BUROL AT TAUHAN P1

76 0 0
                                    

BUROL
(This is exclusively written for Lady Pam YouTube channel. BAWAL KOPYAHIN SA ANUMANG PARAAN.)

Bata pa lamang sina Reggie ay naririnig na nila ang tungkol sa mga nangunguha ng bata sa kanilang probinsya. Madalas itong ginagawang panakot sa kanila para hindi magpaabot ng gabi sa paglalaro sa labas ng bahay at hindi naman gumala sa malayo tuwing umaga. Ang sabi pa sa kanila noon, puting van ang madalas na ginagamit sa pangunguha ng mga batang bigla na lamang nawawala. Maraming nagsasabi na gawa-gawa lang daw ang kuwentong iyon, pero mas marami ang nagsasabing nakikita nila mismo ang puting van na nagmamatyag at pagala-gala sa iba’t ibang lugar.

Kahit ang mismong ama ni Reggie na si Mang Julius ay minsan nang napaghinalaan dahil sa puting van na ginagamit nito sa pagbyahe.

“Huwag ka ngang nagpapaniwala sa mga kuwento na ‘yan, Reggie. Alam mo naman ang kalakaran dito sa atin. Kapag may malaking issue na kailangang pagtakpan, kailangan ng isa pang pag-uusapan. Kapag nagka-edad-edad ka pa ay mauunawaan mo rin ang mga sinasabi ko sa ‘yo, anak,” wika ng kaniyang ama habang naghahapunan sila.

Dagdag pa ng kaniyang ama, matagal na raw talaga ang kuwentong iyon at halos taon-taon lamang binubuhay ang kuwento para magmukhang bago. Pero kahit ipagtanong-tanong mismo sa pulisya ay wala namang record ng mga nawawalang bata sa bayan nila nang dahil sa puting van. Kung mayroon mang mga nawawala ay iba ang tunay na dahilan.

Nang mga panahong iyon ay trese anyos pa lamang si Reggie at bakasyon pa nila kaya malaya siyang nakakapaglaro. Minsan, inaabot pa siya nang gabi sa labas ng bahay. Likas kasing matigas ang ulo niya’t hindi nakikinig sa kaniyang ina tuwing binabawalan siya nito. Ang kaniyang ama naman ay gabi nang nakakauwi ngunit palagi rin siya nitong pinagsasabihan tuwing nagsusumbong ang kaniyang ina.

Hanggang sa sumapit ang isang hapon. Dumayo si Reggie sa pakikipaglaro sa kabilang sitio, dala ang kaniyang bisikleta. Sa pakikipagkarera niya sa mga kalaro ay nakaabot na sila sa dulong bahagi ng sitio, kung saan makikita ang daan patungo sa burol na kinatatakutan puntahan ng mga bata sa kanila. Ang burol kasi na iyon ang pinagmulan ng kuwento tungkol sa unang puting van na nagpagala-gala noon para manguha ng mga bata. Matapos daw mawala ang mga bata, doon na lamang iniwan ang van at nagpasyang tabunan ng makapal na lupa upang wala nang ibang makakita. Pero may isang matandang residente sa kanila ang nagsasabing nasaksihan umano nito kung paano tinabunan ng lupa ang nasabing van kaya nagkaroon doon ng maliit na burol. Wala na rin namang nagtangkang magpahukay noon dahil tinubuan na ng nagtataasang mga damo at ilang punong-kahoy ang burol. 

“Bilisan n’yo! Ang hina n’yo naman. Wala na ba akong mas mabilis pang makakalaban?” mayabang na sabi ni Reggie sa kalarong kambal na sina Jak at Janus.

Malayo na siya sa mga kalaro nang may maramdaman siya sa kaniyang bisikleta. Huminto siya sandali upang alamin kung ano ang problema. Doon niya napagtanto na lumuwag pala ang kadena ng bisikleta niya kaya kinailangan niyang huminto upang ayusin ‘yon.

Napalingon siya sa kambal nang marinig ang sigaw ng mga ito na wari’y nang-aasar pa nang lampasan siya.

“O’ ano? Talo ka na, Reggie!” sigaw ni Jak bago siya nilampasan ng kambal. “Yabang mo kasi!”

Sa kagustuhang matalo siya ay hindi huminto sa pagtipa ang magkapatid. Doon na naalarma si Reggie nang mapansin ang direksyong tinatahak ng mga ito. Bigla siyang kinabahan nang oras na ‘yon. Bukod sa hindi pa talaga sila nagagawi sa may burol ay papadilim na rin noon. Ilang sandali na lamang at kakalat na ang dilim sa paligid kaya kinakailangan na rin nilang makabalik. Tiyak na hahanapin na sila ng kani-kanilang mga magulang.

Minadali niya ang pag-aayos ng kadena upang masundan ang dalawa.

“Ba’t naman kasi ngayon pa ‘ko minalas, e,” aniya nang matagalan sa ginagawa.

TAGALOG HORROR STORIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon