*****
Padabog akong umakyat sa kuwarto ko at galit na isinara ang pinto. Ni-lock ko ito para hindi sila makapasok. Magkakasunod na mga katok sa pinto ang narinig ko.
Binuksan ko ang radyo at itinodo ang lakas nito. Hindi naman ako magkakaganito kung hindi dahil sa kanila. Sakal na sakal na ako. Wala na akong ginawang tama. Lagi na lang ako ang mali at may kasalanan. Hindi ko masunod ang aking sariling mga pangarap kasi halos sila ang gustong magpatakbo ng aking buhay.
"Anak n'yo lang ako! Hindi n'yo pagmamay-ari ang buhay ko!" sigaw ko. Pabagsak akong nahiga sa kama.
Nasasaktan ako. Masama ang loob ko, pero wala na akong luhang maiiyak pa. Pakiramdam ko, said na said na ako. Parang naging bato na ang aking puso. Kinain na ako ng galit at sama ng loob dahil sa kagustuhan kong mas masunod kung anong gusto ko para sa aking sarili. Gusto kong mahalin nila at tanggapin kung sino ako.
Mas ginusto ko na lang na kasama ang aking barkada, kasi sila naiitindihan at sinusuportahan ako. Sila, kilala ang totoong ako.
Ako si Alfean Rose. Labing walong taong gulang at suki ng mga singing contest. Madalas akong nakakapasa sa audition at nakakapasok sa grand final, pero hindi pa rin pinapalad na manalo. Subalit sige pa rin dahil ang pagkanta ang buhay ko. Naniniwala akong darating din ang oras para ako naman ang manalo.
Dahil sa pagod sa maghapong pila sa audition at malakas na volume ng radyo, napapikit ako hanggang sa tuluyang makatulog.
Nagising ako at napabalikwas ng bangon dahil sa malakas na ugong na narinig ko. Sinundan ito ng malakas na lindol. Habang tumatagal, palakas pa nang palakas ang pagyanig ng lupa. Nakarinig ako ng mga sigawan at mga tunog na tila ba mga bahay na gumuguho. Hanggang sa makita kong unti-unti nang nabibiyak ang pader ng kuwarto ko.
Tumakbo ako palabas habang nanginginig ang tuhod dahil sa matinding takot. Ilang beses akong natumba pero nagpatuloy ako. Halos mapaiyak ako sa takot. Hinahanap ko sila pero wala akong nakita ni isa man sa kanila. Malawak ang aming lupang pag-aari kaya naisipan kong tumakbo sa aming bakuran. Baka sakaling nandoon sila lahat, pero nabigo ako.
Tumambad sa akin ang mga nagsulputang malahiganteng bato roon. Mga batong tila sadyang inukit para maging kamukha ng ilang santo. Isang kamangha-manghang tanawin sa gitna ng pag-aagaw ng dilim at liwanag. Sa huma ko'y nasa mag-a-alas kuwatro na ng umaga. Nang mga sandaling iyon ay pahina na nang pahina ang lindol.
Tumingala ako sa langit at laking gulat ko sa aking nakita. Tila nagbago ang konstelasyon ng mga bituin. Ang kulay ng mga ito ay pulang-pula na tila ba sa ilang sandali lamang ay sasabog na. Mula sa kinatatayuan ko ay natatanaw ko na ang ilang planeta na dati ay hindi tanaw sa ating mundo. Ang buwan na kung dati'y kaygandang pagmasdan, ngayo'y panginginigan ka ng laman. Sobrang lapit niya at dahil dito malapitan mo siyang makikita habang unti-unting nagkakaroon ng lamat na tila sasabog na rin.
"Ano 'to? Anong nangyayari? Katapusan na ba ng mundo?" naibulalas ko.
Sa aking paglinga-linga sa paligid, wala akong nakita kahit sino.
Mag-isa na lang ba ako rito?
"Mommy! Daddy! Nasaan na ba kayo? H'wag n'yo akong iwang mag-isa rito," umiiyak kong tinuran.
Mayamaya, muling yumanig ang lupa at mula sa malayo ay napagmasdan ko ang paglitaw ng isang malaking palasyo. Nagliliwanag ito sa taglay na kaputian. Mayroon itong mataas na tarangkahan. Kahit malayo ito sa kinaroroonan ko, dinig ko ang tinig ng mga nag-aawitan at masasayang tawanan.
Sa aking kinatatayuan ay nagsimulang bumiyak ang lupa at kitang-kita ko kung paano nilamon ng lupa ang bahay namin. Nakakapanlumo. Nakakatakot. Lalo pa akong naiyak sa mga sumunod kong narinig.
BINABASA MO ANG
A SUDDEN CHANGE
SpiritualOne Shot Story ***Ang kwentong ito ay produkto lamang ng aking imahinasyon at minsa'y naging laman ng aking mga panaginip. May pagkakatulad man sa ibang kwento, ito ay sadyang nagkataon lamang. Hindi layunin ng kwentong ito na hikayatin ang mga mam...