Part 1: Tsunami

19.3K 97 2
                                    

JAPAYUKI

Part 1

NOONG una, pasali-sali lang ako sa mga dance contest sa fiesta. Tapos nagtrabaho rin ako as variety dancer sa baguio. Seventeen years old pa lang ako noon.

Lumipas ang tatlong taon. Sakto pag-uwi ko galing baguio. Bumisita ang kumare ni Mama sa bahay, subukan ko raw mag-audition para maging dancer sa Japan. So, sinubukan ko. Nag-audition ako, tapos, after two months. Nagkaroon agad ako ng visa.

February 27, 2011 ang biyahe ko papuntang Japan. Sa eroplano pa lang umiiyak na ako. Kasi, pakiramdam ko, hindi ko kakayanin. Hindi ako sanay na mag-isa. Although sa Baguio, mag-isa lang talaga ako. Malayo sa pamilya. Pero ibang usapan kapag ibang bansa na. Sa Fukushima Japan ako nadestino.

Mabait iyong mga kasama ko, may-ari at tencho. Wala akong masabi sa kanila. Noong nasa Japan ako, doon ko naranasan ang kumilos para sa sarili ko. Alam ninyo iyong tipong, may sakit ka, walang mag-aalaga sa iyo. Kung hindi ang sarili mo.

Dumating ang March 11, 2011. Una kong naranasan ang napakalakas na lindol. Iyon iyong disaster na nagkaroon ng Tsunami. Kulang na lang tumaob iyong sinasakyan naming sa sobrang lakas ng lindol. Hindi ako makakontak - dahil sira ang signal sa Japan nang araw na iyon.

Lumipas ang tatlong oras. Nakatanggap ako ng tawag.

"Kumusta ka diyan?"

"Mabuti naman ako, Beh."

"Hindi ba nagkaroon ng Tsunami diyan? Nasaan ka ngayon? Nag-aalala ang mama mo sa iyo."

Noong narinig ko iyon. Hindi ko na napigilan ang mapaiyak. Gusto ko nang umuwi. Takot na takot talaga ako nang mga oras na iyon. Kahit panay hello nang kausap ko. Hindi ako makapagsalita. Gumagaralgal na rin ang boses. Hanggang sa mawalan na naman ng signal.

Sinubukan naming magpaalam sa may-ari ng club na pinapasukan ko. Subalit, hindi kami pinayagang makauwi. Walong buwan pa raw ang nakasaad sa visa namin.

Pagpunta namin sa Omise - basag-basag ang lahat ng kagamitan. Mula sa labas, kitang-kita ko ang pinsalang idinulot ng lindol at tsunami. Kinabukasan, pinapapasok na kami. Wala kaming nagawa, kung hindi ang pumasok sa trabaho. Kahit takot na takot kami, pumasok ako at aking mga kasamahan sa trabaho.

Ilang oras na ang lumipas, wala pa ring costumer na pumapasok. Ramdam na ramdam ko pa rin ang aftershock ng lindol. Kahit sabihin na hindi ganoon kalakas, still, nakakatakot pa rin.

Kahit lumilindol, nagshoshowtime pa rin kami. Non-stop ang pagsayaw namin. Ang hirap ng buhay ng isang entertainer sa Japan. Marami ang nagsasabi, malaswa raw ang trabaho namin. Sinasabihan pa nga kaming pokpok. Doon ko nasabi, sobrang hirap pala kapag nasa ibang bansa ka. Walang kalayaan!

JAPAYUKI (True-to-life-story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon