Ang Alamat ng Pechay

3.4K 39 7
                                    

Noong unang panahon, wala pang pechay sa buong mundo. Wala pang sahog ang mga pagkaing dapat sana ay may pechay. Wala pang ginisang pechay. Di pa rin uso ang minatamis na pechay (hanggang ngayon naman wala ‘nun eh). At higit sa lahat, marami pang mga malulungkot na kambing at kuneho dahil hindi pa nila natitikman ang pechay.

Sa nayon ng Dimaire, isang mag-anak ang naninirahan sa isang bahay kubo na may tatlong hagdan at limang pinto. Gayumpaman, maliit lamang ang bahay nila at mahirap lamang sila. Sadya lamang mahilig sa hagdan at pinto ang nanay ng pamilya na si Aling Jennibelles. Si Aling Jennibelles ay isang karpintera. Mahilig siyang pumukpok. Ang kanyang pagpukpok ay may pattern. Nakamamanghang pagmasdan ang kanyang pagpukpok. Isa sa mga manghang-mangha kay Aling Jennibelles ay ang kanyang asawang si Mang Jojojo. Sadyang tatlo ang “jo” sa pangalan ng kaawa-awang ama ng tahanan. Siya ay kaawa-awa dahil siya ay may pitong buhok lamang sa buong katawan. Isinilang din siyang may lubhang mahinang pandinig. At ang pinakamalungkot sa lahat, bawat buhok ni Mang Jojojo sa katawan ay may split ends. Ang lungkot di ba? Makailang beses na ring nagtangkang magpatiwakal ang kaawa-awang lalaki, ngunit sa tuwing nakikita niya ang pagpukpok ng asawang si Jennibelles, agad na nalilimot ng lalaki ang kanyang kapighatian.

Ang mag-asawa ay biniyayaan ng limang anak. Tatlo ang babae, sina Bulega, Basilika, at Betchay, at dalawang lalaki na sina Birnabir at Bongbong. Magaganda ang tatlong babaeng anak ng mag-asawa. Mapula ang buhok ng mga ito, mana sa mamink-mink na buhok ng kanilang ina. Wala pang nakapagpapatunay na natural ang kulay ng kanilang buhok. May mga kapitbahay na nagsasabing may nakukuha silang balutan ng hair dye sa basurahan ng mag-anak. Gayumpaman, wala na tayo ritong pakialam. Isa pa ay pumanaw na rin naman sina Bulega at Basilika. Sila ay natuka ng ahas na may tuka. Kakaiba ang ahas. Grabe. Mukhang ostrich. Kaya si Betchay na sampung taong gulang na lamang ang natitirang babae. Sa puntong ito ay marahil naiiisip na ninyo na si Betchay ay mamamatay o mawawala sa katapusan ng kuwento at may tutubong halaman na ipapangalan sa kanya at tatawaging Pechay. Tingnan natin kung tama ang iniisip ninyo.

Anyway, ang dalawang lalaki naman na sina Birnabir, limang taong gulang, at Bongbong, pitong taong gulang, ay buhay pa. Buti na lang. Si Birnabir ay may mga pisnging mala-siopao, kutis na mala-kahoy, at ilong na mala-suha. Napakapanget niya. Ito ang dahilan kung bakit Birnabir ang ipinangalan sa kanya. Isang panget na pangalan para sa isang batang panget. Nang nag-iisip ng pangalan ang mag-asawa para sa kasumpa-sumpang bata ay may nakita silang bote ng Beer na Beer. Ganung kadali. Parang nagpangalan lang sila ng aso. Si Bongbong naman ay isang  batang may magagandang mata, mapupulang labi, at itim na itim na buhok. Pero panget pa rin siya. Pero mas okay naman nang konti kaysa kay Birnabir. Siya naman ay ipinangalan mula sa bubong. Habang nag-iisip ng pangalan ang mag-asawa para rito ay napatingala sila, at nakita nila ang bubong. Kaysa “Bubong” ang kanilang piliing pangalan ay Bongbong na lang. Mababait na mga bata ang dalawang lalaki. Wala naman na silang ikasasama ng ugali gawa ng kapangitan nila. Pag sumama pa ang ugali nila, ewan na lang natin.

Si Betchay naman ay may taglay na angas. Hindi naman siya masyadong mapagmataas ngunit sanay siyang lumaban. Hindi siya basta-basta nagpapatalo. Nang minsan siyang awayin ng kanyang kalaro, kinarate niya ito. Muntik nang mamatay ang kalaro niya. Buti na lamang at nadala agad ito sa hilot. Dahil dito ay nagpakalayu-layo ang mag-anak at napadpad sa lugar na kinatitirikan ng kanilang kubo. Maaliwalas ang paligid ng kanilang tirahan. Bagama’t wala silang permiso para tumira sa lupang iyon, malakas pa rin ang loob nilang mamalagi roon.

Isang umaga habang nagwawalis ng bakuran si Aling Jennibelles ay nakakita siya ng isang matandang babaeng may ketong. Ang ketong nito ay nakakadiri. Kung mapipicturan ko lang, tiyak na ikaw ay manlulumo.

“Ineng, maaari mo ba akong bigyan ng pinto?” wika ng matandang babaeng may pink na blush-on upang di masyadong maging nakakadiri ang ketonging mukha.

