Bawat isa sa 'tin ay may kaniya-kaniyang kuwento ng panalo't pagguho sa giyera ng buhay. May mga panahong nagbibigay ito ng pag-aalinlangan sa 'yong magpatuloy sapagkat hindi mo naman alam kung ano ang hatid ng bukas. Sa t'wing madadapa ka'y mayro'ng mga panahong nasusugatan ka at 'di mo alam kung kailan ka maghihilom. May mga sugat kasing 'di lang mababaw kundi malalim.
Iba't iba ang dapat mong pasanin araw-araw. Pasensya mo'y sinusubukan pa. 'Di madaling makisalamuha sa paligid mong 'di naman naiintindihan ang 'yong kalagayan sapagkat 'di nila kailanman natanong kung naghilom ka na ba o mayro'n ka pa ring sugat. Mas lalo kang nagiging kuba sapagkat mas naging mabigat pa ang pinasan-pasan mo.
Sinampal ka ng katotohanang isinilang ka sa mundo upang maranasan mo ang samu't saring dagok na hatid dito. Nasa 'yo lamang kung paano mo ito haharapin; mayro'ng tapang ba o mas pipiliing 'di na lang sasabak sa giyera. May mga panahon talagang matapang tayo. May mga pagkakataon ding nagiging duwag tayo. Sa bawat pagharap natin sa mga dagok na ito, iba't ibang pagdiskubre ang ating makakatagpo.
'Di ko alam kung anong klaseng giyera ang mayro'n ka ngayon ngunit, ang nais ko lang na mangyari sa 'yo, na tuluyan ka nang maghilom. Matindi man ang pagsalanta sa 'yo, pakatandaan mo lamang na sa kabila ng unos o bagyo'y mayro'ng bahaghari ang kasunod dito. Maghihilom ka, maghihilom tayo. 'Di man ngayon ngunit balang-araw.
BINABASA MO ANG
Scribbled
Randompinagtagpi-tagping mga letra upang makabuo ng mga salitang magiging obra. ito'y kompilasyon ng mga tula, sanaysay, at maiikling kuwento simula nang ako'y bumalik sa aking pagsusulat. [ Contains 50 random pieces] Date Started: July 20, 2023 Thu Date...