang Regor. 62 years old na. Hanapbuhay ko noon ang paghahabal-habal sa Anoling. Hindi kasi nakakapasok ang malalaking sasakyan sa makipot na kalsada papasok sa ibang bahagi ng aming lugar dahil bukod sa maputik ay lubak-lubak pa ang daan.

Ilang beses na naming inireklamo sa barangay ang mga butas sa daang iyon patungong looban pero ipinagsasawalang-bahala lang iyon ni Kapitan. Wala naman daw madalas na pumupunta roon kaya hinahayaan na lang kahit kulang na lang ay magmukhang sungka ang daanan sa kaliwa't kanang uka ng lupa.

Iilan lang kaming may naipundar na motor sa looban kaya malaki-laki rin ang kinikita namin sa paghahabal-habal. Madalas na nagiging pasahero namin ay 'yong mga may puwesto sa palengke na maagang umaalis para makipag-agawan sa mga bagong dating na isda. Pero nitong nakaraang linggo lang, madalas ko nang nagiging pasahero ang mga dayo mula sa iba't ibang bayan o probinsya na pumupunta sa kapitbahay naming si Manang Flora.

Mahusay manggamot ang matanda. May mangilan-ngilan ding pumupunta roon na buntis, ngunit hindi para magpahilot kundi para magpalaglag ng bata. Kilala siya bilang magaling na aborsiyonista kaya kahit illegal ay dinarayo pa rin siya. Wala namang nagtatangkang magsumbong sa pulis mula sa aming mga kapitbahay dahil likas din sa pagiging matulungin si Manang Flora. Katunayan nga, e, isa rin ako sa mga natulungan niya noong nagipit kami ni Sandra kaya tuwing may naghahanap sa kaniya para magpagamot e ako ang madalas na pinupuntahan para samahan ang mga dayo sa bahay ni Manang Flora.

Minsan, inaabot na ako ng madaling araw sa paghahatid ng mga pasahero. Kahit kasi oras na ng pahinga ay may nangangatok pa sa bahay para magpahatid sa may labasan. Bukod kasi sa maputik at lubak-lubak ang kanilang dadaanan ay natatakot ding maglakad ang iba dahil sa liblib ang aming lugar. Sa oras na harangin sila roon ay walang makakarinig sa kanila kahit humingi sila ng tulong. Napalilibutan kasi iyon ng malawak na maisan. Tuwing araw lang may nagagawi roon pero sa gabi, wala nang nagtatangka pang lumabas at magawi roon dahil sa mga kuwento-kuwento tungkol sa nag-iisang kamalig sa gitna ng maisan.

Bata pa lang kami ay mahigpit na kaming pinagbibilinan nina Lolo at Lola na huwag na huwag daw gagala sa gawing maisan dahil ang matandang albularyo raw na nakatira roon ay isang aswang. Noong una ay ayaw kong maniwala sa mga kuwento nila pero habang tumatagal, unti-unti na rin akong naniniwala. Sa araw kasi ay hindi ko nakikitang lumalabas ang matanda. Natatanaw ko lang ang kamalig na nagsisilbi niyang bahay na palaging nakasarado tuwing mapapadaan ako sakay ng aking motor. At minsan naman nang may hinatid akong pasahero at inabot ako ng gabi sa daan, nakita ko siya sa labas ng kamalig. Nakaupo sa bato at wari'y may hinihintay.

“Regor, magkape ka na muna bago ka bumyahe para hindi ka antukin. Sa dami ng nakapila riyan kina Manang Flora, siguradong makakailang balik ka na naman mamaya,” sabi ni Sandra habang nag-iinit ng tubig.

“O, siya, sige. May biskwit pa ba dyan? Magbabaon na lang ako para hindi gutumin mamaya.”

Kumuha si Sandra ng biskwit mula sa balde at isinilid sa plastik labo.

Nang maubos ko ang kape’y nagpaalam na rin ako kaagad sa kaniya para maghabal-habal. Saktong labas ko nama’y may mga pasahero nang naghihintay sa labas ng bahay ni Manang Flora.

“Sakay na ho! Apat lang po ang kaya ng motor ko. Pers kam, pers serb po tayo.”

“Paunahin na natin ‘yong mga may sakit. ‘Yong mga nagpalaglag ng bata, magpahuli na kayo, tutal, gumawa naman kayo ng malaking kasalanan sa Diyos,” sabi ng isang matandang lalaki na may kasamang binatilyo na sinto-sinto.

“Sandali, e, kanina pa kami naghihintay dito, ah! Kami ang dapat mauna. Pambihira naman kayo, Manong!” reklamo ng babaeng sa tantiya ko’y bente-anyos pa lamang.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon