PAGASPAS

4 0 0
                                    

NAG-AAGAW na ang liwanag at dilim, natatakot man ay walang magagawa ang sampung taong gulang na si Darin kundi sundin ang utos ng kaniyang ina. Ang maghahanap ng talbos ng gabi o kamote upang may pang-ulam sila sa hapunan. Isang buwan pa lang na nanganak si Paula at may kahinaan ang pangangatawan ng naturang ginang.

Sa musmos na isipan ni Darin ay alam niya ang  hirap na dinadanas nila. Dalawang buwan ng hindi umuuwi ang kaniyang ama na kaniyang ipinagtataka. Minsan nakikita niyang umiiyak ang kaniyang inay at alam niyang nalulungkot ito na basta na lang sila iniwan ng kaniyang ama.

Ang pagkakaalam niya ay sumama ito sa kanilang kapitbahay upang magtrabaho sa kabilang bayan bilang isang karpintero. Sa unang linggo ay umuwi pa ito upang ibigay ang sahod sa kaniyang ina na iniipon nila para sa kapanganakan nito. Ngunit hanggang sa makapanganak na lamang si Paula ay hindi na ito nagpakita pa. Tanging ang kaniyang Lola Cita ang naging kasa-kasama nila sa bahay t‘wing sasapit ang takipsilim.

Napapitlag si Darin nang may malamig na bagay ang dumantay sa kaniyang binti. Napaatras siya nang makita ang isang maliit na ahas.

Dali-dali ng umahon sa sapa si Darin bitbit ang isang supot na puno ng talangka at tatlong dalag na pumasok sa kaniyang mallit na lambat. Pagkatapos niyang manguha kanina ng mga talbos ay naalala niyang daanan ang ginawang lambat sa gilid ng sapa. Tuwang-tuwa siya habang bitbit ang maaring uulamin nila hanggang sa kinabukasan.

Mabilis ang kaniyang mga hakbang dahil tuluyan nang nilamon ng kadilim ang kapaligiran. Bahagya lamang nakasilip ang buwan sa kalangitan kaya sinanay niya ang mga mata sa madadaanan. Sa kalagitnaan ng kaniyang paglalakad ay may naulinigan siyang kaluskos sa loob ng talahiban. Sa pag-aakalang mga palaka lamang ‘yon ay nagpatuloy siya sa paglalakad. Ngunit kagyat na natigilan nang may marinig na ungol. Ungol na tila nahihirapan at may kasamang impit na pagdaing.

Nagpalinga-linga si Darin, nakaramdam siya nang takot ngunit mas nanaig ang kuryusidad niyang silipin ang pinagmulan ng ungol. Maingat niyang hinawi ang ilang dahon ng talahib para lang masindak!

Isang nakatalikod na babae na may mahabang buhok ang kaniyang nasilayan. Nakatingala ito sa kalangitan habang may pinapahid na masangsang na amoy sa hubad nitong katawan. Makintab. Nanlilimahid ito habang impit na umuungol. Mayad lang ay itinaas nito ang dalawang braso sa ere at  habang may kong anong inuusal. Napaawang ang bibig ni Darin ng dahan-dahang nahahati ang katawan nito!

Tila itinulos na kandila ang bata sa kaniyang kinatatayuan. Halos hindi maigalaw ang dalawang paa dahil sa matinding takot. Nahimasmasan lamang siya nang humangin nang malakas dahil lumipad na ang nilalang paitaas. Naiwan ang kalahating katawan nito sa masukal na talahiban.

Nang makahuma ay walang lingon-lingon na tumakbo pauwi si Darin. Para siyang hinahabol ng pusang gala. Mabuti na lamang at hindi siya napansin ng nilalang dahil mabilis itong lumipad palayo.

Pagdating ng bahay ay bigla siyang pumasok ng kusina at sinarado ito. Nagulat pa ang kaniyang ina na hinehele ang sanggol at Lola Cita na kasalukuyang inaantay siya.

“Haneng bata ka, saan ka nagsusuot at ang tagal mong makabalik?” nagtatakang tanong ng kaniyang abuela.

“La-lola. . .ma, may nakita ak-akong aswang sa talahiban!” nauutal niyang tugon. Habang inaabot sa matanda ang maliit na lambat at mga talbos.

“Darin, magsabi ka nga ng totoo siguro gagamba na naman ang inatupag mo,” sabat ng kaniyang ina.

“Nay, nagsasabi po ako ng totoo. Nakita ko kung pa'no nahati ang kaniyang katawan. Naroon pa sa loob ng talahiban ang kaputo-”

“Shhh. . . huwag niyo ng pag-usapan at baka marinig tayo. Matalas pa naman ang pandinig ng mga nilalang sa dilim,” mahinang saway ng kaniyang lola.

“Naniniwala kayo kay Darin, inang?” tanong ni Paula.

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Oct 14, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

TAKIPSILIM Where stories live. Discover now