"She?" usal niya nang makilala ang kulot at kulay olandes(blonde) nitong buhok.
Nang lumingon ito sa may bandang kanan nila, napansin ni Cassy na may nakahiga sa hospital bed. May nakalagay sa bibig nito na tumutulong dito para makahinga. Napasinghap siya nang mapagtanto kung sino ang kaniyang nakikita--ang katawan mismo ni She na walang malay.
"She, Im sorry! Kasalanan ko ito!" pag-iyak ni Cassy.
Umiling lamang ang kaluluwa ni She na naroon pa rin sa tabi ng bintana.
Kaagad umalingawngaw sa buong silid ang tinig ng masamang Haliah.
Wala kang kasalanan! Ilang beses ko ng binalaan ang babaeng 'yan pero hindi siya nakinig at nakipagsabwatan pa sa traydor na iyon! Kung puwede ko lang kitlin ngayon din maging ang 'yong kaluluwa, ginawa ko na. Pero, limitado ang aking kapangyarihan, at dahil iyon sa inyo!
Saka naman bumukas ang pinto at pumasok ang pamilyar na ginang na nakasuot pang-doktor. Tumatakatak ang takong ng sapatos nito sa tiles na sahig. Paghinto nito sa gilid ni She, naglabas ito ng pang-injection na mariin pa nitong itinulak sa dulo saka nito itinurok sa bahagi ng intravenous line ng pasyente.
"Anong ginagawa n'yo, Prof. Aguirre!?" pagsigaw ni Cassy kahit pa alam niyang hindi naman siya maririnig ng ginang na saglit lang na napalingon sa kanilang direksyon.
"Pasensiya ka na, mahal kong pamangkin. Pangako, kapag nagising na si Faye, babawi ako sa 'yo. Sa ngayon ay matulog ka muna nang mahimbing," turan ng babae na matamis pang ngumiti matapos ibalik sa bulsa ang dala nitong injection.
"Kaya ba nagkaganiyan si She...dahil sa 'yo?" Nangunot ang noo niya nang maintindihan ang sitwasyon.
Kagaya ng sinabi ko, wala na kayong magagawa pa.
***
Sa loob ng silid ni Faye, walang kaemo-emosyon si Cassy habang nakaupo sa harap ng tokador. Saglit siyang napatingin sa labas ng bintana kung saan matatanaw ang paglaglag ng mga dahon na kusang sumasabay sa hangin patungo sa kung saan. Nangingitim ang kalangitan sa 'di malamang dahilan at mistulang nais sabayan ng mabigat na ulap ang bigat na kaniyang dinadala.
Nitong mga nakaraang gabi, mas lalo pang tumitindi ang kaniyang mga panaginip. Bihag pa rin siya ng nilalang at hindi pa rin siya makawala sa pagku-kontrol nito sa kaniyang kaisipan sa tuwing siya'y nahihimbing. Hindi niya lubos-maisip kung bakit siya ang napili nito. Gusto niyang makahanap ng kasagutan pero wala siyang natatanggap mula rito. Sa sobrang pagkaabala ni Haliah sa paglalakbay sa oras at panahon, hindi na nito iniintindi pa ang presensya niya.
Naging abala ito sa pag-alalay kay Kevin sa paglalakbay nito sa mundo niya, higit isang taon na ang nakararaan. Kailangan yata nitong makasiguro na hindi ito magkakamali sa tuwing pinupuntahan ito ng mga Tagabantay, na palagay niya'y nagmula sa dimensyong tunay na pinagmulan ni Haliah. Sa bawat katanungan ng mga ito, nakaagapay ang nilalang na bumibihag sa kaniya. Bumubulong ng tamang kasagutan kay Kevin na nagpapanggap bilang Jacob.
Kung paanong hindi man lang nito nararamdaman ang presensiya nila ay isang malaking palaisipan pa rin sa kaniya.
Ayon sa pagkakaintindi niya, may nakatakdang mangyari na kakailanganin si Kevin. Marahil, iyon ang tinutukoy ni Haliah na walang kuwentang propesiya. Nagtataka man siya sa mga magaganap, hindi ang bagay na iyon ang nagpapasikip sa dibdib niya.
BINABASA MO ANG
In Another Dream: The Other Side of the Parallel
ParanormalAng buong akala ko, tapos na ang kuwento na ito... pero, nagkamali ako... Hindi kasi inaasahan, muli na namang lumikot ang aking imahinasyon. Biglang may ipinasilip ang aking balintataw. Mistulang may ibinulong ang aking isipan. Isang malaking pala...