Chapter VI: Their Time Has Come
Agad na gumuhit ang hindi makapaniwalang ekspresyon sa mukha ni Belian matapos niyang marinig ang sinabi ni Finn. Napaawang ang kaniyang bibig at nagtagal siya sa ganoong sitwasyon.Gulat na gulat siya at hindi niya inaasahan ang magiging desisyon ng kanilang panginoon. Nagpanting ang kaniyang tenga. Inisip niyang mabuti kung nagkamali lang ba siya ng dinig, pero naisip niyang imposibleng magkamali pa siya ng dinig at pagkakaintindi dahil napakasimple lang ng sinabi nito.
Mayroong rason kung bakit gulat na gulat si Belian sa desisyon ni Finn na ibilang ang ikalawang dibisyon sa magaganap na paglalakbay at pakikipagsapalaran sa libingan ng pinaghihinalaang diyos. Nakasanayan na nila na maiwan sa santuwaryo dahil sila ang nagsisilbing protektor nito kaya sobrang naninibago siya at hindi agad siya makapaniwala sa kaniyang narinig.
Sa kabila nito, alam ng lahat kung ano ang isa sa pinakahinihiling ng ikalawang dibisyon--ang makasama sa labanan at digmaan. Ang pangarap nilang mga soul puppet master ay kilalanin sila bilang pinakamahusay at pinakamalakas na pangkat ng mga soul puppet master sa buong sanlibutan, at hanggang ngayon, hindi pa sila nakapagpapakilala sa iba dahil sa responsibilidad nilang protektahan at bantayan ang santuwaryo. Gusto rin nilang kilalanin, katakutan, at hangaan. Hangad nilang maipakita sa iba na ang kanilang propesyon ay propesyon na dapat katakutan. Hindi lang sila basta adventurer, mga soul puppet master din sila na higit na makapangyarihan sa isang pangkaraniwang adventurer dahil sa kakayahan nilang kumontrol ng soul puppet.
At hindi rin sila mga pangkaraniwang soul puppet master lang dahil taglay nila ang technique na ginagamit ni Finn. Hindi lang isa, dalawa, o tatlo ang soul puppet na kaya nilang kontrolin. Kayang-kaya nilang kumontrol ng maraming soul puppet nang sabay-sabay kaya ang pakikipaglaban sa bawat isa sa kanila ay parang pakikipaglaban sa isang hukbo ng mga manika.
Dahil mga soul puppet ito, mas komplikado itong labanan kumpara sa isang pangkaraniwang adventurer. Ang mga soul puppet ay hindi nakararamdam ng pisikal na pagod o sakit. Pagkawasak lang ang makapagpapahinto sa kanilang pagkilos kaya kinakailangang higit na mas malakas ang isang adventurer kung nais niyang matalo ang isang soul puppet master.
Makaraan ang ilang sandali, napalunok si Belian. Pinakalma niya ang kaniyang sarili at nag-aalinlangan siyang nagtanong, “T-Totoo ba, Panginoong Finn? Talaga bang makakasama na kaming mga taga-ikalawang dibisyon sa inyong pakikipagsapalaran sa labas ng ating santuwaryo..?”
Tumango si Finn. Inilahad niya ang kaniyang kamay at malumanay siyang tumugon, “Kagaya nga ng sinabi ko, maaaring maging madugo ang pakikipagsapalaran na ito dahil sa rami ng puwersang mag-aagawan sa mga oportunidad at kayamanan. Sa madaling sabi, kailangan ko ng hukbong makatutulong sa akin na masabayan ang ibang puwersa, kailangan ko ang New Order at kasama na kayo roon, ang mga nasa ikalawang dibisyon.”
“Sa pagkakataong ito, ang kailangan kong isama ay makakapangyarihang mandirigma. Hindi tayo makikidigma sa isang puwersa na namumuno sa isang upper realm lamang, makikipagpaligsahan tayo sa malalakas na puwersa kaya napagdesisyunan ko na lahat ng mas mababa sa Supreme Rank ay hindi muna isama sa pakikipagsapalarang ito. Naiintindihan kong magandang oportunidad ito para sa lahat. Magandang karanasan ang makipagsabayan sa malalakas na adventurer, pero hindi ko gustong ilagay sa panganib ang buhay ng mga miyembrong may ranggong Heavenly Chaos Rank pababa. Hindi pa sila handang makipagsabayan sa mga Heavenly Supreme Rank... magiging pagkain lang sila ng malalakas at mawawalan ng saysay ang kanilang pagsama dahil kapag pinuntirya sila ng ating mga kalaban, hindi nila mapoprotektahan ang kanilang sarili,” paliwanag niya.
Agad na naunawaan ni Auberon, ng mga Marren, ng mga kapitan, at bise kapitan ang nais iparating ni Finn. Napakalinaw ng pagkakasabi nito, at sa totoo lang mas pabor sila sa desisyon ng kanilang pinuno. Hindi lang basta-basta pakikipagsapalaran ang kanilang gagawin. Hindi sila mamamasyal sa parke o makikipagpaligsahan ng mga kakayahan. Maaaring marami silang makalaban sa kanilang isasagawang paglalakbay at magiging pabigat lamang ang mga mahihina kapag pumutok na ang madugong digmaan. Magiging pagkain lang sila ng malalakas at kung walang poprotekta sa kanila, sila ang unang mamamatay. Mawawalan ng saysay ang kanilang buhay kung mamamatay sila kaagad nang wala man lang kalaban-laban. Hindi na ito makabuluhang karanasan kaya para kina Altair, Yuros, at iba pang kasama sa pagpupulong, mas mabuti pang maiwan na lang sa santuwaryo ang mga miyembrong hindi pa handa.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...