JAPAYUKI
PART 4
Habang nandito ako sa Pilipinas, rumaraket pa rin ako. Sideline kung baga. Umeextra ako sa mga palabas sa telebisyon at pelikula. Talent kung tawagin. May pelikula nga si Vilma Santos patungkol sa mga extra. Isang napakagandang pelikula. Isang palabas na magmumulat sa mga tao, kung gaano kahirap ang trabaho ng isang extra. Nariyan iyong, gigising ka ng maaga, antok na antok ka pa. Pero dahil may calltime at kailangang on-time. Bumabangon at nag-aayos na ng gamit. May iilan nga akong kakila, sa sobrang aga ng calltime, hindi na nagawang maligo. Makarating lang sa meeting place ng maaga o hindi kaya ay sakto sa sinabing oras.
Ilang buwan din akong pa-extra-extra. After six months na pa-ganoon-ganoon. Bumalik ako sa Japan, bilang isang entertainer pa rin. Kaya lang, hindi na sa Fukushima. Sa Ibakari na ako nadistino. Panibagong pakikisama na naman ang aking gagawin. Bagong katrabaho, bagong amo.
Anim na buwan ulit ang itinagal ng kontrata ko sa Japan. Okay naman ang naging karanasan ko, hindi ganoon kabigat. Mababait naman kasi ang mga hapon, ang ayaw lang nila, iyong mga sinungaling. Iyong napuntahan ko kasi, katabi niyon ay taniman ng palay. Kaya nakaka-refresh sa pakiramdam. Iniisip ko nga, nasa probinsya lang ako noon.
Nang matapos na ang kontrata ko, umuwi ulit ako ng Pilipinas. At makalipas ulit ang anim na buwan. Bumalik ulit ako ng Japan. Panibagong pakikisama na naman at bagong amo. Sa Aomori naman ako nadistino.
Lahat nang hirap naranasan ko sa lugar na iyon. Pagkatapos ng trabaho, uuwi ako, magpapahinga, ilang oras lang, gigising na. Maliligo, tapos kakain ng mabilisan. Mabuti na lang at malapit lang ang bagong bahay na tinutuluyan ko sa pinagtatrabahuhan namin. Pero kahit na ganoon, pakiramdam ko, hinahabol ko pa rin ang oras.
Pagkapasok sa trabaho, trabaho na kami agad. Magpupunas at maglilinis ng mga palamuti sa Omise. Paglilinis ng banyo, pagtitimpla ng tsaa, magbubuhat ng mga alak, kahon-kahon pa. Tapos kapag walang table o costumer. Siya ang maghuhugas ng mga baso, pinggan, lahat iyan ay gagawin. Lilinisin lahat ng marumi sa Omise, kapag wala kang costumer. Kahit sa tingin mo ay malinis pa, kailangan mo pa ring walisin at i-map.
Anim na buwan, ganoon ang ginagawa ko. Nasubukan ko rin sa Aomori ang makapag-showtime ng solo. As in solo, ako lang mag-isa. Sexy dance pa iyong pinasasayaw sa akin. Kahit labag sa loob ko, kailangan kong gawin. Dahil doon ako makakakuha ng malaki-laking tip - para may maipadala sa pamilya ko na nasa Pinas.
Nagkaroon ako ng bestfriend, sobrang bait niya. Naawa nga siya sa akin noong unang, kasi nakita niya ang pag-iyak ko habang sumasayaw ng sexy dance sa stage.
"Okay lang iyan. Ganyan talaga sa umpisa." Akala niya, first timer ako sa Japan. Ang hindi niya alam, ilang beses na akong pabalik-balik. Sadyang, first time ko lang talagang sumayaw ng mag-isa.
Napamahal sa akin ang mga tao sa Aomori - kahit mahirap. Hindi katulad sa iba kong napuntahan, madali nga, pero hindi ako masaya. Sa medaling salita, walang bonding na nagaganap, between me and my co-entertainers.
Nang matapos na ang kontrata, balik Pinas ulit. Pagkalipas ng anim na buwan ulit, balik Japan na naman. At sa muli kong pagbalik, iyon na pala ang kapatusan ko sa Nihon.
BINABASA MO ANG
JAPAYUKI (True-to-life-story)
Não FicçãoBased on true story of an Overseas Filipino Worker (OFW) in Japan.