Chapter 32: Best Gift Ever.

1.6K 41 23
                                    

Chapter 32: Best Gift Ever.
Written by BlackRavenInk16

HINDI napigilan ni Rio ang luha nang malaman kung ano ang surprise ng mama niya para sa birthday niya. Iyon ay walang iba kung hindi ang makitang may malay na ang ama niya na nacoma sa loob ng dalawang taon! Bumaha ang luha sa mga mata niya. Gising na ang papa niya!

"Papa ko! Ang akala ko po hindi na kayo gigising. Sobrang saya ko po! Salamat po at hindi kayo sumuko! Ito na ang pinakamasayang birthday ko sa buong buhay ko. Okay na po kayo ulit!" umiiyak na sabi niya habang yakap ang ama na malakas na malakas na.

"May awa ang Diyos, anak. Masaya rin ako na hindi ninyo ako sinukuan. Hindi ko na hahayaan na maghirap ka ulit, anak. Hindi mo na kailangang magtrabaho simula ngayon. Mag-aral ka na lang. Kami na ang gagawa no'n para sa 'yo."

Natigilan siya at medyo napalayo ng yakap sa ama nang marinig ang sinabi nito.

Ang mga magulang niya ay wala nga palang kamalay-malay sa relasyon niya sa tatlong magkakapatid. Ngayong okay na ang papa niya, siguradong hindi na siya papayagan ng mga ito na magtrabaho sa mga de Luca. At bukod doon, siguradong madidisappoint sa kanya ang mga ito dahil nakipagrelasyon siya ng maaga at higit sa lahat, sa tatlong lalaki pa.

"Bakit, Rio? May problema ba anak?" tanong ng ama.

"Minamaltrato ka ba ng mga de Luca, anak? Lalo na ang Enrique at Leandro na iyon?"

Kumunot ang noo niya. "Bakit naman po special mention sina Sir Enrique at Sir Leandro?"

Nagkatinginan ang mag-asawa. Saka tila nagdesisyon na sabihin sa kanya ang nasa isip ng mga ito.

"Ang totoo kasi niyan anak, hindi ko lang sinasabi sa 'yo dahil alam kong sobrang hinahangaan mo bilang artista si Enrique de Luca pero sa totoo lang, hindi siya mabait sa mga mababang tao katulad natin. Noong nagtatrabaho ako sa kanila, ilang beses niya akong nasigawan at napagtawanan. Kahit ang papa mo, hindi niya nirerespeto noon kaya nag-aalala ako na baka pagdaanan mo rin ang pinagdaanan ko noon..." sabi ng ina.

Nanlaki ang mga mata niya. Ganoong klase ng tao si Enrique? Palagi naman itong nakangiti sa kanya at sa ibang tao. Ni kaunting pagdududa sa kabaitan nito, hindi sumagi sa isip niya. So kaplastikan lang lahat iyon?

"Alam ko ang iniisip mo anak, na bakit hindi siya gano'n in public. Hindi lahat ng artista ay mabait sa totoong buhay. Ang iba sa kanila, tinatago lang ang mga totoong ugali nila," sabi naman ng ama.

"Si Sir Leandro naman ang dahilan kung bakit napilitan akong umalis sa mga de Luca. Kumakain sila no'n nang matapunan ko ng juice ang suit niya. Hindi ko naman sinadya iyon dahil tuliro ang isip ko dahil sa kalagayan ng papa mo. Pero si Sir Leandro, galit na galit at gusto akong ipatanggal sa trabaho. Ang sabi ni Sir Enrique, hindi dapat ako tinanggap ni Donya Agatha dahil mabagal daw ako at senior citizen na habang si Sir Leandro naman, sinabihan akong tanga. Mga masasakit na salita na nagpababa lalo sa pagkatao ko bilang mahirap. Naawa lang si Donya Agatha sa atin kaya naisip niya na kung ikaw muna ang papalit sa akin pansamantala, baka mawala ang galit niya. Pero natatakot ako para sa 'yo dahil hindi maganda ang ugali ng magkakapatid na iyon. Kung ang may edad ng katulad ko ay nagawa nilang sigawan, pagtawanan at ipatanggal sa trabaho, paano ka pa kaya na sobrang bata pa? Kung hindi lang dahil sa kalagayan ng papa mo ay hindi kita ipapalit sa posisyon ko, anak. Pero ngayong okay na ang papa mo, hindi ka na namin hahayaan pa na magdusa."

Naninikip ang dibdib niya at naikuyom niya ang kamao nang dahil sa sobrang galit. Kaya naman pala parang galit na galit si Leandro noong unang beses nitong malaman na siya ang pumalit na katulong sa nanay niya noon, iyon naman pala ay dahil ito mismo ang nagpatanggal sa mama niya!

Maging si Sir Enrique, hindi siya makapaniwala na magagawa nitong bastusin ang ina niya. Ang kakapal ng mukha ng mga ito!

Parang maiiyak siya sa galit dahil sa nalaman niyang sinapit ng ina. Mahina na ang mama niya dahil sa edad nito. Miracle baby na nga ang tawag sa kanya dahil lagpas kwarenta na ito noong pinanganak siya.

Malaki ang respeto at paggalang niya sa mga magulang, hindi dahil sa edad ng mga ito, kung hindi dahil alam niya na mabubuting tao ang mga ito. Hindi deserve ng mga ito na maltratuhin at pagsalitaan lang ng gano'n!

