Chapter XXI: Opening the Entrance (Part 1)
Umismid si Finn at marahang nagpatuloy sa pagsasalita, "Kung sa unang kasunduan ay sila ang masusunod dahil makapangyarihan sila't maimpluwensya, sa pagkakataong ito ay tayo naman ang magdedesisyon. Hindi ko maisama sa bangin ang New Order dahil hindi nila ako pinapayagan. Wala akong awtoridad sa pansamantalang alyansa na kanilang binuo dahil ang tingin nila sa akin ay sabit lang. Ganoon man, nabago na ang sitwasyon dahil kasama ko na kayo ngayon."
"Kayo ang aking suwerte, at labis akong nagpapasalamat dahil ako at ang New Order ang inyong napili," lahad pa ni Finn habang nakatingin kina Irad at Zillian.
Bumuntong-hininga si Irad at pilit siyang ngumiti kay Finn. Inilahad niya ang kaniyang kamay at malumanay na sinabing, "Hindi kayo ang aming unang pinili, sa katunayan, wala kayo sa aming pagpipilian. Ang gusto namin ay maimpluwensya o makapangyarihang puwersa na masisiguro ang aming kaligtasan, subalit kagaya nga ng sinabi namin, tinanggihan nila kami at itinaboy. Wala na lang kaming pagpipilian kaya namin pinili ang New Order... at ang isa pang dahilan ay dahil may malakas kang koneksyon sa Creation Palace."
Umiling-iling si Zillian. Tumingin siya sa ibang direksyon at taimtim na nagwika, "Sinubukan din namin na kausapin ang Creation Palace noong dumating sila rito, pero hindi man lang namin nakaharap ang mga Creation King at Queen. Ang nakaharap namin ay mga palace knight at itinaboy nila kami bago pa man namin masabi ang aming pakiusap."
Napakamot na lang si Finn sa kaniyang ilong at naiilang siyang ngumiti. Sinulyapan niya si Auberon at nang makita niyang seryoso lang ito, bumaling siya muli sa dalawa. Sumeryoso ang kaniyang ekspresyon. Bahagya siyang tumango at nagpahayag ng kaniyang komento. "Hindi natin sila masisisi. Masyadong makapangyarihan ang kanilang mga puwersa, at wala silang pakialam kahit pa kayo ang unang nakatuklas sa libingan. Hindi rin nila alam na kailangan ng susi, at wala silang ideya na nasa inyo iyon. Gano'n man, huwag na nating pahabain ang usapan tungkol dito. May paraan na para mabuksan ang tarangkahan dahil sa tulong ninyong dalawa."
Huminto sa pagsasalita si Finn. Hinawakan niya ang kaniyang baba at tila ba malalim siyang nag-iisip. Makaraan ang ilang sandali, bahagya siyang tumango at marahang sinabing, "Sa ngayon, magkunwari muna kayong miyembro ng New Order. Huwag muna kayong lumantad at panatilihin n'yo munang sikreto ang inyong pagkakakilanlan. Hindi natin maaaring ipaalam kaagad sa iba na nasa inyo ang susi dahil magiging komplikado kapag may mga sakim na pangkat na bigla na lang kayong pupuntiryahin para makuha ang susi."
"Ipaubaya n'yo na lang muna sa akin ang bagay na ito at kapag siguradong ligtas na, doon natin ipapaalam sa iba na nasa inyo ang susi."
Nagkatinginan sina Irad at Zillian. Huminga sila ng malalim at kaagad ding tumugon si Irad. "Wala kaming pakialam sa pagkilala ng iba... ang tanging hangad lang namin ay makapasok at makipagsapalaran nang ligtas sa loob ng libingan upang magkaroon kami ng oportunidad na mag-aalis sa amin sa mababang antas ng Heavenly Supreme Rank."
"Magtitiwala kami sa iyo at sa New Order, Finn Silva. Ayaw naming mabalewala ang pagkakataon na ito kaya sana, makagawa ka ng paraan para makapasok kami nang ligtas sa libingan," dagdag niya pa.
Matamis na ngumiti si Finn at kaagad siyang tumugon, "Hindi ko kayo bibiguin. Sa ngayon, kumilos na tayo. Sumakay muna kayong dalawa sa aming airship dahil magtutungo na tayo sa bahagi ng teritoryo ng Creation Palace. Kakailanganin ko munang makausap ang mga Creation King at Queen para maipaliwanag sa kanila ang kasalukuyang sitwasyon at ang ating mga magiging kondisyon."
Sinunod nina Irad at Zillian ang plano ni Finn. Ginabayan sila nito papasok sa barrier na pumoprotekta sa airship, at nang makasakay sila sa sasakyang-pandigma ng New Order, agad silang nakaramdam ng hindi pagkakomportable dahil kasalukuyan silang binibigyan ng mapanuring tingin ng mga miyembro ng New Order.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...