Chapter XXXVII

4.7K 851 42
                                    

Chapter XXXVII: Contemplation

Napatulala si Gyomei kay Finn. Nararamdaman niya ang sinseridad mula sa tinig nito, subalit naguguluhan pa rin siya kung ano ang dahilan bakit siya inaalok nito na maging bahagi ng New Order. Wala siyang naiisip na kamangha-manghang katangian niya na makakapukaw sa atensyon ng iba. Nagtataglay lang siya ng mababang antas at ranggo. Hindi rin siya makapangyarihan at higit sa lahat, hindi kamangha-mangha ang kaniyang talento at potensyal bilang adventurer.

Isa siyang katangi-tanging adventurer sa middle realm, pero kung ilalagay siya sa upper realm lalo na sa divine realm, hindi niya makukuha ang atensyon ng mga makakapangyarihan.

Sa kabila nito, personal siyang inaalok ng pinakamakasaysayang adventurer sa buong sanlibutan. Masyado itong hindi kapani-paniwala para sa kaniya kaya hindi siya agad makahanap ng angkop na salita para tugunan si Finn.

Huminga siya ng malalim, at mababakas pa rin ang pag-aalinlangan sa kaniyang mga mata noong magwika siya. “Mali ka yata ng kinakausap. Sigurado ka bang ako ang hinahanap mo? Isa lang akong pangkaraniwang adventurer na may mababang antas at rang--”

“Hindi ako maaaring magkamali dahil ikaw si Gyomei, estudyante ni Gamor at nakasalamuha ko noon sa Mundo ng Alchemy. Kakaunti lang ang interaksyon nating dalawa, pero tumatak sa akin ang iyong kahanga-hangang katangian bilang isang indibidwal,” seryosong paliwanag ni Finn. “Ang tanong ko na lang ay handa ka bang kalimutan muli ang iyong kalayaan? Nalaman ko mula mismo sa iyong guro na pinili mo na ang daan ng pagiging rogue adventurer, at kapag sumali ka sa New Order, malilimitahan na muli ang iyong kalayaan, subalit ipinapangako kong mas lalaki ang oportunidad para sa iyo.”

Nagulantang si Gyomei sa kaniyang narinig. Nanginig ang kaniyang katawan at agad siyang nagtanong, “Nakita mo ang aking guro? Kumusta na siya?”

“Nakita ko siya noon sa teritoryo ng Warwolf Clan. Nakausap ko siya dahil hinahanap kita sa kaniya. Mukha namang ayos lang siya. Pinalaya na rin siya ng Crimson Lotus Alliance at sa tingin ko naman ay nagkaayos na kami,” nakangiting tugon ni Finn. “Ano'ng sagot mo, Gyomei? Wala akong planong mamilit kung talagang disidido ka nang maging isang rogue adventurer, gano'n man, gusto kong pag-isipan mong mabuti ang iniaalok ko dahil sayang ang potensyal at karakter mo.”

“Iba ka sa mga adventurer na nabigyan ng pribilehiyo. Mapagkumbaba ka at mabuti. Higit pa roon, ang iyong pagmamalasakit sa iyong mga kaibigan ang naging dahilan para mamangha ako sa iyo. Handa kang isuko ang mga pinaghirapan mong kayamanan na maaaring magpaunlad sa iyo kapalit ng kaligtasan ng kanilang buhay. Handa ka ring mamatay para sa iyong guro, at kahit na salungat sa kagustuhan ko ang ginawa mo noon, napahanga mo pa rin ako. Natatangi ka, Gyomei. Mayroon ka ng kalidad na hinahanap ko kaya determinado akong gawin kang miyembro ng New Order,” dagdag niya.

Matapos marinig ang paliwanag ni Finn, doon na nagkaroon ng kalinawan si Gyomei kung bakit siya gustong pasalihin nito sa New Order. Hindi potensyal o talento niya ang nakita nito, bagkus, ang kaniyang personalidad. Dahil dito, hindi niya mapigilang matuwa sa loob-loob niya. Totoong ang mapuri bilang mahusay o malakas ay nakatutuwa, pero ang purihin ka bilang ikaw ay mas lalong nakakataba ng puso.

Sa kabila nito, hindi pa rin makapagdesisyon si Gyomei. Binalingan niya ng tingin sina Heria  at Krayon. Kasalukuyan ding nakatingin sa kaniya ang dalawa na para bang nag-aabang sa kaniyang magiging tugon.

“Maaari ko bang pag-isipan muna ang alok mo? Gusto ko munang makausap ang aking mga kasama tungkol sa iniaalok mo,” lakas-loob na sabi ni Gyomei.

Ngumiti si Finn. Tumango-tango siya rito at sinabing, “Walang problema. Hahayaan muna kitang mag-isip, at kapag handa ka nang ibigay ang iyong tugon, lumapit ka lang sa akin.”

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon