Katatapos lang ng klase ay nagmamadali na akong mag-impake para makauwi na sa aming tahanan. Ubos na ang aking lakas sa buong linggong ito pati na rin ang aking pera. Nalowbat na ako sa lahat ng pangyayari sa buong linggong ito.
Pagkatapos mag-impake ay nagpaalam na ako sa aking kasama sa apartment at humarap na sa hamon ng buhay, ang sumakay ng jeep. Kadalasan kasi ay nauubusan na nang jeep papuntang terminal dahil marami ring estudyante ang nag-uuwian. Pagsakay ko sa jeep ay naupo ako sa may likurang bahagi ng driver at nasilayan ko ang aking katapat. Isang maginoong lalaki na may pagkamahinhin. Habang bumabyahe ay lalo ko siyang natitigang mabuti. Ito ay may katamtamang kulay at nakasuot ng salaming itim. Bagay sa kanya ang kanyang suot na damit na itim. Mukha rin siyang matalino. Base kasi sa lanyard niya ay isa siyang veterinary student.
Hindi ko lubos maisip na magkakaroon ako ng sarili kong "Jeepney Lovestory." Nang makarating sa terminal ay tiningnan ko siya ulit. Mukhang dito na kami maghihiwalay ng landas. Mukhang ito na rin ang aking one last glance.