Chapter IV

6.7K 828 101
                                    

Chapter IV: Unpredictable

Ang matinding kagustuhan ni Finn na maging malakas ay nag-uugat sa matinding kagustuhan niya na magkaroon ng ligtas na mundo para sa kaniyang sarili, itinuturing na pamilya, at mga kaibigan. Hindi siya nagsusumikap dahil sa pansariling dahilan lamang. Ginagawa niya ang lahat ng ito dahil nangako siyang hindi na niya hahayaan na bumalik sa rati ang buhay niya kung saan inaapi sila at pinagbabantaan ang buhay.

Mayroon na siyang kakayahan na baguhin ang kaniyang kapalaran, higit pa roon--ang buhay ng mga nilalang na malalapit sa kaniya.

Gusto niyang manatili siyang buhay kasama ang kaniyang mga kaibigan at itinuturing na pamilya. Hangad niyang mabuhay na ang kanilang paligid ay payapa at ligtas mula sa kapahamakan.

At ang tanging paraan lang para masigurado niyang ganito ang kanilang kahahantungan ay ang makamit ang lakas at kapangyarihan na higit sa kahit na sinoman o anomang banta mula sa kanilang kapayapaan at kalayaan.

Iyan ang malaking rason kaya naghahangad pa siya ng lakas at kapangyarihan. Gusto niyang maging isa sa labindalawang kinikilalang pinakamalakas at pinakamaimpluwensya sa divine realm para wala nang mangahas na mang-api sa kaniya at sa mga malalapit sa kaniya.

Ito ang motibasyon niya at ang kaniyang inspirasyon ay ang kalayaang matatamasa nila kapag nagtagumpay siya.

--

Binawi ni Finn ang kaniyang enerhiya at huminga siya ng malalim. Umayos siya ng postura at pagkatapos, pumikit siya at gamit ang pagpapagaan sa kaniyang katawan, hinayaan niyang dahan-dahan na bumagsak ang katawan niya sa sahig.

Ipinahinga niya muna ang kaniyang sarili. Pinakalma niya ang enerhiya niya at ginawa niyang mahinahon ang mga paghinga niya. Kailangang-kailangan niya ng sandaling pahinga dahil sa mga nagdaang mga buwan, wala siyang tigil sa pagsasanay.

Sinusubukan niyang lumikha ng mga lamat sa espasyo gamit ang kaniyang mga kamao at binti. Nagagawa niya na ito ngayon, subalit hinahasa niya pa ito dahil hindi pa sapat ang kakayahan niya para maikonsidera siyang eksperto sa paggamit ng kapangyarihan ng espasyo. Marami pa siyang kailangang matutunan at kakailanganin niya pa ng mahabang panahon at matinding pagsasanay bago niya tuluyang maabot ang Saint Rank.

Malinaw niyang naiintindihan ang sitwasyon na kaniyang kinalalagyan. Malayo pa siya sa kaniyang hangarin, pero ipinagmamalaki niya na malayo na ang kaniyang narating. At ang lahat ng iyon ay dahil sa kombinasyon ng suwerte at kaniyang pagsusumikap.

Matapos makapagpahinga sandali, iminulat ni Finn ang kaniyang mga mata. Tumingin siya sa kaliwa niya para tingnan kung gaano katagal na siyang nagsasanay sa pribadong silid sa ilalim ng kastilyo. Matapos niyang makita ang mga numero sa orasan, kalmado siyang tumulala sa kisame ng pribadong silid. Bumuntong-hininga siya at mahinang sinabing, “Mahigit limang buwan kung pagbabasehan ang karaniwang pagsukat ng oras. Ang kakayahan na inaabot ng dekada, siglo, o milenyo bago matutunan ay nagawa ko sa loob lamang ng kaunting panahon. Siguradong kaiinggitan ako ng ibang adventurer kapag nalaman nila na napakabilis kong natutunan ang paglikha ng lamat sa espasyo. Sa kabila nito...”

“..doble sana ang napagtagumpayan ko kung sa Tower of Ascension ako magsasanay. Pero, kapag ginawa ko iyon, hindi ako maaalerto ni Auberon kung sakaling may mahalagang nangyayari sa Land of Origins. Kailangan kong gampanan ang aking responsibilidad lalo na't wala ang mga bise kapitan ng espesyal na dibisyon para bantayan ang santuwaryo,” buntong-hiningang sabi niya.

Bahagyang ngumiti si Finn. Nanatiling maaliwalas ang kaniyang ekspresyon at nagpatuloy siya sa pagsasalita.

“Kapag mayroon nang magsisilbing protektor ang New Order, papasok ako sa Myriad World Mirror para magsanay nang mahabang panahon. Ang kailangan ko ay mga Demigod Rank, pero hindi ko alam kung saan ako makakahanap ng mga kagaya nila na kusang-loob o handang maglingkod sa akin.” Huminga siya ng malalim at nagpatuloy sa mahinang pagsasalita. “Hindi sapat ang mga Saint Rank lamang dahil ang mga katunggali ko sa aking layunin ay may mga kasama nang Demigod Rank. Iisa lang ang Demigod Rank sa hanay ng New Order, si Firuzeh. Gano'n man, dahil sa komplikasyon na dulot ng kaniyang pagkatao at dahil sa kaniyang pinag-e-eksperimentuhan, hindi siya maaaring lumantad dahil pare-pareho kaming malalagay sa komplikadong sitwasyon,” pabulong na sabi niya.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon