Chapter V

5.9K 843 46
                                    

Chapter V: Urgent Meeting

Matapos matanggap ang mensahe ni Rai tungkol sa pagkadiskubre sa hinihinalang libingan ng isang diyos, kaagad na nagdesisyon si Finn na isantabi muna ang kaniyang pagsasanay. Oportunidad na ang lumalapit sa kanila kaya hindi niya ito palalampasin. Makakapaghintay ang kaniyang pagsasanay, subalit ang nadiskubreng hinihinalang libingan ng diyos ay hindi dahil maraming indibidwal at puwersa ang siguradong mag-aagawan para sa mga kayamanan at oportunidad na naiwan ng diyos o ng pambihirang nilalang na nakahimlay roon--kung talaga nga bang libingan ang nadiskubreng lugar na iyon.

Mabilis na inayos ni Finn ang kaniyang sarili. Lumabas siya ng pribadong silid at naghanap siya ng mga miyembro na kaniyang mauutusan para sa isang napakahalagang bagay. Kailangang-kailangan na nilang masimulan ang pagpaplano at paghahanda, at sa usaping ito, kailangan niya ang presensya ni Auberon, ng mga kapitan, bise kapitan, at mahahalagang miyembro ng New Order.

Habang naglalakad sa pasilyo, nakasalubong si Finn ng nag-iikot na miyembro ng ikalawang dibisyon. Kaagad siyang binati nito. Ginantihan niya rin ang magalang nitong pagbati, subalit hindi na siya nagpaligoy-ligoy pa at sinabi niya na kaagad ang iuutos niya.

“Maghanap ka ng makakasama na magtutungo kay Auberon at sa mga kapitan at bise kapitan ng ibang dibisyon. Ipabatid n'yo kay Auberon at sa kahit isang kinatawan ng bawat dibisyon na kailangan ko silang makausap tungkol sa isang napakahalagang bagay. Kailangan ko sa silid-pagpupulong ang presensya nila,” seryosong sabi ni Finn. Paaalisin niya na sana ito, pero mayroon pa siyang naging pahabol. “Kailangan ko rin ang mga Marren sa pagpupulong kaya abisuhan n'yo rin sila. Ipaalam mo na kailangang-kailangan ang pagpupulong na ito at lahat ay inaabisuhan na magtungo sa silid-pagpupulong sa lalong madaling panahon.”

Sumaludo ang miyembro ng ikalawang dibisyon at agad na tumugon, “Ngayon din, Panginoong Finn.”

Matapos niya itong sabihin, kaagad na siyang kumilos. Dali-dali siyang umalis doon upang sundin ang ipinag-uutos ni Finn. Kailangan niya pang maghanap ng mga makakasama dahil hindi niya kayang ipaabot sa lahat ng mahahalagang miyembro ng New Order ang mensaheng ipinababatid ng kanilang pinuno.

Tungkol kay Finn, ipinagpatuloy niya na ang paglalakad niya sa pasilyo. Wala na siyang pupuntahan pa kaya dumeretso na siya patungo sa silid-pagpupulong. Doon niya na hihintayin sina Auberon, at habang hinihintay niya ang mga ito roon, mag-iisip na rin siya ng kanilang magiging plano at paghahanda. Sa pagkakataong ito, hindi sila makikidigma. Lalahok sila sa kompetisyon para sa agawan ng oportunidad at mga kayamanan. Nakadepende pa kung magiging madugo ang kompetisyon na ito, subalit inaasahan niya na hindi magiging madali para sa kanila ang pakikipag-agawan dahil nahihinuha niya na hindi lang mga kapwa nila tagalabas ang kanilang makakaagawan.

Kung hindi siya nagkakamali, siguradong maging ang iba't ibang puwersa na naninirahan sa mundo ng pinagmulan ay makikisali rin. Paano nila palalampasin ang oportunidad na lumitaw sa kanilang mundo? Napakatagal na nilang namumuhay rito at pagkakataon na nila para makuha o matagpuan ang mga naiwang kayamanan at kapangyarihan ng isang diyos.

Siguradong marami sa mga naninirahan sa Land of Origins ang naghahanap sa bakas ng mga diyos. Makikisali ang mga ito sa kompetisyon, at dahil sa pakikilahok ng mga, ang mga tagalabas na mula sa mahihinang puwersa o kahit ang mga tagalabas na mula sa divine realm ay mahihirapang makasabay. Tanging ang mga puwersa lamang na may suporta ng mga naninirahan sa mundo ng pinagmulan ang makakasabay kagaya na lang ng puwersa ng Ancient Phoenix Shrine at ang puwersang pinamumunuan ni Tiffanya.

Hindi rin papahuli riyan ang New Order dahil kahit papaano, mayroon silang mga Saint Rank sa kanilang hanay. Ang problema lang, nagsasagawa pa rin ng misyon ang mga ito sa ibang panig ng Land of Origins.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon