Picture Interpretation
Incogni2 Third Strike
April 27, 2015
~
GAMIT ang maliliit kong buntot at palikpik, sinimulan kong lumangoy nang mabilis na mabilis dahil sa takot kong maabutan ni Frank-isa sa mga kalaro ko na siyang naging taya sa laro naming habulan.
Nagsuot ako sa kung saan-saan at nagtago sa bawat coral reefs na aking madaraanan. Sa tuwing lumilingon ako para alamin kung nasaan na siya, ang matulis lang niyang ngipin ang siyang aking nakikita. Nakakasindak, nakakatakot, na para bang handa na niya akong ilunok ano mang oras na maabutan niya ako.
"Andiyan na ako," malambing niyang anunsyo na naging dahilan kung bakit pati kaliskis ko'y tataasan na rin yata ako. Napalunok na lamang tuloy ako saka mas binilisan pa ang paglangoy ko.
Ginawa ko ang lahat para hindi niya ako maabutan, at laking tuwa ko nang mapansin kong hindi na yata niya ako nasundan. Tumigil ako ng pansamantala upang magpahinga, at ngumiti na para bang ang tagumpay ay hawak ko na. Maya-maya pa'y rumihistro sa aking paningin ang isang hindi pamilyar na tanawin.
Maaliwalas at maganda ang paligid, iba't ibang kulay ng mga halamang dagat ang siya ring nakapaligid. Sumasayaw sila kasabay ng paggalaw ng tubig, ang sarap lang pagmasdan, nakakaibig. Hindi rin nakawala sa aking paningin ang mga coral reefs na sa tingin ko'y rito ko lang nakita-matataas ang ilan sa mga ito, may iba't ibang hugis, at may iba't iba ring mga desenyo. At ang isa ring nakadagdag sa taglay nitong ganda ay ang pagtama ng sikat ng araw sa mga ito, dahil kasi rito, lumabas ang itinatago pang tingkad ng mga ito.
Nilibot ko ang kabuuan, sa kagustuhan kong makita ang iba pang natatagong kagandahan, nang may makabunggo ako. "Ano?! Tatabi ka ba o ano?" maangas niyang pahayag saka ako nilampasan matapos kong gumilid. Kabilang siya sa grupo ng mga isdang kumpol at sama-sama. Payat na malalapad ang katawan nila at kulay buhangin naman ang nakapintura sa kabuuan nila. Muli ko namang iginala ang mga mata ko at nakita ko ang iba pang uri ng mga isda sa paligid ko. May kulay dilaw, asul, at pula na hinaluan ng ibang marka kaya makikita ang kanilang pagkakaiba.
Kanina ko pa napapansin, halos iisang direksyon lang ang pinatutunguhan ng mga isda rito. "Ano kaya ang mayroon do'n?" tanong ko sa sarili ko, pero may sumagot naman sa akin.
"Dalian mo na, ikaw rin, wala kang mapipiling magandang p'westo kapag pabagal-bagal ka pa," sagot ng isang isdang makintab na kahel ang kulay.
"Teka sandali, ano'ng sinasabi mo?" nagtataka kong tanong.
"Ano ka ba? Hindi ka ba nakikinig sa balita? Inanunsyo na kanina lang ni Haring Chinito na p'wede na raw tayong manirahan dito sa bago nating teritoryo," pahayag niya na mas lalong nagpagulo sa isipan ko. Nagbago na ba ng pangalan si Haring Phanot nang hindi ko nalalaman?
"Alam mo hindi talaga ako naniniwala sa sinasabi n'yang sa atin daw 'tong lugar na 'to, kasi unang-una, malayo s'ya sa talagang kaharian. Tingnan mo, amuyin mo ako, ang langsa ko na!" Inilapit niya ang sarili n'ya sa akin saka ipinaamoy, pero lumayo naman ako kaya siya'y nagpatuloy. "Kanina pa kaya ako naglalangoy, hindi ko na nga matanggap ang amoy ko e, maliligo talaga ako mamaya." Nagtaka naman ako sa mga pinagsasabi n'ya. May tama yata ang isdang 'to, e.
"Pero mabuti na nga rin 'yon na lumipat tayo 'no? Minsan talaga may pakinabang din 'tong pagkagahaman ng Hari natin, ayan tuloy ang ganda na ng bagong titirhan natin!" masaya pa niyang pagpapatuloy.
"Pero ano 'yong sina-" hindi ko na naituloy pa ang sasabihin ko nang bigla siyang makipag-agawan ng p'westo.
"Teka, nauna ako rito! Do'n ka na lang, tutal kakulay ko naman 'yong mga halaman dito, e, alis na!" pagtataboy niya ngunit hindi naman pumayag 'yong kulay berdeng makapal ang ngusong isda kaya muntik na silang mag-away, mabuti na lang at narito ako.