James, tara. Laro tayo.
Tara, laro tayo. Iiwasan kita at hahabulin mo ako. Mahal na mahal mo daw ako at ako naman paasa lang. Yung hinahayaan lang kitang habulin ako dahil gusto ko nagkakandarapa ang lalake sa akin at gusto ko hinahabol nila ako at wala akong pake sa kung ano man ang maramdaman nila. Yung tipong, magkakatinginan tayo tapos ngingiti ka, yung totoong ngiti ah? Yung masayang ngiti kasi nakita mo ulit ako. Tapos ako, wala. Walang emosyon sa ngiti mo, hindi ko man lang simuklian. Yung ganun.
Ano, game ka ba?
Tara, laro tayo. Tagu-taguan. Magtatago akong matagal, yung hindi ako nagbigay na kahit anong clue kung nasaan ako. Basta nalang akong nagtago at nagpahanap sa'yo. Tapos isipin mo, naghanap ka na kung saan ako pwedeng magtago, pero wala talaga. Yung nalibot mo na ang lahat, hindi mo pa din ako mahanap. Tapos, natawagan mo na lahat ng mga kaibigan ko at kaibigan mo pero wala talaga. Wala ako sa radar nila dahil una ko na silang nakausap sa'yo at sinabi kong wag nilang sabihin sa'yo kung nasaan ako. Gusto kong laro yun.
Gusto mo ba?
Tara, laro tayo. Magpapakita na ako at hindi na kita iniiwasan pero utus-utusan kita. Yung tipong kahit anong sabihin ko gagawin mo kaagad. Kasi nga mahal mo ako. Yung kahit mabali mga braso mo kakabitbit ng kung ano-ano, okay lang sa'yo. Kasi nga, mahal mo ako. At ito pa, hindi ka pwedeng magreklamo dahil iiwan ulit kita kung sakaling magreklamo ka.
Pst, kanina pa ako game. Ikaw nalang hinihintay.
Tara, laro tayo. Ah, ito gusto ko. Laro tayo boxing, paparamdam ko sa'yo yung sakit, pero ako lang pwedeng manuntok. Sasapakin kita sa kahit anong parte ng katawan mo, at syempre, hindi ka pwedeng magreklamo dahil isang suntok ka ulit sa akin. At ito mas malupit, walang referee kaya kahit anong gawin ko, pwedeng-pwede.
Tara na, maglaro na tayo. Nakikinig ka ba?
Tara, laro tayo. Bahay-bahayan. Mag-asawa tayo kunwari, pero tulad din nung mga bata tayo, laro lang to at peke. Hindi totoo, laro lang.
Kasi ito ang totoo.
Ikaw lang ang naglaro. Pinagluruan mo lang ako. Hindi mo nga ako sinabihan na naglalaro ka. Kung sinabi mo, edi sana walang nasaktan sa ating dalawa. Ay mali, sana hindi nalang ako nasaktan nang sobra.
Ito ang totoo.
Iniwasan mo ako sa oras na kailangan na kailangan kita. Halos umiyak ako gabi-gabi, halos hindi ako nakatulog kakahintay sa text mo. Ni-isang "Hi!" o "Hello!" wala akong natanggap sa'yo. Ikaw ang umiwas, ako naman tong si tanga, humabol. Humabol sa taong hindi ko naman kayang habulin.
Ito ang totoo.
Nagtago ka papalayo sa akin, ni-isang clue wala kang naibigay. Kahit message na lalayo ka muna at magtatago, wala. Isang buwan akong naghintay sa text mo pero wala pa din talaga. Hinanap kita kung saan ka pwedeng mahanap, wala. Lahat na ng posibleng lugar na pwede mong puntahan, napuntahan ko na pero wala pa din talaga. Tinanong ko pa sa mga kaibigan mo kung nasaan ka at halatang pinagtatanggol ka nila at meron silang alam na hindi ko alam.
Ito ang totoo.
Halos tatlong buwan din ang hindi nating pagkikita, akala ko wala na e. Tapos bigla ka bumalik. Nagtext ka sa akin ng isang "Hi, Ysa!" at kumatok ka sa pintuan namin, may dalang rosas at mga tsokolate. Pinapasok kita pero ayaw mong pumasok, kaya lumabas ako kasama ka. Then dun na! Sinimulan mo na akong utusan para magdala ng mga pagkain sa mga babae e. Kung makatingin sila, kala mo kung sino. Pero halata namang nanlalandi. Ikaw naman, nagpalandi.
Pero ito ang pinakatotoo.
Hindi mo alam na mahal na mahal kita.
Hindi mo alam na halos araw-araw kong pinagdasasal na sana mahalin mo din ako.
Hindi mo alam na sa tuwing iniiwasan mo ako, nasasaktan ako nang sobra-sobra.
Hindi mo alam na hinahabol kita.
Hindi mo alam na nagpapakatanga ako sa'yo.
Hindi mo alam tong mga to kasi hindi ko sinabi sa'yo.
Mahal na mahal kita James.
Kung hindi ba naman kasi ako isang malaking tanga, edi sana ngayon hindi ako nagmumokmok dito sa kwarto ko. Edi sana ngayon hindi ako umiiyak tuwing binabanggit yung pangalan mo. Edi sana ngayon magkaibigan pa din tayo. Edi sana ngayon masaya pa tayo. Edi sana ngayon hindi ako nasaktan nang sobra. Pero tanga ka din kasi James, nasa harap mo na ako naghanap ka pang iba. Halatang-halata na yung nararamdaman ko sa'yo, pinapakita ko sa'yo araw-araw pero hindi mo ako tinitignan. Pagod na puso ko, James. Ayoko na.
Maglalaro pa ba?