Chapter 4
Nagising ako sa patak ng ulan sa bubong ng apartment ko. Di ko namalayang nakaidlip pala ako dahil sobrang pagod kanina. Kahit ramdam ko ang pagod ay pinilit kong bumangon. Naligo na ako at nagbihis. White t-shirt, black leggings at black doll shoes. Malayong-malayo sa itsura ko pag nasa trabaho.
Pupunta ako sa ospital ngayon para bisitahin ang kapatid ko. Tuwing sabado ang off ko at nilalaan ko iyon para sa aming dalawa. Ok lang kahit nakahiga siya at walang malay basta kasama ko siya.
Dumaan muna ako sa Jolibee at nag-take out ng fried chicken and rice. Doon na rin kasi ako sa ospital kakain. Medyo tumila na ang ulan pero may konti pa ring ambon kaya nilakad ko na lang ang pagpunta sa ospital.
Nadatnan ko si Nurse Lyn na nagche-check ng vital signs ng kapatid ko. Kilala na halos lahat ako ng mga empleyado dito dahil sa madalas nila akong nakikita. Kinumusta ko siya at ang lagay ng kapatid ko at sinabi niyang maayos naman at wala pa ring pagbabago sa kondisyon ni Samantha. Pagkatapos ng kaunting paguusap ay umalis na din ito.
Nilapag ko ang mga dala ko sa ibabaw ng lamesa at hinila ang upuan sa tabi ng kapatid ko.
Tama nga si Nurse Lyn wala pa ring pagbabago sa kalagayan niya. Maraming mga nakakabit na aparato sa katawan niya.
Pinagmasdan ko ang hapis niyang mukha at hindi ko na mapigilang mamuo ang luha sa mga mata ko. Marahan kong hinaplos ang buhok niya at ginagap ang kanang kamay. Parang pinipiga ang puso ko tuwing nakikita ko siya sa ganitong kalagayan. Malayo na ito sa chubby nitong itsura. Payat na ito at ang dating mamula-mulang pisngi nito'y maputla na ngayon.
Kung bibigyan ako ng pagkakataong magpalit kami ng sitwasyon, hindi ako magdadalawang isip na gawin iyon makita ko lang uli siyang masaya, tumatawa. Halos lahat ng kinikita ko sa club ay dito napupunta pero wala akong pinagsisisihan doon. Kahit kaluluwa ko'y isasanla ko alang-alang lang sa kanya. Siya na lang ang natitirang mahal ko sa buhay at ayokong mawala pa siya sa akin. Siya na lamang nagbibigay sa akin ng lakas para ipapatuloy pang mabuhay sa mundong ito. Siya ang pinagkakapitan ko para maging matatag sa kahit anong pagsubok na dumating sa akin.
Hinalikan ko siya sa noo. Isa ako sa mga naniniwalang naririnig ng mga comatose patient ang mga nasa paligid nila at makatutulong iyon para bumalik ang kanilang kamalayan kaya lagi ko siyang kinakausap pag dumadalaw ako sa kanya.
"Bunso..." Tawag ko sa kanya kahit alam ko namang hindi siya sasagot. "Nandito na uli si ate."
"Bunso...Sam, gising ka na, please? Miss na miss ka na ni ate..." Bumuntong-hininga ako para pigilan ang mga luhang nagbabadyang pumatak.
"Namimiss ko ng pumunta ng perya kasama ka..saka hindi mo ba nami-miss yung paborito mong chicken joy? May dala ako ngayon oh..bangon ka na diyan para matikman mo uli yun...alam mo ba, paborito ko na rin siya...nga pala, miss na miss ka na rin daw ni Shasha.." Ang puting teddy bear na napanalunan namin sa perya ang tinutukoy ko. Dinala ko siya sa perya noon bilang treat ko sa kanya sa unang sahod ko sa dating restaurant na pinapasukan ko. Di ko malilimutan ang nakarehistrong saya sa kanyang mukha ng iabot ko sa kanya ang teddy bear. Dinala ko iyon dito para makita niya agad ito pag nagising na siya.
Kinuha ko ang teddy bear na nasa ibabaw ng lamesa at nilagay sa ibabaw ng tiyan niya.
"Hello, ate Sam! Ako ito, si Shasha. I miss you! Gumising ka na please para maglaro na tayo." Pinatinis ko ang boses ko para kunwari'y ito ang nagsasalita at pinagalaw-galaw ito. Kung gising lang siya sigurado akong panay ang hagikgik niya ngayon.
Napabuntong-hininga uli ako. As usual, wala siyang reaksiyon. Miss na miss ko na talaga ang kapatid ko. Ang mga tawa at hagikgik nito, ang paglalambing niya sa akin. Likas siyang malambing na bata. Naalala ko noon na tuwing darating ako galing sa trabhao ay sinasalubong niya ako ng yakap at maghahanap ng pasalubong. Masaya na siya kahit tigsampung pisong mani pa 'yan o kaya'y buy 1take 1 na burger. Masaya naming pagsasaluhan kahit ano pang nakahain sa hapag-kainan.
BINABASA MO ANG
The Geek's Whore [Completed]
General Fiction"A man is lucky if he is the first love of a woman. A woman is lucky if she is the last love of a man" - Charles Dickens Pero iba ang sitwasyon nila. He was lucky for he was her last love and she was luckier for she was his first love. Si Sabrina, i...