“Aanhin po ba ninyo ang pinto?” tanong ni Aling Jennibelles.

“Gagawin ko lang lalagyan ng chocolate,” sabi ng matanda.

“Naku, mababawasan po ang pinto namin. Di ko po maaaring ibigay sa inyo.”

“Okay,” sabi ng matanda.

Umalis ang matanda. Wala naman siyang sama ng loob. Hindi rin siya naghiganti. Naishare ko lang yung part na yun. Ang cute kasi eh. Sa kabilang dulo ng pitong dipang bakuran ng mag-anak, naglalaro ang magkakapatid. Sila ay naglalaro ng luksong baka. Nang si Betchay na ang lulukso sa mga pinagpatung-patong na kamay ng kanyang mga kapatid, masyado siyang nauyam at nadistract sa napakapangit na mukha ni Birnabir. Dahil dito, siya ay natisod. Tumama ang kanyang mukha sa isang batong matalas. Hindi siya namatay.

Mabilis na nabigyan ng first aid si Betchay. Siya ay binigyan ng katas ng dahon ng kamatis at pinakuluang bunga ng kalabasang ligaw. Nang ipahid ang mga ito sa nagdudugong mukha ni Betchay, agad itong gumaling. Nagpatuloy sa paglalaro ang magkakapatid. Masayang-masaya sila.

Isang gabi ay hilong-hilo ang ama ng tahanan. Bigla itong binawian ng buhay. Kinabukasan, siya ay inilibing.

Malungkot na malungkot ang magkakapatid dahil wala na ang kanilang ama. Dahil dito, sila ay umiyak nang umiyak. Ang kanilang pag-iyak ay pagkalakas-lakas. Nang mabanat ang mga vocal chords ni Betchay dala ng kanyang malakas na pag-iyak ay isang milagro ang nangyari. Ano kaya ang milagro? Hindi nabuhay ang kanilang ama. Ang nangyari ay naging sobrang lakas ng boses ni Betchay. Sa tuwing siya ay magsasalita, magtatakip ng tenga ang kanyang mga kapatid.

Isang hapon, habang papauwi mula sa kakahuyan si Betchay ay kanyang namataan ang kanyang nanay na gumagawa ng isa pang hagdan. Malayo pa lang ay sumisigaw na ito.

“Inay, isa na namang hagdan? Bakit po? Wala naman po tayong second floor,” ang madagundong na hiyaw ni Betchay.

Labis na nasaktan ang mga tenga ng kanyang nanay. Dahil dito ay hinimatay si Aling Jennibelles. Naiyak si Betchay sa nangyari. Akala niya ay pumanaw na ang kanyang ina. Hinagilap niya ang kanyang mga kapatid. Hindi niya alam na nasa palengke ang mga ito upang bumili ng paborito nilang meryenda, pritong okra.

Labis ang naging pagsigaw at paghiyaw ng kaawa-awang si Betchay. Dahil sila lamang ang tao sa bakuran, walang nakaririnig sa kanila. Wala silang kapitbahay upang makatulong. Ang boses ni Betchay ay tila isang malakas na malakas na rock band concert na may sampung amplifiers. Isang diwata ang lumabas mula sa ilalim ng lupa. Laking gulat ni Betchay at siya ay muling napasigaw ng “Ehmehged!!! Sino po kayo?”

“Ako ang diwata ng mga halaman! Ang pangalan ko ay Diwata ng mga Halaman,” sagot ng diwata ng mga halaman.

“Ano po ang nangyayari?” tanong ni Betchay.

“Masyadong malakas ang boses mo. Di ako makatulog. Ginagalit mo ako. Dahil galit na ako, ipapakita ko ang aking galit. Galit ako! Rawrrr!” sabi ng diwata.

“Huwag po kayong magalit,” pagmamakaawa ni Betchay. Pero malakas pa rin ang boses niya.

“Napakalakas talaga ng boses mo! Naririndi na ako. Dahil diyan, gagawin kitang halaman!” sambit ng diwata. Gamit ang kanyang magic wand, binigyan niya ng sumpa ang batang babae.

“Ano'ng nangyayari sa akin? Bakit ako nagkaka…” tuluyan nang di nakapagsalita si Betchay. Ito ay dahil isa na siyang halaman.

Isang maliit na halaman ang tumubo sa lupang kinatayuan ni Betchay. Natuwa ang diwata dahil tahimik na rin. Nagparty siya. Mag-isa. Nang naramdaman niyang paparating na ang magkapatid na panget at nagkakamalay na si Aling Jennibelles, gumawa siya ng isang sulat.

Ganito ang nilalaman ng sulat: “Ako ay diwata. Ganda ko kaya. Anyway, ang halamang ito ay si Betchay. Maingay kasi siya, kaya ginawa ko siyang halaman. Tawagin ninyo itong Pechay. Magpasalamat kayo at hindi na rin kayo mahihirapan sa ingay ni Betchay. Congratulations. XOXO”

Natulala ang mag-iina nang nabasa nila ang sulat ni Diwata ng mga Halaman. Sinunod nila ang isinasaad ng sulat.

“Anak, mamimiss kita. Pero salamat sa mga bitamina at sa fiber,” wika ni Aling Jennibelles sa halaman.

The end.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 10, 2013 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang Alamat ng PechayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon