Silip sa Isang Istorya
Masalimuot ang mga larawang ipinipinta ni Brocka sa kaniyang mga pelikula. Bagamat may mga ngiti at tawang maisisingit sa ilang mga eksena ng kaniyang palabas, hindi nito mapapalitan ang bigat sa loob na mararamadaman ng isang manonood matapos tapusin ang isang pelikula ni Brocka. Sa tatlong pelikulang napanood namin, masasabi kong hindi ko gustong panoorin ang mga pelikula ni Lino—subalit ito ay mga pelikulang kinakailangang mapanood ng mga Pilipino.
Tinimbang Ka Ngunit Kulang (1974)
Nagsimula ang kwento ng Tinimbang sa pagsasagawa ng isang herbolaryo ng aborsyon kay Kuala (Lolia Rodriguez). Napuno ng sakit ang buong eksena nito na mababatid sa mukha ng buntis samantalang nanonood lamang ang isang lalaki, si Cesar (Eddie Garcia), sa kaniya. Walang dayalogong naganap sa buong eksena nito at tila pinipilit nito ang isang tumutok lamang sa eksena. Nakasubaybay rin ang musika ni Lutgardo Labad at Emmanuel Lacaba tila gamit ang kumintang, gitara, at tambol sa pagsasalarawan ng tuluyang pagkawala sa katinuan ni Kuala nang makita niya ang mumunting bangkay ng kaniyang anak. Dating isang magandang dilag, tila itinakwil na ng lipunan si Kuala na gula-gulanit na ang damit at nawawalan na ng buhok sa ilang bahagi ng kaniyang anit. Tuluyan na siyang nabaliw.
Sa kabilang dako, nagpatuloy lamang ang buhay ni Cesar kasama ang asawa niyang si Carolina (Lilia Dizon) at anak nilang si Junior (Christopher de Leon). Batid sa sinematograpiya ni Jose Batac Jr. at direksyon ni Brocka na hindi maayos ang pamilyang ito. Ipinakita nila sa paggamit ng foreground at background ang distansya sa relasyon nila bilang isang pamilya at idagdag pa rito ang iilang argumento nila ukol sa mga susuotin nila sa misa. Dito na natin makikita ang isa sa mahahalagang kritisismo ni Brocka sa pagiging hipokrito ng mga Pilipino. Nais ng pamilya nilang maging presentable at perpekto sa harap ng ibang tao habang nagsisimba subalit sa labas, puro kabit lamang ang pinag-uusapan ni Cesar at ng mga kaibigan niya. Kung makikinig din sa sermon ng pari, binanggit niya rito ang kwento ng "mene, mene, tekel, upharsin" na tumutukoy sa pagtitimbang ng Diyos kay Belshazzar, hari ng Babylonia, pagtatakda ng nalalabing araw ng kaharian niya, at paghahati at pagtatapos nito kalaunan. Ipinakita na ni Brocka sa umpisa pa lamang ang magiging takbo ng kwento batay rito.
Gayumpaman, may kwento rin naman ng puppy love na ipinakita sa pagitan nina Junior (Christopher de Leon) at Evangeline Ortega (Hilda Koronel), anak ni Dr. Ambrosio Ortega (Ernie Zarate). May iilang eksena ritong katawa-tawa, lalo na ang harutan ng binata at dalaga sa tahanan ng mga Ortega. Hindi nga lang nakakatawa ang ginawa ng mga katropa ni Junior maya-maya nang muntik na nilang malunod si Kuala dahil sa kalokohan nila. Iniisip ko rito na maaaring tila isa itong simbolismo para sa sakramento ng binyag, isang bagay na hindi naranasan ng nilaglag na anak ni Kuala. Patuloy ring aalipustahin ng mga tao si Kuala na makikita nang lasingin siya ng mga nasa lamay hanggang maihi siya sa harap nila. Hindi makatarungang tratuhin ang isang indibidwal na para bang hayop siya dahil lamang may karamdaman sila sa utak. Tila naiintindihan din ito ni Junior kaya hindi siya nakikisali sa ginagawa ng ibang tao kay Kuala.
Samantala, ipinakilala rin si Berto (Mario O'Hara), isang lalaking may ketong na tila sabik na sabik magkaroon ng karelasyon. Inayusan niya si Kuala, pinaligo, pinakain, at pinatira sa kaniyang tahanan sa tabi ng sementeryo. Ipinapakita marahil nito na oportunista rin ang ibang mga Pilipino na gagawin ang kahit ano para lamang makuha ang gusto nila. Maganda ba ang trato ni Berto kay Kuala? Oo at walang dudang siya lamang ang taong tumuturing kay Kuala bilang isang tao. Subalit, puro at wala ba siyang ibang intensyon? Iba na ang sagot diyan. Naging matalik na kaibigan naman kalaunan nina Berto at Kuala si Junior na sinasamahan sila minsan sa bukid nang walang pag-aalangan at walang diskriminasyon. Bata pa nga si Junior, menor de edad, inosente pa at hindi pa tuluyang nadudungisan ang kaniyang pag-iisip ng mga nakalalasong tradisyon.
YOU ARE READING
Tinta I: Unang Dekada
General FictionA compilation of DukeofAsia's notable written works from 2013, starting from short stories he wrote when he was a 10-year-old novice, essays he wrote as an artistically perplexed teenager, and poems he wrote during his first year in the 20s in 2023...