Chapter 43

90 5 2
                                    

SA pagdating ni Marga sa buhay ng mag-amang Ernesto at Levi, isang taon na ang nakakalipas ay maraming nagbago sa mansion. Hindi gaya noon na malaya silang magtawanan at magbiruan, ngayon ay pinagbawalan ni Marga ang mga kasambahay na makipagkuwentuhan kapag oras ng trabaho. Kapag nahuhuli nito ang sino man ay pinapagalitan at pinapahiya nito, madalas ay sinasaktan nito ang mga kasambahay. Ilang kasambahay na rin ang umalis doon dahil hindi natagalan ang ugali nito. Ang ilan naman nagtangka na umalis ay naagapan ni Levi at pinakiusapan.

Matapos ang away sa pagitan ni Levi at Marga dahil kay Luisa, naging mailap ang babae kay Levi. Magkasama ang mga ito sa loob pero bihira o halos hindi kausapin nito ang asawa ng ama, maging ang bunsong anak ni Marga na gaya ng ina ay matapobre at spoiled brat. Kung may nakasundo sila sa mag-iina, iyon ay si Ian, ang panganay.

Natural itong mabait. Si Ian ang madalas humihingi ng pasensya sa kanila sa ginagawa ng ina. Minsan nga napag-uusapan at biro nila doon na baka ampon lang si Ian dahil ang layo ng ugali nito sa ina at kapatid. Bukod sa mabait ay palagi nitong kinokontra ang ina kapag hindi gusto ang ginagawa. Madalas nilang naririnig na tinatawag ni Marga ang anak na suwail at black sheep dahil lang hindi sumusunod sa kapritso nito. Hindi na rin naman naulit ang insidente noon sa pagitan ni Luisa at Marga. Hindi na siya kinausap o pinakialaman nito. Ngunit sa bawat pagkakataon na nagkakasalubong sila at nakakatinginan, isang matalas na irap ang binibigay nito sa kanya.

"Tahimik ngayon ang mansion ah," puna ni Luisa.

Bukod sa ilang kasambahay ay wala nang iba pang tao doon bukod sa kanila ni Levi.

"As usual nasa bakasyon si Marga at 'yong paborito niyang anak, si Ian naman ewan kung nasaan 'yon. Si Dad, alam mo naman 'yon, hindi uso ang weekend at pahinga doon kaya nasa meeting pa, hindi ko alam anong oras makakauwi 'yon," paliwanag nito.

"Kaya naman pala maaliwalas dito sa mansion, wala 'yong bruha," komento ni Luisa. Natawa na lang si Levi at napailing pagkatapos ay hinawakan ang kamay niya.

Dalawang taon na rin mula nang maging opisyal ang kanilang relasyon. Gaya ng ibang mag-nobyo may mga pagkakataon na nag-aaway sila at nagkakatampuhan. Ngunit gaya rin ng iba ay madali silang nagkakabati. Levi spoils her with so much love and affection. Kahit busy sa pag-aaral at trabaho, sinisiguro nito na nabibigyan siya ng oras, gaya ngayon. Dahil weekend at wala itong pasok sa University at trabaho, nagbasketball lang ito kaninang umaga kasama ang mga kaibigan, pagkatapos ay umuwi rin at hindi na umalis pa. Ang ibang kasambahay ay nag-day off at kinabukasan na ang uwi, kasama na doon si Nanay Elsa at anak nito na si Tere. Kaya halos iilan lang silang tao doon.

Halos maghapon silang magkasama sa araw na iyon. Doon ito tumambay sa bahay nila at tinulungan pa siya sa gawain sa bahay at mga assignments. Pagkatapos ay niyaya siya nito doon sa kuwarto nito kung saan may sarili itong entertainment system at nanood ng pelikula. Habang nanonood ay naupo sila doon sa kama ni Levi at nakasandal sa headboard niyon.

"Sana ganito na lang lagi, wala si Marga para tahimik," sabi niya at sinandal ang ulo sa balikat nito.

Bumuntong-hininga si Levi. "Hayaan mo, matapos lang ako sa pag-aaral, magpapakasal na tayo agad, tapos aalis tayo dito at titira sa isang bahay."

Napatuwid siya ng upo sa gulat dahil sinabi nito at mabilis na lumingon sa nobyo.

"Magpakasal? Agad?"

Pumihit ito paharap sa kanya. "Oo, bakit? Hindi ka pa ba sigurado sa akin? Kasi ako sigurado na ako na ikaw ang gusto ko makasama habang buhay."

Midnight RainTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon