Ang bato ay nasisira sa tuwing hinahampas ng alon. Ito'y nangyari kay Dana. Noong bata pa siya ay palagi siyang pinagsasabihan ng kaniyang mga magulang na bawal magkatuluyan ang tubig at bato.
"Bakit po ito pinagbabawalan, inay?" nagtatakang tanong ni Dana sa kaniyang ina.
"Kapag humahampas ang alon, napupunta ito sa atin at tayo'y nasisira tuloy dahil dito. Marami na ang namatay dahil sa mga kontrabidang along ito kung saan nagiging isang buhangin tayo," sagot ng ina.
Ang masaktan sa isang partikular na pangyayari ay hindi maiiwasan, lalo na na sila ay mga bato na dumadaan sa proseso ng pagkasira.
Isang araw, nagpapahinga si Dana sa talampas kasama ang kaniyang kapwa bato na itinuturing niyang matalik na kaibigan. Tumingala ang ulo ni Dana upang tignan ang langit.
"Ang ganda naman tignan ng tanawin, kasingganda ng lalaking nasa panaginip ko kahapon," sabi ni Dana habang pinagmamasdan ang tanawin.
Pakiramdam niya'y halos mahawakan niya ang asul na langit, malanghap ang tahimik na hangin na kumakaway sa mga puno at nais niyang makita ang malinis na dagat sa ibaba. Yumuko si Dana sa ibaba ngunit hindi niya masilayan nang maayos ang nais niyang makita.
"Kahit lang ito'y nasa isip-isipan ko, tiyak ako na maganda ito tingnan. Kailan kaya ako makakapunta doon?"
"Tama ka nga kaibigan, ito'y kahanga-hanga. Ngunit sino nga ba ang tinutukoy mong lalaki, Dana?" tanong ng kanyang matalik na kaibigan na si Petra.Sa tanong na iyon biglang nagulat si Dana na ibinanggit ito ng kanyang kaibigan sapagkat akala niya na mag-isa lang siya roon habang kinakausap ang kaniyang sarili.
"Wala wala, anong pinagbubulong mo diyan Petra. Tinitingnan ko lang naman dito ang kalangitan," sabi ni Dana habang may pekeng-ngiting nakapasngil.
Tumaas ang kilay ni Petra habang nakatingin sa kaniyang kaibigan. Nagtataka ito kung bakit nakangiti nang ganoon si Dana.
"May tinatago ka ba sa akin, Dana? Baka hindi mo ako pinagkakatiwalaan dito sa kasintahan mo. Sabihin mo kung sino yan," pang-aasar ni Petra.
Naguguluhan si Dana kung sasabihin ba niya ang katotohanan. Nang may sasabihin na sana siya ay biglang may puwersa na tumulak sa kaniya papunta sa ibaba ng talampas, ang hangin. Nadulas si Dana dahil sa lakas ng puwersa nito.
"Ahhhhhhhh!!" takot na sigaw ni Dana habang tinutulak ito ng hangin.
Napansin iyon ni Petra at agad na hinawakan ang kamay ni Dana.
"Kumapit ka nang mahigpit Dana!" alalang sabi ni Petra habang hawak ang kamay ni Dana.
Sa puntong iyon hindi na matiis ni Dana ang sakit."Petra, makinig ka sa akin. Sabihin mo sa aking pamilya na magbabakasyon muna ako sa dagat dahil gustong-gusto ko nang harap-harapang masilayan ang kagandahan nito at ito'y aking pagkakataon na. Paumanhin ngunit ibibitiw ko na ang aking kamay. Salamat kaibigan."
"Teka Dana huwag mong gawin 'yan. Alam mo na ang bilin ng magulang mo sa iyo na delikado sa atin na lumapit sa karagatan!" nagmamakaawang sabi ni Petra hanggang sa nahulog si Dana sa ibaba.
Ilang minuto ang dumaan ay nagising na si Dana sa kaniyang puwesto. Kumurap-kurap ang kaniyang mga mata at hindi niya maalala ang mga nangyari kanina. Nang matanaw na niya ang kapaligiran, luminga-linga siya. Naririnig niya ang paghampas ng alon kaya ay kaniyang napagtanto kung nasaan siya-ang lugar na noon pa niya gustong makita. Sa mukha pa lang ng dalagita ay kitang-kita ang kasiyahan.
"Paano kaya ako napunta rito?" tanong niya sa kaniyang sarili nang biglang may sumagot na boses sa kaniyang tanong. Hindi niya mawari kung sino pero sigurado siyang lalaki ito.
"Nasa dalampasigan ka, binibini," sagot ng lalaki na hindi pamilyar ang boses. Nang marinig ito ni Dana, nanlaki ang mga mata niya. Lumingon siya sa kaniyang likuran at nakita ang guwapong binata. Ito'y basang-basa, matangkad, tuwid ang buhok at kitang-kita ang kaniyang nakakabighaning mga mata na kulay asul.
"Sino ka ba? Bakit ikaw lang ang nilalang na nandito?" pang-aasar na sambit ni Dana habang inililibot niya ang kaniyang mata.
"Grabe ka naman makapagbitaw ng mga salita binibini," pabirong galit na sinabi ng binata.
"Isangtabi muna natin ang mga biro-biruan. Ipapakilala ko nga pala ang aking sarili. Ako nga pala si Dylan, nag-iisang anak ng hari ng alon," pagpapakilala ni Dylan kay Dana. Kinagat ni Dana ang kaniyang labi habang nag-iisip nang malalim."Bawal kang lumapit sa akin Dylan. Pinagbabawalan tayong lumapit sa isa't isa at alam mo iyon," seryosong sambit ni Dana kay Dylan.
"Ay, nakalimutan kong bato ka nga pala. Paumanhin, binibini, ika'y masusunod. Pangako iyon mula sa akin," sabi ni Dylan habang tumatawa.
Nang lumipas ang panahon ay unti-unting naging malambot si Dana kay Dylan. Araw-araw na sila palaging magkasama at nag-uusap. Dahil sa kuryosidad at pagkahumaling ni Dana sa alon ay hindi na niya maalala ang mga sinabi ng kaniyang mga magulang tungkol dito.
Ito na ang oras kung saan mamatay si Dana at malaman niya ang katotohanan tungkol sa akin. Lahat dapat ng mga nilalang katulad niya ay mawala sa mundong ito! Mukha pa lang niya ay kahindik-hindik nang tingnan. Bulong ni Dylan sa kaniyang isip-isipan.
Habang natutulog si Dana ay ginawang pagkakataon ni Dylan na mas hampasin niya ang kaniyang sarili sa bato upang mas madurog ito. Walang kaawa-awang ginawa niya ito.
Nang magising si Dana ay basang-basa na siya dahil sa alon ni Dylan at nagtaka kung ano ang kaniyang gagawin sa sitwasyong ito. Kitang-kita sa mukha ni Dylan na pinagplanuhan niya ito noon pa, at napagtanto ni Dana na ito na ang totoong kulay ng kaniyang matalik na kaibigan.
"Ikaw nga pala ang magtataksil sa akin, kinaibigan kita dahil pinagkatiwalaan kita, Dylan. Ngunit bakit winasak mo iyon?" kalungkot-lungkot na sabi ni Dana.
"Ang pangarap ko lang naman ay makapunta rito dahil sa kagandahan ng dalampasigan, iyon lang ang nais ko at ito pa ang aking ikakamatay," pagmamakaawang sabi ni Dana kay Dylan. Nakatitig lang si Dylan kay Dana na walang pakialam na mamatay na ang kaniyang kaibigan.
Naalala ko na ang lahat ng sinabi ng magulang ko, na pagnagkakaugnay ang bato at alon ay ito'y delikado para sa amin. Ngunit hindi ko ito pinansin dahil sa aking kuryosidad na makita ang kagandahan ng dalampasigan, itinuring pa naman kitang kaibigan," sabi niya sa sarili habang nakatingin sa ibang bato na naging buhangin rin.
"Ang batong nahahampas ng alon ay nagiging isang buhangin lamang, at isa na ako rito."
YOU ARE READING
Alamat Ng Buhangin
Short Story"Ang nais ko lang naman ay masilayan ang karagatan" - Dana