CHAPTER ONE
MADALING araw pa lang ay gising na si Laura at naghahanda na ng almusal. Mayamaya lang ay kakailanganin na nila ng kanyang nanay na tumungo sa tabing-dagat upang kunin ang mga isdang huli ng kanyang tatay para ipagbili sa palengke sa bayan.
Nang makaluto ay dagli na siyang naligo at nagbihis. Siya namang paglabas ng nanay niya.
"O, nahugasan mo na ba ang mga banyera?" tanong nito na naupo na sa harap ng mesa para kumain.
"Nakahanda na po lahat."
"Siya, bilisan natin at baka dumating na ang tatay mo. Ikaw na ang magdala ng sariwang isda sa malaking bahay.
Mangingisda ang tatay niya at tindera naman sa
palengke ang kanyang nanay. Panganay siya sa limang magkakapatid. Maliit lamang ang kubong kanilang tinitirhan ngunit malinis at maganda ang bakuran dahil sa mga tanim na bulaklak na matiyaga niyang inalagaan.
Highschool lang ang natapos niya at kahit pangarap niyang makapagtapos ng pag-aaral ay alam niyang wala siyang magagawa dahil sapat lang ang kinikita ng kanyang magulang para sa pang-araw-araw nilang kabuhayan. Iginapang lang ng kanyang tatay para makapagtapos siya kahit sekundarya at hanggang doon na lang iyon.
"Laura!" tawag ni Clara, kababata at matalik niyang kaibigan. Katulad niya ay mangingisda rin ang ama. "Saan ka pupunta?"
"Dadalhin ko itong mga isdang order sa malaking bahay," sagot niya at itinaas ang hawak na supot.
"Sama 'ko," ani Clara. "Marami bang huli ang
tatay mo?"
"Tulad din lang ng dati. Ang tatay mo ba?"
"Ganoon din," napabuntong-hininga si Clara. "Ang sarap sigurong maging mayaman, ano? Katulad ng mga taong bumibisita diyan sa malaking bahay," anito na may inggit.
Nangiti lamang si Laura. Siya man ay ganoon din ang nararamdaman lalo na kapag pumupunta siya sa malaking bahay. Iyon ang tawag ng mga taga-San Antonio sa paupahang bahay-bakasyunan sa kanilang baryo. Maraming bakasyunista ang nagtutungo roon lalo na kapag tag-init.
"Ang ganda," ani Clara nang makapasok na sila. Umiikot ang mga mata nito sa kapaligiran. Malaki at maganda ang pagkakadisenyo ng buong lugar. Maluwang ang solar nito na natataniman ng mamahaling halaman at kahit siguro ilang beses na siyang nakapapasok doon ay hindi niya pagsasawaan ang kagandahan ng paligid.
"Laura, tingnan mo, bilis!" bulong ng kaibigan na napalingon naman si Laura.
Isang lalaki ang naglalangoy at naka-swimming trunk lang ito. Maganda ang pangangatawan at hustong napatingin ito sa gawi nila kung kaya nahuli nitong nakatingin sila.
"Ang guwapo, Laura," may kilig sa boses na sabi ni Clara na humawak sa kanyang braso.
Hindi naman kumibo si Laura at napaatras. Nakaramdam siya ng hiya sa pagkakahuli sa kanila ng lalaki na tinitingnan nila ito.
"Halika na," aya niya sa kaibigan nang makitang papalapit sa kanila ang tagapamahala ng malaking bahay.
"Teka sandali," reklamo ni Clara.
"Bahala ka, aalis na ako," aniya na nagpatiuna na para iabot sa tagapamahala ang dalang isda.
"Parang artista naman iyon," patuloy ni Clara na sumunod rin sa kanya. Napangiti na lang ang
tagapamahala bago sila iniwan pagkakuha sa isda.
"Tama na iyan at nakakahiya ka," saway niya sa kaibigan at hinila na ito palabas sa malaking bahay.
"Miss, sandali lang," anang boses sa kasunod nila. Sabay pa silang napalingon at sa buong pagtataka nila'y nakangiting nakatingin sa kanila ang guwapong lalaki sa swimming pool.
"Bakit ho?" nakangiting tanong kaagad ni Clara.
"Gusto ko lang sanang makipagkilala sa inyo, lalo na—" tumingin ito sa gawi ni Laura. "....sa magandang kasama mo."
Pinamulahan naman ng mukha si Laura sa hayagang pamumuri ng lalaki. Hindi siya sanay na nakatatanggap ng ganoong pamumuri sa isang guwapo at mayamang lalaki kahit hindi kaila sa kanya na may hitsura siya.
"Ako si... Ricardo. Ricardo Gachonova." Inilahad nito ang kamay sa kanila.
Naging simula iyon ng pagkakakilala nila ni Ricardo. Hindi nito itinago sa umpisa pa lang ang totoong intensiyong ligawan siya. Maraming nainggit sa kanya dahil nabihag niya ang atensiyon ng isang tulad ni Ricardo Gatchanova. Hindi naman maintindihan ni Laura kung ano talaga ang nararamdaman niya para sa binata. Mabait at maalalahanin ito, maging ang mga magulang niya'y kasundo ang binata. At parang malaking karangalan sa lugar nila ang maligawan ng isang tulad nito na bukod sa guwapo ay mayaman pa. Hindi tuloy niya malaman kung paghanga o pagmamahal ang nararamdaman niya. Pero ano ba ang nalalaman
niya sa pagmamahal, hindi pa naman niya naranasang umibig.
Pagkaraan ng mahigit isang buwang panliligaw sa kanya'y sinagot niya ang binata. Naging maligaya naman siya sa mga pagkakataong kasama ito kaya nga lang ay madalas itong nasa Maynila at inaasikaso ang negosyo, ayon na rin dito.
Nagulat siya nang minsang dumating ito ay agad siyang kinausap ng masinsinan at gayon na lang ang gulat niya nang yayain siya nitong pakasal na.
"Laura, will you marry me?" Wika nito na itinaas ang baba niya at kinintalan siya ng halik sa mga labi.
"Gusto kong makasal na tayo, love."
"P-pero bakit biglaan naman?" Takang tanong
niya. "Kailan pa lang naman tayo. Hindi natin
kailangang magmadali."
"Ayokong maagaw ka pa sa akin ng iba... isa pa kailangan kong pumunta ng Amerika at baka matagalan ako o doon na mamalagi kaya gusto ko na makasunod ka agad sa akin." Paliwanag nito na hinawakan siya sa kamay. "Mangyayari lang iyon kung kasal ka na sa akin. Mas madali kang makasusunod."
"Pero..." aniya na hindi malaman ang sasabihin. Kahit paano ay may nararamdaman siyang kasiyahan sa puso.
"I love you, Laura, at ito lang ang hihilingin ko sa iyo—pakasal tayo," at bago pa siya nakasagot ay siniil na ng halik ang mga labi niya.
Nabigla man ang kanyang mga magulang ay
pumayag din ang mga ito sa naging desisyon nilang magnobyo. Napagkasunduan na sa huwes na lang muna sila pakakasal ni Ricardo at saka na lang sa simbahan bago ito umalis patungong Amerika. Ang ibig kasi ng nobyo ay makasal na sila sa darating na Sabado.
Nang malaman ni Clara ang nalalapit nilang
pagpapakasal ay tuwang-tuwa ito para sa kaibigan. "Wow! Malapit ka ng maging Donya Laura Santos Gatchanova," tukso nito sa kanya.
"Sobra ka naman. Baka may makarinig sa iyo'y
aakalain nilang pera lang ni Ricardo ang habol ko," nakangiti niyang sagot.
"Alam ko naman na mahal na mahal mo si Ricardo, bonus na talaga ang pagiging mayaman niya," pabiro pa ring dugtong ni Clara.
"Alam mo, Clara, ninenerbiyos ako na hindi ko
mawari," sumeryoso siya.
"Nakow, wedding glitters lang 'yan."
"Wedding jitters," pagtatama niya na natawa. "Sana nga'y wedding jitters lang ang nararamdaman ko."
SABADO. Kasama ang mga magulang nang ikasal sila ni Ricardo ng Mayor ng Zambales. Walang kasamang kamag-anak ang lalaki dahil ayon dito ay nasa ibang bansa lahat at ang tangi nitong kasama ay tatlong lalaki na tauhan nito. Pagkatapos ng kasal ay nagtuloy sila sa isang kilalang restaurant. Hindi pa halos sila nagtatagal ng tumunog ang cell phone ni Ricardo. Lumayo pa ito sa kanya bago kinausap ang nasa kabilang linya. Nakita niya ang pagbalatay ng galit sa mukha nito at wari'y hindi naibigan ang sinabi ng kausap.
Nabigla siya nang lumapit ito muli sa kanya at
nagpaalam. "Kailangang lumuwas ako ng Maynila, Laura," anito, kita sa mga mata ang panghihinayang. "Babalik din ako kaagad."
"K-kailan ka babalik?" tanong niya na may kabang nararamdaman.
"Hintayin mo ako," inabot nito sa kanya ang isang tarheta. "Iyan ang address ko sa Maynila," at kahit kaharap ang mga magulang niya ay hinalikan siya sa labi ng asawa.
"HAY, NAKU, nag-asawa ka nga pero parang hindi rin,'' ani Clara habang naglalaba sila sa poso. Isang linggo nang nakaalis si Ricardo pero ni sulat o pasabi ay wala siyang natatanggap mula rito.
"Nag-aalala na nga ako. Sa tingin ko may malaki siyang problema kaya kinailangan niyang umalis sa mismong araw ng kasal namin," ani Laura na napatigil sa pagkukusot. Ilang gabi na siyang nag-iisip at hindi makatulog.
"Kung gusto mo'y lumuwas tayo ng Maynila,"
suhestiyon ng kaibigan. "Alamin natin kung ano ang nangyari sa asawa mo."
"Pero..." nag-aalanganin siya sa ibig mangyari ni Clara.
"Ay, naku, luwasin na natin aba! Pinakasalan ka niya pagkatapos pababayaan ka na lang. Inabandona ka na kaagad hindi pa man kayo nakapagha-honeymoon," ani Clara.
Nangiti si Laura doon.
"O, baka naman nauna na ang honeymoon bago
kayo nakasal," dugtong nitong tinititigan siya.
"Hoy, hindi, a," tanggi niya na siya namang totoo.
"Puwes, kaibigan, kailangang hanapin na ang
Ricardong iyon," biro nito.
"DALA mo ba ang address?" tanong ni Clara pagsakay nila ng bus.
Tango lang ang isinagot niya. Mabuti na lang at kahit na bantulot ay pinayagan siya ng mga magulang na alamin na nga ang nangyari sa asawa. Dala niya pati ang marriage license nila at natiligin siya sa suot na wedding ring na bagaman simple ay halatang mamahalin. May lungkot na hinaplos niya ito.
Mahaba ang biyahe mula Zambales hanggang
Maynila pero hindi alintana ni Laura. Ang isip niya ay nakatuon sa mabilis na pangyayari sa buhay niya. Tama ba ang ginawa ko? naitanong niya sa sarili. Pati ang damdamin niya para sa asawa ay nakakapagpagulo sa kanya. Mahal niya si Ricardo dahil kung hindi ay hindi siya papayag na magpakasal dito.
Pagdating sa Maynila ay sumakay na sila ng taxi at nagpahatid sa address na iniwan sa kanya ni Ricardo.
Corinthian Garden. Nakasaad sa gate ng malaking subdivision na pinasok nila. Malaki ang bahay na hinintuan mismo ng taxi. Ayon sa driver ay iyon daw ang bahay na pupuntahan nila.
"Ang lalaki naman ng bahay dito, Laura. Nakalulula at ang gaganda," ani Clara sa kanya at
lumapit ito sa doorbell para pindutin.
"T-teka sandali."
"Bakit?" May pagtataka na lumingon sa kanya ang kaibigan.
"K-kinakabahan ako. Hindi ko alam na ganyan kayaman si Ricardo," napatingin siya sa malaking
bahay.
"Bruha. Dapat ka ngang matuwa at sinuwerte ka sa napangasawa mo," ani Clara at pinindot na ang doorbell.
Naka-unipormeng katulong ang nagbukas sa kanila. "Ano ang kailangan ninyo?" tanong nito.
"Dito ba nakatira si Ricardo Gatchanova?" tanong agad ni Clara.
"Oo, dito nga. Sino ba sila?" Ang katulong uli na tiningnan sila mula ulo hanggang paa.
"Pakisabi na nandito si Laura Santos... ang asawa niya." Inis na sagot ni Clara. Napahawak sa braso ng kaibigan si Laura. Kung wala ito'y baka hindi niya kayang pumunta at humarap sa kung kanino mang tao sa mala-palasyong bahay ng asawa.
Kitang-kita sa mukha ng katulong ang matinding pagkabigla bago ito tumalikod. Nang bumalik ito'y pinapasok sila sa loob ng bahay.
"Wow, Laura! Ang yaman pala talaga ni Ricardo," ani Clara nang nakaupo na sila sa salas. Hindi pa rin kumikibo si Laura at nanlalamig ang mga kamay. Napahigpit ang hawak niya sa dalang shoulder bag kung saan naroroon ang marriage license nila ni Ricardo.
Isang matandang babae ang humarap sa kanila.
Maganda pa rin ito sa kabila ng edad. Elegante at
mukhang mayaman talaga.
"Sino sa inyo si Laura?" nakangiting tanong nito sa kanila.
"A—ako po," kiming ngiti ang isinukli niya sa
matanda. "Magandang hapon po."
Naupo ito sa katapat nilang sofa at tinitigan siya bago muling nagsalita. "Ang sabi ng katulong ay may naghahanap daw kay Ricardo na asawa niya," anito. "Hija, I'm sorry, pero walang nababanggit sa akin ang anak ko na nag-asawa na siya."
Nahihiya namang tumingin si Laura sa matanda, abot ang kabang nararamdaman niya. "M-may isang linggo pa lang ho kaming naikakasal. N-nag-aalala lang ho ako dahil mula nang umalis siya pagkatapos ng kasal namin ay wala na akong nabalitaan mula sa kanya," paliwanag niya.
"Taga-saan ka, hija?" tanong ng matanda na matiim ang pagkakatitig sa kanya.
"Taga-Zambales po, sa may San Antonio."
"Pasensiyahan mo na ako, hija, pero mahirap
magtiwala sa panahong ito."
"Teka ho, may dala naman hong katibayan ang
kaibigan ko na asawa nga siya ng anak n'yo," singit ni Clara na hindi na nakatiis.
"Ano ba ang maaari mong patunayan na asawa ka nga ni Ricardo," anang matanda uli. Nanginginig ang kamay na inilabas niya ang marriage license nila at inabot dito.
Ipinaabot pa nito ang salamin sa katulong at tiningnan mabuti ang dokumento. "Pirma nga ito ng anak ko pero ang ipinagtataka ko lang ay wala siyang nabanggit sa akin tungkol sa iyo kapag nanggagaling siya ng Zambales."
"Lumuwas po siya noong nakaraang Sabado
pagkatapos na pagkatapos ng kasal namin. Nag-
aalala lang ho ako kaya napilitan akong lumuwas ng Maynila."
"Wala si Ricardo dito ngayon, hija," anito na inabot sa kanya ang marriage license. "Nasa ospital siya ngayon."
"Ho!" gulat niyang sabi. "B-bakit ho? Ano hong nangyari sa kanya?" nag-aalala niyang tanong sa asawa.
"Naaksidente ang sinasakyan niya noong
nakaraang Sabado pagkagaling sa Zambales. Nawalan ng preno ang kotse niya at... tumama ang ulo niya sa salamin. Hanggang ngayon ay hindi pa siya nagkakamalay," may lungkot na sabi ng matanda. "Nasa ospital siya ngayon."
Hindi naman makapagsalita si Laura, nabigla siya sa ibinalita ng kaharap. Kung ganoon ay naaksidente ang asawa niya kaya pala hindi na ito nakabalik o nakasulat man lang sa kanya.
"P-puwede ko ho ba siyang makita?" aniya sa
matanda na nangingilid ang luha.
"Mayamaya lang ay babalik na akong ospital,
Sumabay ka na," nakangiting sabi ng matanda.
"M-maraming salamat ho, Ma'am," aniya na pinahid ng mga daliri ang luhang naglandas sa pisngi.
"Mama na ang itawag mo sa akin," anang matanda. "Pakiramdam ko ay nagsasabi ka nga ng totoo. Marahil ay ibig lang akong sorpresahin ni Ricardo kung kaya isinekreto niya ang pagpapakasal ninyo. Matagal ko na kasing inuungutang mag-asawa at 'kako ay gusto nang magkaapo."
"MAY NAIS lang akong sabihin sa iyo, Laura, tungkol sa nangyaring aksidente ng anak ko..." wika ng matanda sa kanya nang nasa ospital na sila at patungo sa silid ni Ricardo.
"A-ano po iyon?"
"Nagkaroon ang anak ko ng pansamantalang
pagkalimot o amnesia dahil sa pagkakabagok ng ulo niya sa salamin. Pero unti-unti naman daw ay baka sakaling mabalik na ang alaala niya," naroon ang lungkot sa tinig nito.
Napatingin si Laura sa saradong pintuang hinintuan nila. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit parang kinakabahan siya. Parang isang malaking sorpresa ang naghihintay sa kanya sa muli nilang pagkikita ni Ricardo.
"Halika na sa loob, Laura, at baka sakaling
matandaan ka ng asawa mo," hinawakan siya sa
kamay ng matanda. Napatingin naman siya sa kaibigang si Clara na nakangiting tumango sa kanya.
Nang buksan ng matanda ang pintuan ay natambad sa kanya ang isang lalaki na bagaman halatang nagkasakit ay matipuno pa rin ang pangangatawan at guwapo. Mataman itong nakatitig sa kanya at ganoon din siya dito at ganoon na lang ang pagkamangha ni Laura.
"Ricardo, this is your wife, Laura," pagpapakilala ni Mrs. Gatchnova sa anak at nilingon siya.
Marahil dahil sa pagod sa mahabang biyahe, pag-aalala at tensiyon na nararamdaman ni Laura ng mga oras na iyon ay hindi siya makapagsalita. At bahagya siyang napaurong. Lalo at magkahinang pa rin ang mga mata nila ng lalaki.
Ito si Ricardo Gatchanova. Pero hindi ito ang Ricardo Gatchanova na hinahanap niya at pinakasalan. Hindi ito ang asawa niya. Hindi ito si Ricardo Gatchanova!
Isinisigaw ng isip niya iyon at unti-unti ay para siyang nauupos na kandila...