Halo-halo

42 0 0
                                    

Malamig na panghimagas, tiyak na hahanap-hanaping wagas.

Samu't saring sahog, pag-isa-isahin mo't walang latod,

Subalit kung magkakasama, sa sarap nito'y walang pinalalagpas;

Tila pagtaguyod ng makulay na Pilipinas ng magkakaibang taong nagbuklod-buklod.

Wala pang dayuhan, kumikinang na ang Perlas ng Silanganan.

Pagkaing malinamnam, kulturang makulay, tradisyong mayaman,

Saging na saba't ube halaya, sa arkipelago ay likas na;

Sa pakikipagkalakalan sa kanilang kapatid sa ibayong isla, lalong napayabong pa.

Sa pagdating ng dayuhan, dala'y panibagong sangkap,

Leche flan mula sa Europa, at yelo mula sa Hapon at Amerika.

Subalit imperyalismo't pang-aaping dala, kanila ring pinalaganap,

Kintab ng perlas, sa loob ng tatlong siglo ay kinuha.

Ngunit pitong libong isla, isang daang wika, naging iisa't buo;

Ilokano, Tagalog, Bisaya, Moro, milyon-milyong anak ng kapulua'y hindi nagpatinag;

Halo-halong kultura at tradisyon, sa mananakop hindi nagpatalo;

Malayang nasyon, tahanan ng lahat ng Pilipino, kanilang itinatag.

Halo-halong sangkap, samu't saring tao,

Kung mag-isa, rilag nito'y hindi makikita.

Tanging sa pagsasama-sama lamang ang tunay nitong diwa, maisasapuso;

Halo-halo. Ilang milyong Pilipino, isang bansa.

Pilipinas;

Official entry to the Kayumanggi 2021 Poetry Competition and the 2022 DLSU Arts Festival's "Way Back Home" Art Exhibit

Tinta I: Unang DekadaWhere stories live. Discover now