"Hah. Hah. Hah."
Tunog ng mabibigat na hinga na umaalingawngaw sa tainga ko habang nakatayo sa gitna ng kalsada. Nanggagaling ang hingal sa batang tumatakbo sa harap ko papasok sa loob ng tambakan ng mga patay na halaman sa arboretum. Kilala ko yung bata. Bumibigat na ang higa ng araw sa kagiliran. Gusto kong sigawan yung bata, sabihin na tumakbo nalang siya sa main road. O umuwi sa bahay nila kahit na napagalitan siya ng magulang niya dahil sa maling nagawa ng bunsong kapatid niya.
Alam kong kanlungan mo ang mga patay na halaman ng arboretum pero hindi sa pagkakataong ito, bata.
Kung kailan ko ibinuka ang bibig ko para tawagin yung bata, saka tumunog ang kalangitan.
Kriiiing. Kriiiing. Kriiiing.
Nahatak ako ng ring ng cellphone sa tinik ng kahapon. Kaharap ko na ang asul na maleta ko na malapit nang mapuno ng damit papunta sa—
Kriiiing. Kriiiing. Kriiiing.
"Ate Jas, okay lang ba kung ikaw muna magbantay kay Lily habang naghahanap kaming magiging katulong—"
"Busy ako Rica."
"Eh ate tumutumal na din naman ang benta sa flower shop mo, baka pwede mo namang iwan 'yan."
"Hindi mo 'ko kailangang yabangan sa yaman mo."
"Hindi 'yun yung gusto kong — sorry ate. Pero si Lily sana — kahit sag—"
"Marami namang tao diyan sainyo na mapagkakatiwalaan. Si Ate Bea, si Mang Boy, o kaya si Jon — kakilala naman natin'yon."
"Gusto sana namin na—"
""Di ako yaya, Rica."
"Mag-iimpake pa 'ko. May iba ka pa bang sasabihin? Kasi ako wala na."
"Pero ate—"
Binaba ko ang tawag. Nag-ring ulit ang phone ko. Siya ulit. Sa pagpatay ko ng nakaabang na tawag, lumabas ang text niya na magkita kami kung sa Italy ako pupunta.
Hindi ako pupunta sa ibang bansa. Titira ako kasama ng Sinag. Samahan ng mga taong katulad ko. Sa mga taong alam kong makakaunawa sa akin. Sa pagtatapos ko mag-impake, nagpayakap ako sa liwanag na nagmumula sa pintuan ng bahay na tatawagin ko ng "dating akin".
Habang hawak ang tiket sa lugar na papupuntahan — nilamon ng panahon ang dating bahay kasama ang sakit na ayaw kong dalhin paalis...
...Pero hindi ko akalain na hahatakin din ako ng lumang bahay pabalik. Ngayon, hawak ang larawan ng kapatid na hindi ko tinuring na akin. Pero may iba. Bakit ang sakit na ngayon?
Baka kaya masakit kasi ngayon, wala na si Rica. At ngayon na retirado na 'ko sa Sinag, wala na akong takas sa pag-aalaga ko sa anak niya.
"Good morning, Lily!" pagbati ko sa pamangkin kong 'di hamak na nangayayat kumpara sa noong huli ko siyang nakita. Pero ano ba itong sinasabi ko? Ako yung klase ng tiyahin na mas madalang pa sa pulang buwan kung magpakita sa mga family reunion. Limang taon na ang nakalipas noong huli ko siyang makita — mas malusog pa siya noon.
Limang segundo na rin yata ang lumipas mula nang batiin ko si Lily. Pero heto kami, parang hindi magkadugo. Hindi niya ako matitigan. Hindi na niya ako makilala. At ako rin naman. Matapos ang ilang taon, parang hindi na siya yung Ellice na nakilala ko. Hindi ko alam kung yung lumbay ba sa mukha niya ay dahil sa pagkawala ng magulang niya o mayroon pang ibang nangyari.