ASWANG SA TUPADA

83 1 0
                                    

ASWANG SA TUPADA
(Exclusively written for Kwentong Enteng YouTube channel)

Tawagin n’yo na lang ako sa pangalang Victor. Paghahabal-habal ang aking hanapbuhay. Matino naman akong asawa. Hindi pala-inom at hindi rin nambababae, kaso nga lang, may kaisa-isa akong bisyo na para bang naging sakit ko na at napakahirap gamutin—ang pagtutupada.

Hindi ko na babanggitin kung saang probinsya kami nakatira. Iyong lugar kasi na tinitirahan namin noon, masyadong liblib at malayo rin sa bayan. Para sa iba, malaking kalbaryo iyon, pero sa aming mga sabungero, pabor na pabor iyon. Malaya kasi kaming nakakapagtupada at minsa’y dinarayo pa ng mga taga-kabilang bayan dahil hindi ‘yon basta-bastang natutunton ng mga pulis.

Nakahanda naman ako sakaling maranasan ko ang hulihan. Simple lang naman kasi iyon. Kapag may pulis, pabilisan na lang tumakbo. Sa laki kasi ng magagastos sa pyansa, kulang pa ang mga napanalunan ko kahit isama pa ang kinita ko sa habal.

Undas noon. ‘Yong araw na sana’y naglilinis kami ng puntod ng mga yumao naming kamag-anak ay nauwi na naman sa tupada. Bago pa lang lumiliwanag sa labas ay nakapila na kami sa dulo ng pilapil kung saan nag-aabang ng habal-habal ang mga sabungero na kani-kaniyang kalong na sasabunging manok. Gustuhin ko mang dalhin ang motorsiklong ginagamit ko sa paghahabal-habal ay mag-aaway lang kami ng asawa ko. Ang katwiran niya kasi, baka raw magkahulihan na at maiwan ko ang motorsiklo.

“Uy, Vic! Mukhang may panglaban ka ngayon, ah!” sabi ni Kulot nang lumapit siya sa akin.

“Ito lang kasi ang maayos ang kondisyon, p’re. Malay mo, swertehin ako ngayong araw.”

“Eh, bakit hindi mo dinala ang motor mo? ‘Di ka pinayagan ni misis ‘no? Naku, p’re, ‘di na uso ngayon ang mga Andres ngayon!”

Napailing na lang ako sa birong iyon ni Kulot. Baka kasi magkasamaan lang kami ng loob kung sasagutin ko pa ang sinabi niya. Wala namang masama sa pagiging masunuring asawa kung pinapayagan naman akong magtupada.

Medyo natagalan pa kami bago makaalis. Nag-aagawan kasi sa habal ang mga sabungero kaya hindi kami makasingit. Mabuti na lang at may dumating na kakilala ko sa pila na si Allan. Palibhasa’y kakilala, kami ang inuna niyang isakay at sinabing babalikan na lang ang iba.

Binaybay ng motorsiklong sinasakyan namin ang makitid na daan patungo sa manggahan kung saan gaganapin ang salpukan, sakay kaming tatlo na pare-parehong may bitbit na bayong. Bukod sa may kalayuan ang dinaanan namin, masukal din iyon at malalago ang mga damong nakakasugat ng balat na kung tawagin sa amin ay “adat.”

Tiyak na hindi kami matutunton doon ng mga pulis sakali mang may magsumbong.

“P’re, malayo pa ba?” tanong ni Kulot kay Allan. Nasa trenta minutos na kasi kami roon pero hindi pa rin namin natatanaw ang manggahan.

“Malapit na, boss.”

Ilang sandali pa ay natanaw na namin ang kumpulan ng mga tao sa gitna ng manggahan. Tiyak na aabutin na naman ng hapon ang tupada sa dami ng mga sabungerong naroon.

“Pusyam! Pusyam!”

Pusta sa lyamado, pusta sa dehado. Animo’y mga manok na nagpuputakan ang mga nagkakagulong sabungero sa gitna ng manggahan. Bagama’t abala sa pagpusta, lihim din kaming nagmamasid sa paligid sa takot na ang isa sa mga pumupusta’y pulis na pala.

Bandang tanghali na nang mapalaban ang dalang manok ni Kulot. Hindi kaagad nailaban ang dala kong manok dahil walang kumasa ni isa sa kanila. Masyado raw kasing malaki ang dala kong manok kaya namusta na lang ako nang may maiuwi man lang na panalo kaysa naman masayang ang punta ko roon.

Sa kasagsagan ng salpukan ng mga manok, nakaagaw-pansin sa akin ‘yong matandang lalaki na nakatayo sa likod ng isa sa mga puno ng mangga. Ilang metro lang ang layo no’n mula sa pinaggaganapan ng tupada. Naningkit ang mga mata ko habang pinagmamasdan ‘yong matanda.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon