"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"
Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
IKAAPAT NA KABANATA
KUKUTI-KUTITAP NA BITUIN
Ikatatlumpo't Limang Tagpo (A)
Kinagabihan, bisperas palang ng kasal, sa loob ng lumang bahay, nagkakagulo na ang mga kabatid na babae at lalaki ni Ernie sa pag-aayos ng sala na pagdadausan ng kasal. Sina Ben, Sancho, Elmer, at Juancho ang nagsipagkabit ng mga kurtina sa bawat bintana. Sina Nena naman, Ellen, Susan ang naging katuwang nina Ernie at Ine sa paggawa ng mga palamuting bulaklak na korteng puso na kinalalagyan ng mga larawang kuha ng mga ikakasal na kinunan pa sa Bundok Arayat, beach resort at iba pang makatawag pansing mga pasyalan na magsisilbing dekorasyong pandinding, na sa harap nito ay matatagpuan ang munting lamesa na gagawing patungan ng krus na imahen ng Panginoong Hesukristo gayundin ng kopita ng ostiya at pompo (alak na iniinom ng pare sa seremonya ng kasal). Tanging ang mag-anak na Romy ang wala sa pagtitipon gayong pumayag naman si Rose na asawa ng Dikong Romy nila na dadalo sila sa okasyon.
Kinabukasan, madaling araw palang maririnig na ang malakas na palahaw ng iyak ng baboy na mahigpit na iginapos ng dalawang maskuladong bikolanong trabahador at lalo pang nagpupumiglas nang ginigilitan na ito sa leeg, gamit ang isang mahaba't matalim na pang-usok na abot hanggang puso ng kinakatay na baboy. Matapos mangisay at mawalan ng buhay, bubuhusan na ito ng mainit na tubig ng dalawang bikolano at kakalisan na nila ito ng balahibo at pagkatapos, bibiyakin ang tiyan at kukunin ang laman loob at tutuhugin ang baboy sa bunganga na abot hanggang tumbong nito, bibiyakin ang tiyan at lalagyan ng palamang birenghe saka tatahiiin. Pagkatapos matahi, tutuhugin ang baboy at isasalang na sa mga nagbabagang uling habang dahan-dahang pinipihit. Abala naman si Ruperto sa paghigop ng mainit na kape habang nakatayong pinapanuod ang nililitsong baboy na ipinangako niyang regalo sa kasal nina Ernie at Ine.
Ilang saglit pa, dumating na ang mga mesa at silyang inarkila nina Ernie at Ine sa kanilang kasal. Nakisuyo si Ernie sa mga katropa niyang bikolanong trabahador na ipanhik ito sa ipinagawang ekstensiyon ng lumang bahay na pansamantalang ginawang tulugan ng mga trabahador sa balotan upang duon gawin ang sama-samang pagsasalo-salo matapos ang kasal.
Nagsisunod naman agad ang kanyang mga tropa at pinagbubuhat na agad ang mga ibinababang mga mesa at silya at ipinanhik na agad sa silid-tulugan ng mga trabahador na gagawing lugar ng handaan.
Sa darating naman ang Ate Luisa ni Ine na dala-dala ang mga kasangkapan na lulan ng jeep. Nang makita siya ni Ernie, sinalubong agad ito at tinulungan sa ibinabang mga kahon ng kasangkapan.
"Si Ine?" usisa ni Luisa.
"Nasa itaas Ate...baka, tapos nang maligo 'yun...buti pa, akyatin mo!" ang maagap na tugon ni Ernie.
"O, siya...siya...nang ma-make up pan ko na siya. Anong oras ba dating ng pari? tanong ni Luisa.
"Alas diyes ng umaga ata..." sagot ni Ernie.
"Ikaw rin...gumayak na...baka gahulin kayo sa oras..."ang paalala ni Luisa.
"Oo...Ate...susunod na ko...aayusin ko lang muna itong mga dala mo," ang paliwanag ni Ernie.
Nang sumapit na ang alas-nuebe ng umaga, dumarating na ang mga abay sa kasal. Isa sa mga abay ang pamangkin ni Ernie na si Louie at ang iba pang pamangkin ng magkabilang panig ng mga ikakasal. Kasunod ang best man na si Atong. Maya-maya, dumating na rin ang magnininong sa kasal na si Kapitan Anchong at ang magnininang na si Aling Magda na may-ari ng itikan sa Pangasinan. Sa itaas ng bahay, nakabihis na rin ng simpleng damit pangkasal sina Ernie at Ine na kapwa halatang 'excited' na sa kasal nila. Aakyat na sa may sala ang mga abay sa kasal. Kasunod na ring aakyat si Atong na makisig na makisig sa kanyang disenteng kasuotan. Walang ano-ano'y dumating na rin si Althea na malaking malaki na ang tiyan at naka-gown ng kulay-rosas. Kasama ang kanyang napangasawang si Dr. Adonis habang buhat naman nito ang isang taong gulang na bata na naging anak ni Althea kay Ernie noong makalimot sila mahigit na magdadalawang taon na mula nang iniligtas ni Althea si Ernie sa pagkalunod sa baha.
Nang lumapit si Althea sa bride, magbebeso ang dalawa, tanda ng mainit na pagkakaibigan ng dalawa. Kakawayan naman ni Ernie si Dr. Adonis na nakapayakap nang paharap sa kanya si Jershey. Bahagyang hahagurin ni Ernie sa likod si Jershey, tanda ng pagpaparamdam ng pagmamahal sa anak.
Pumuwesto na ang mga abay, best man, maid of honor, ninong at ninang sa kasal sa kani-kanilang itinakdang upuan.
Sa ibaba naman ng bahay, maririnig si Liling na sinesermunan ang mga trabahador sa balotan.
"Inuna pa ninyo 'yang iniutos sa inyo ni Ernie. Magbalik kayong lahat sa balotan, magsipagtrabaho kayo roon!" ang nanggagalaiting tinig ni Liling habang maririnig naman ang tinig ni Rupertong pinahuhupa ang init ng ulo ng asawa.
Sa darating ang pari at ang isang sakristan na sinundo ng traysikel ng Ate Nena ni Ernie, aakyat sa itaas ng bahay ang pari na inaalalayan ni Nena at papasok sa sala. Nakatingin ang lahat ng bisita sa pari. Pagkakita sa pari, sasalubungin ni Ernie at Ine para magmano. Sasamahan ni Nena ang pari sa silid para makapagsuot na ng abito.
Ilan saglit pa sinimulan na ng pari ang seremonya ng kasal. Nakatuon ang pansin ng lahat kina Ernie at Ine na talaga namang bagay na bagay sa isa't isa. Lutang na lutang ang kakisigan ni Ernie sa kanyang damit pangkasal gayundin si Ine na namumukod tangi sa kanyang kagandahan na lalong bumagay sa kanyang suot na damit pangkasal.
Nasa kalagitnaan na ang sermon ng pari habang taimtim na nakikinig ang lahat at buong puso namang ninanamnam nina Ernie at Ine ang sinasabi nito nang biglang makaramdam ng pagkahilo ang pari at parang nauupos na kandilang napaupo.
Biglang nagulat ang lahat sa di-inaasahang pagkahilo ng pari.
"Padre Tino...ano po ang nangyayari sa inyo?" Rumihistro sa mukha ng sakristan ang labis na pag-aalala.
Hinawakan ni Ernie ang nanlalamig na kamay ng pari. Napapansin niyang namumutla ang pari.
"Mabuti kaya dalhin na natin sa ospital si Father!" ang tinig na nag-aalala ni Ernie.Di malaman ni Ine ang gagawin. Kumakabog ang kanyang dibdib. Nagkakagulo na ang lahat sa kabiglaanan. Lalapitan ni Althea si Padre Tino at papaypayan ang pari. Lalapit na rin si Dr. Adonis para tignan ang kalagayan ni Padre Tino.
All reactions:7Herman Manalo Bognot, Rachelle Bautista Mijares and 5 others1 commentLikeCommentShare
BINABASA MO ANG
"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul
AdventureKATHAMBUHAY NA NOBELA NI ZAMPAGITANG AZUL ISANG KATHAMBUHAY NA NOBELA NA TUMATALAKAY SA KAHIRAPAN NG BUHAY, PAGDURUSA, PAGSUBOK AT MABIBIGAT NA HAMON NG BUHAY NA NALAMPASAN NI ERNIE NA ISANG HAMAK NA TRABAHADOR KASAMA NG MGA TRABAHADOR NA BIKOL SA P...