PAPUNTAHIN MO ANG BOYFRIEND MO RITO.
Paano ko iyon gagawin? Paano? Wala naman akong boyfriend. At ang tinutukoy ni Mama na boyfriend ay isang tao na hindi na nag-e-exist sa buhay namin pareho. Isang tao na parte na lang ng nakaraan ko. Taong malamang na kinalimutan na ako.
At bakit ko gagawin? Syempre, gagawin ko para kay Mama. Dahil hiling nito. Pero hindi ko nga magagawa. Unang-una, wala na nga kami ng taong iyon. May iba na rin ito. Kaya bakit pa ako manggugulo? Ginulo ko na ito noon, hindi ko na ito guguluhin pa ulit ngayon. At ni hindi nga ako sigurado kung kilala pa nga ba ako nito.
Sumilip na naman si Mama sa pinto ng kuwarto ko. Nagbibihis na ako papasok sa opisina. "Laila, 'wag mong kalilimutan si Tutoy, ha?"
Nawala ang ngiti ni Mama nang makita ang suot ko. Naka-itim ako na slacks pants, white polo, at sa paahan ay manipis na medyas na itim din. Doon natuon nang matagal ang paningin niya. "O bakit ka naka-itim na medyas? Di ba ang kapareho ng itim na sapatos ay medya na puti dapat?"
Sa school, oo. Pero sa opisina ay hindi.
Humalukipkip si Mama. "Palagi kang naka-complete uniform. Mula elementary ka ay itsrikta ka na sa itsura mo kapag papasok ka. Kahit pa sa simpleng medyas lang, gusto mo ay puti talaga. Kaya bakit ngayon ay nagiging pabaya ka na yata? At bakit imbes na nakasalamin ay naka-contact lens ka?"
"Ma, papasok po ako sa trabaho," malumanay na sabi ko. "Unang araw ko po. Mag-oopisina na po ako. Di ba po?"
Kumurap-kurap si Mama. "May dula-dulaan ba kayo sa school? Iyan ba ang role mo? Aba't bagay sa 'yo, anak. Bagay sa 'yo talaga na mag-opisina. Matalino ka kasing bata. Hindi ka nagmana sa akin. Ako kasi, mahina ako sa klase noong nag-aaral ako."
"Ma, sa 'yo ko naman po namana ang tapang ko. Sa 'yo ko namana ang unahin ang pamilya kaysa sa iba. Sorry Ma, kung naligaw ako sandali. Sorry kung nasaktan muna kita noon bago ko na-realize ang aking pagkakamali."
Ngumiti si Mama. "Laila, matalino ka man, pero bata ka pa rin noon. Nineteen ka pa lang noon o twenty. At hindi naman lahat ng matalino sa ekswela, ay hindi na nagkakamali sa pagdedesisyon. At tao ka lang, nagiging sarado ang isipan kapag nasasaktan. Normal lang na masaktan ka, magtampo ka, at maguluhan ka, dahil sa pakiramdam mong wala kang pagkakakilanlan."
"Anak." Lumapit si Mama sa akin at tinulungan ako sa pagbutones ng suot kong polo. "Ang importante ngayon ay alam ko na hindi mo na ako sasaktan. Kaya hindi mo na ako iiwan, di ba? Hindi mo na ako iiwan para sa kanila, di ba? Sa akin ka na lang, di ba?"
Napahikbi ang mga labi ko.
"Anak, napatawad mo na ako sa paglilihim ko sa 'yo, napatawad mo na rin ako dahil nagkulang ako sa pagpapaunawa sa 'yo na hindi ka panakip-butas lang, at napatawad mo na rin ako kahit pa inisip ko dati na iiwan mo rin ako. Okay na tayo ngayong mag-ina. Wala na tayong lihiman sa isa't isa at iyon ang mahalaga."
Tumango ako. "Opo, Ma..."
"Kinalimutan ko na rin ang anak ko na namatay. Ikaw na lang ang anak ko. Kaya sana wala na rin akong kahati pa sa 'yo. Sana hindi ka na rin talaga bumalik pa sa kanila o makikipagkita man lang. Ibaon mo na sila sa limot, dahil ako naman talaga ang dapat na tunay mong magulang."
BINABASA MO ANG
South Boys #5: Crazy Stranger
RomanceAs far as she remembers, she's the obsessed one. Laila does some crazy things while secretly fangirling over the campus semi-cal cutie, Asher James Prudente, and that includes hardcore stalking. So how does Asher, who's totally not interested in a w...