"Pero may mabait naman sa kanilang magkakapatid. Si Sir Gabriel, balita ko ay siya ang gumagastos sa hospital expenses ko at madalas ay nagbabantay din siya sa akin dito. Kailangan kong magpasalamat sa kanya--"

"Hindi po! Walang mabait sa kanilang tatlo, mga demonyo sila!" pagputol niya sa sasabihin ng ama.

Kung totoong mabait si Sir Gabriel, bakit hindi nito sinabi sa kanya ang sinapit ng ina niya sa mga kapatid nito? Naalala rin niya na sinabi ni Sir Gabriel na na-love-at-first-sight ito sa kanya kaya maging ang pagtulong nito sa ama ay hindi niya nasisiguro kung ginawa ba nito para sa kalagayan ng ama o dahil lang sa kanya. Para maimpress siya rito. Baka kaya nagbabantay lang din ito sa ospital dahil din sa kanya. Para mapalapit sa kanya. For his own selfish reasons.

Tumulo ang luha sa mga mata niya. Kahit mahal niya ang tatlo, hindi niya mapapatawad ang mga ito sa ginawang pagbastos ng mga ito sa mga magulang niya. Sa pananakit ng mga ito sa damdamin ng mga magulang, parang siya na rin ang sinaktan ng mga ito. Mas mahalaga pa rin sa kanya ang pamilya niya kaysa sa mga ito!

"Rio, anak, bakit ka umiiyak? Tama ba ang hinala namin? Minaltrato ka rin ba ng mga de Luca?" Sumeryoso ang mukha ng papa niya.

"Medyo kampante ako kahit papaano dahil naroon naman si Sir Gabriel pero baka hindi niya rin nakokontrol ang mga kapatid niya. Pinakitaan ka ba nila ng hindi maganda? Sabihin mo, anak," tanong naman ng ina.

Pinilit niya na punasan ang luha sa mga mata niya.

"Hindi po nila ako minaltrato. Kung tutuusin, mabait nga sila sa akin. Pero hindi ko akalain na nagawa nila iyon sa inyo. Mga walanghiya sila!" galit na sabi niya.

"Anak, matagal na iyon. Huwag na tayong magtanim ng galit sa kanila, ang mahalaga, magaling na ang papa mo. At ako, simula nang hindi na tayo nangungupahan dahil sinasagot na ni Sir Gabriel ang hospital bills natin, nakaipon naman na tayo. Pwede na tayong mangupahan ulit. Magtitindahan na lang kami ng papa mo. Hindi na natin kailangang mamasukan bilang katulong o driver  sa kanila," sabi ng ina.

"Kahit na! Nakakagalit ang narinig ko! Humanda talaga sila sa akin!" naiinis pa rin na sabi niya.

"Anak, baka nakakalimutan mo na 18 ka na. Kapag may ginawa kang hindi maganda, kahit ang talakan lang sila ay pwede ka nang makasuhan at makulong. Hindi birong kalaban ang mga de Luca. Kay Enrique pa lang talo na tayo, lalo na sa kapatid niyang si Leandro. Iyan ang dahilan kung bakit nilihim namin sa 'yo ito, e. Alam namin na ganyan ka magrereact," sabi ng ina.

"So hahayaan na lang po ba natin sila na maliitin kayo?"

"Oo dahil ganoon na talaga ang mga ugali nila pagdating sa mahihirap. Hindi lang naman ako ang ginanon nila at hindi naman nila ako sinaktan. Salita lang iyon, anak. Kaya kong umintindi at magpasensya."

"Puwes ako hindi! Humanda ang Leandro at Enrique na iyon!" Hindi mawala ang galit sa dibdib niya. Gusto niyang sapukin ang mga mukha nina Leandro at Enrique ora mismo.

"Anak, kahit naman gano'n ang ginawa nina Sir Enrique at Sir Leandro, kahit papaano ay napabuti rin. Dahil ikaw ang pumalit sa akin, mas naalagaan ko ang papa mo, nakatipid tayo sa upa ng bahay at may ipon pa tayo ngayon para makapag-umpisa ulit. Tigilan mo na 'yang init ng ulo mo," pagsaway ng mama niya.

"Tama ang mama mo, tinulungan naman tayo ni Sir Gabriel. Nagpakita pa rin ng kabutihan ang mga de Luca kahit na papaano--"

"Dahil obligasyon niyang gawin iyon! Hindi naman po kayo magkakaganyan kung hindi rin dahil sa kanya!"

"Anak, huwag ka ngang magsalita ng ganyan! Hindi naman ginusto ni Sir Gabriel na may nagtatangka sa buhay niya noong araw na iyon--"

"Kaya wala rin po tayong utang na loob sa kanya! Siya pa rin ang may utang na loob sa atin! Ah, basta, naiinis ako sa kanila!" sabi pa rin niya.

Parang biglang naging demonyo ang tingin niya sa tatlo. Ang mga magulang ang pinakamahalaga para sa kanya sa buhay niya kaya kapag kinanti ang mga ito, parang siya na rin ang kinanti. Nagpapasalamat siya dahil hindi siya nagalaw ng mga ito dahil ngayon pa lang, gusto na niyang makipaghiwalay!

Nagkatinginan na lang ang mag-asawa. 18 years old na si Rio ngayong araw pero mukhang wala pa rin talagang pinagbago pagdating sa mentality nito. Isip-bata pa rin at hindi malawak kung mag-isip.

- To Be Continued...

Made for 3 (SPG) Obsession Series # 7 COMPLETED.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon