Kevin: Part 1
Buo ang loob ni Kevin habang naglalakad sa pasilyong may salaming harang na gawa sa dyamante. Hindi niya maiwasang mapalingon sa payapang paglagaslas ng tubig sa talon, na mistulang nagmumula sa kulay lilang kalangitang wagas na dumadaloy, paibaba sa kagubatang bahagya lamang natatakpan ng mga ulap. Saglit niya tuloy napansin ang kaniyang repleksyon sa salamin. Halos hindi na siya naiiba sa mga nilalang na narito. Katulad ng ibang Kathairoma, mayroon na rin siyang mapusyaw at nangingintab na balat, mahaba at puting-puti na buhok na may kaunting pag-alon sa magkabilang gilid, at matapang na mukha na mayroong blankong ekspresyon.
Suot ang mahabang puting kasuotan gawa sa seda na napapalamutian ng maliliit na dyamanteng kulay asul na langit, ipinagpatuloy niya ang paglalakad sa nakasisilaw na daan palabas ng palasyo. Hindi ito ang unang beses na aalis siya sa Kaharian ng Diamanti Vasileio para maglakbay sa ibang mundo. Nakakalabas-pasok pa rin siya sa lugar na ito dahil sa pahintulot ng Inang Reyna.
Naging alerto siya nang maramdaman may mga nakasunod sa kaniya. Nagagawa man ng mga ito na ikubli ang sarili sa pamamagitan ng kanilang kapangyarihan, naaaninagan pa rin ng kaniyang mga mata ang malabong hugis ng mga ito. Kailangan niyang mag-ingat dahil hindi alam ng mga tagarito na kaya niya ring maglakbay sa panahon, na nagagawa lamang ng mga natatanging Kathairoma.
Matagal naman na niyang nababatid na bantay-sarado siya ng mga Tagabantay sa pamumuno ni Cephreus na mas kilala niya bilang Professor Black. Maaaring naniniguro ang mga ito, sakaling magpakita sa kaniya ang nilalang na matagal ng hinahanap ng mga ito--ang babaeng nakakapagtaka man, pero sinasabi ng karamihan na magiging susunod na Inang Reyna.
Hinahayaan niya lamang ang mga iyon dahil kahit anong gawin nila, 'di nila makikita ang 'nilalang' na kanilang hinahanap. Kahit nga siya, kailanman ay hindi pa nakita ang tunay nitong anyo. Mistula lamang itong itim na usok na nakalutang sa ere na nakakausap niya noon.
Sa kabila ng higit isa't kalahating taon na ang lumipas sa oras ng mga mortal, hindi pa rin natutuklasan ng sinoman ang tunay niyang pinagmulan. Hindi niya akalaing ganoon kalakas ang kapangyarihan ng dugong isinalin ng mahiwagang nilalang na binigkis ng kanilang kasunduan.
Subalit hanggang ngayon, wala pa ring natutupad sa kanilang pinag-usapan. Ang tagal na niyang naghihintay pero hindi pa rin bumabalik si Faye. Pakiramdam niya, ginamit lamang siya nito para mailihis ang atensyon ng mga Tagabantay. Wala siyang kamalay-malay na kailangang mamatay ng mortal niyang katawan at mapunta sa lugar na ito bilang Kathairoma.
Noong una, naging pampalubag lamang ng loob niya ang paglalakbay sa nakaraan, sa kaniyang mundo kung saan kasama pa niya si Faye. Sa kabila nito, alam niyang kailangan niyang gumising sa katotohanang hindi tutupad sa kanilang pinag-usapan ang nilalang.
Matapos siyang maging instrumento para sa katuparan ng propesiya, hindi na kailanman nakausap ni Kevin ang nilalang. Ni hindi na ito nagpakita pa sa kaniya. Maaaring magmula nang makatuntong siya sa dimensyong ito, naging aktibo na rin laban sa kaniya ang kung ano mang proteksyong taglay nito kaya hindi ito makita ng mga Tagabantay.
Nakilala man siya rito bilang Ezekiel, Jacob sa mundo ni Cassy, ngunit sa kaloob-looban niya, hindi pa rin mababago ang katotohanang siya si Kevin na napadpad lamang sa lugar na ito, at naipit sa digmaang naganap kamakailan.
Matagal na niyang gustong aminin sa Inang Reyna ang katotohanan, ngunit nag-aalala siya sa kaligtasan ng babaeng bihag ng nilalang. Marami na siyang naging kasalanan dito. Kahit noong unang beses niyang nalaman na kakailanganin ang katawan ni Cassy para makabalik si Faye, mas pinili niyang maging makasarili. Ginawa niyang tama ang mali.
BINABASA MO ANG
In Another Dream: The Other Side of the Parallel
ParanormalAng buong akala ko, tapos na ang kuwento na ito... pero, nagkamali ako... Hindi kasi inaasahan, muli na namang lumikot ang aking imahinasyon. Biglang may ipinasilip ang aking balintataw. Mistulang may ibinulong ang aking isipan. Isang malaking pala...