IKAPITONG KABANATA : ALIMAOM (TAGPO 83)

24 2 0
                                    


"MAGHINTAY KA LAMANG...AKO'Y DARATING"

Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang Azul

IKAPITONG KABANATA

ALIMAOM

Ikawalumpo't Tatlong Tagpo

Pumapainlalang sa lahat ng dako ang mga awiting pamasko sa buong Pilipinas. Matapos na mabili na muli sa banco ang nailit na lupa na minana pa sa kanilang mga magulang at makapagpatayo na ulit ng bagong bahay na malaki rin ang pagkakahawig sa dati nilang nasunog na lumang bahay, masayang nagkakatipon-tipon ang magkakapatid na Ernie kabilang ang kani-kanilang pamilya habang dinadasalan at winiwisikan ng 'agua vendita' ni Padre Tinio ang bawat bahagi ng bahay.

Sa isang sulok, naruon si Liling at ang kanyang mga anak na sina Efren at Beet na nakararamdam ng di-maipaliwanag na magkahalong saya at lungkot. May mga sandaling natutulala si Liling nang muling nagbabalik sa alaala niya na sa labis na kalasingan sa ininom na 'brandy', sinilaban niya ng lighter ang kurtina ng bahay nila hanggang sa umakyat na ang apoy sa kisame sa loob ng kanilang silid na sadya niyang isinara. 

 Dinig na dinig pa rin niya sa kanyang isipan ang hiyawan ng panghihilakbot ng kanyang mga anak na sina Efren at Beet, 'TULUNGAN N'YO KAMI...SUNOG...SUNOG...MGA KAPITBAHAY...TULUNGAN N'YO KAMI...SI MAMA NAKAKULONG SA KWARTO...MAMA....MAMA! SAKLOLO...TULUNGAN N'YO KAMI!"

Paimpit na mapahahagulgol na lamang ng pag-iyak si Liling. Pagtutulungang aluin ng magkapatid ang kanilang ina.

"Tama na Mama...tama na...". Hahagurin ni Beet sa likod ang ina ngunit siya rin ay di n rin napigilan ang sarili na di-maiyak.

"Mama...move on na...di ba ikaw rin ang nagsabi na babangon tayong muli..." ang paalala ni Efren na pilit na nagpapakatatag ngunit di rin napigilang maiyak sa mabigat na suliraning kanilang pinagdaanan.

May mangilan-ngilan sa mga bayaw at hipag na napapalingon sa mag-anak na Liling. Ilang saglit pa, parang matatauhan si Liling at aayusin ang sarili.

"Pasensiya na kayo sa akin...mga anak...oo, pangako...babangon tayong muli..."

Sa pagtitipon, naroon din si Atong na palihim na hinahagod ng tingin si Ate Luisa. Sa tuwing di-sinasadyang nagkakatama ang kanilang paningin ni Ate Luisa, mabilis na ibabaling ni Atong ang kanyang paningin sa ginagawang pagbabasbas ni Padre Tinio. Halatang kinikilig si Ate Luisa sa tuwing magtatama ang kanilang paningin ni Atong.

Samantala, abala naman si Louie sa pagbibidyo sa mga kaganapan sa pagbababas sa bagong katatayong bahay at pagawaan ng balot.

Pagkatapos sa pagbebendisyon sa bahay, dadasalan at bebendisyunan din ni Padre Tinio ang magkakapatid na Ernie at ang kani-kanilang pamilya. Kasunod nuo'y magsasaboy naman sina Ernie at Ine ng supot-supot na barya. Magkakatuwaan naman sa pagpulot ng inihagis na barya ang lahat.

Mga ilang sandali pa, tutungo na si Padre Tinio sa may hagdan para bumaba. Susunod na sina Ernie, Ine, Luisa at magkakapatid na Nena kasama ang kani-kanilang pamilya.

Pagdating sa bagong katatayong pagawaan ng balot, daratnan na nila si Mang Damian at ang mga dating trabahador na Bikolano na matagal ring nakasama at nakabarkada ni Ernie nuong panahong isa lamang din siyang hamak na trabahador ng kanyang Kuya Ruperto.

Matapos dasalan, wiwisikan na ni Padre Tinio ang bagong katatayong pagawaan ng balot. Bebendisyunan rin ng pari ang mga manggagawa sa balotan. Kasabay noo'y magsasaboy na ng mga supot-supot na barya ang magkakapatid na Ernie bilang magkakasosyo sa pagbuhay nila sa nasimulang negosyong balot ng kanilang yumaong nakatatandang kapatid.

Nagkakatuwaang mamumulot ng mga baryang nagkalat sa lapag ang bawat isang naniniwalang susuwertihin sila kapag may naitabing baryang benditado sa kanilang lukbutan.

Habang pinagmamasdan ni Ernie ang bagong katatayong pagawaan ng balot, muling nagbabalik sa kanyang alaala ang mga paghihirap at sama ng loob na pinagdaanan niya. Saglit lang 'yon, ngayo'y nangingiti na siya. Marunong talaga ang Diyos sa lahat. Ngayon niya naiisip na kailangang idarang muna siya sa apoy para tumalas at mahasa upang magtagumpay sa buhay!

All reactions:5Charet B. Monsayac, Dalia Delrosario and 3 others

"MAGHINTAY KA LAMANG..AKO'Y DARATING"Kathambuhay na Nobela ni Zampagitang AzulTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon