Chapter XLVII: The First One
Tumabi si Finn para hayaan ang mga elder at supreme elder na ipaliwanag kay Muriel ang kasalukuyang sitwasyon. Hindi pa siya kilala nito kaya hindi tama kung siya ang magpapaliwanag dito sa mga nangyayari. Isa pa, dahil sa kondisyon nito kani-kanina lamang, wala itong kamalayan sa nangyayari sa paligid. Kailangan pa nitong maliwanagan sa mga nangyayari, at hindi niya na responsibilidad iyon dahil trabaho na iyon nina Horus.
Tahimik lang siyang tumayo sa isang tabi. Hindi na siya gaanong nakinig sa usapan dahil alam na alam niya na kung ano ang ipinaliliwanag ni Horus sa kanilang pinuno. Sa halip, itinuon niya na lang ang kaniyang konsentrasyon sa mga mangyayari hindi kalaunan.
Malapit na nilang makaharap ang mga axvian. Nagbigay na ng salita sina Horus na pasasamahan siya ng mga ito sa teritoryo ng mga axvian, at ngayon, iniisip niya kung paano niya palalabasin si Kiden sa Myriad World Mirror.
Kasalukuyan pa rin itong nagsasanay sa ilalim ng pangangalaga ni Firuzeh. Hindi niya sigurado kung handa na itong lumabas, pero kailangan niya itong palabasin dahil walang saysay ang pagharap niya sa mga axvian kung hindi niya ito kasama.
Matapos makapagdesisyon, agad na kumonekta si Finn sa kaniyang Myriad World Mirror. Ginamit niya ang kaniyang isip. Paulit-ulit niyang tinawag ang pangalan ni Firuzeh at makaraan lang ang ilang saglit, nakakuha siya ng tugon mula rito.
‘Mayroon bang problema, Finn? Kailangan mo ba ang aking tulong?’ Tugon ni Firuzeh sa paulit-ulit na pagtawag ni Finn sa kaniya.
‘Walang problemang malala, pero kailangan kong ipaalam sa iyo na may impormasyon na ako tungkol sa mga axvian. Sa madaling sabi, paumanhin pero kailangan ko na ang presensya ni Kapitan Kiden sa lalong madaling panahon. Kahit na gusto kong magsanay pa siya ng matagal sa Tower of Ascension, kailangan ko na siyang palabasin dahil nakasalalay rito ang pagkakalinaw sa totoo niyang pagkatao,’ paliwanag ni Finn.
Hindi kaagad nakasagot si Firuzeh. Nagkaroon pa ng sandaling katahimikan sa pagitan nila, pero hindi kalaunan, nagsalita rin ito para ibigay ang kaniyang tugon.
"Naiintindihan ko. Mas mahalagang makaharap na ni Kiden Sylveria ang kaniyang mga kalahi dahil kailangan niyang maliwanagan kung sino nga ba talaga siya. Kahit na hindi pa siya malakas kagaya ng inaasahan ko, sapat na marahil ito sa ngayon,’ malumanay na tugon ni Firuzeh. ‘Paano ang grupong Dark Crow? Siguro naman ay hindi mo pa sila kailangan sa ngayon, hindi ba? Matagal-tagal pa bago sila makahabol sa inyo at mas mainam kung dito muna sila mamamalagi ng ilan pang taon.’
‘Si Kapitan Kiden lang ang kailangan ko sa ngayon. Maaaring magsanay ang Dark Crow sa Tower of Ascension hanggang sa makahabol sila sa amin. Mas mabuti rin kung magtatagal pa sila riyan para kapag kailangan ko na nang makakatulong sa pakikidigma, mayroon akong malakas na grupong maaasahan,’ nakangiting sambit ni Finn.
‘Maliwanag. Ako na ang bahala sa kanila. Disidido naman silang magpalakas at dahil sa sobrang pagtutok ko sa kanila, mas nagiging epektibo ang kanilang pagsasanay. At huwag mong alalahanin si Kiden Sylveria. Ipararating ko na agad sa kaniya ang iyong mensahe at paghahandain ko na siya na lumabas ng iyong mundo. Mag-iingat ka lang sa paggamit ng Myriad World Mirror, Finn. Sa ngayon, hindi matalinong hakbang kung ipapaalam mo sa iba na nagtataglay ka ng divine artifact,’ paalala ni Firuzeh.
‘Alam ko,’ simpleng sabi ni Finn.
Paulit-ulit siyang pinaaalalahanan ni Firuzeh tungkol sa kaniyang mga divine artifact, pero hindi niya iyon minamasama dahil alam niya sa sarili niya na nag-aalala lang ito sa kaniya. Ramdam niya ang pagiging sinsero nito, at kitang-kita niya na hangad nitong makatulong sa kaniya at sa New Order.
Nakakapanghinayang lang dahil hindi ito makakatulong sa ngayon. Masyadong sensitibo ang pagkatao nito, at hindi magandang pangyayari kung malalaman ng iba na buhay siya--ang dating alchemy god.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...