CHAPTER TWO
PAGMULAT ng mga mata ni Laura ay si Clara ang nabungaran niya.
"Clara...'' aniya nang hawakan siya nito sa kamay.
"Pinakaba mo kaming lahat," wika nito.
"S-si Ricardo... hindi siya ang a-asawa ko,"
naguguluhang sabi niya.
"Ako man ay nagulat din, Laura. Pero hindi na
ako nakapagsalita dahil nawalan ka ng malay."
N-nasaan si Ricardo? Saan natin siya hahanapin?" sumungaw ang luha sa kanyang mga mata.
"Laura, sa tingin ko, ang Ricardo Gatchanova na nasa kabilang silid ay ang tunay at marahil ay nag-iba lang ng pangalan ang Ricardo na pinakasalan mo," mahinang sabi ni Clara.
"H-hindi kita maintindihan, naguguluhan ako,"
tumayo si Laura mula sa pagkakahiga.
"Maaaring puro kasinungalingan ang mga impormasyong ibinigay sa iyo ni Ricardo o kung anuman ang pangalan ng asawa mo."
"B-bakit niya gagawin iyon at—at isa pa, mahal ako ni Ricardo," aniya subalit hindi maiwasang hindi makadama ng pag-aalinlangan sa sinabi. "Ano ang gagawin ko, Clara?" Maiiyak niyang sabi.
"Ang mabuti ay huwag muna nating sabihin sa kanila ang totoo," suhestiyon ni Clara.
Napatingin si Laura sa kaibigan. "Magsi-sinungaling tayo?" Hindi yata niya kayang gawin ang ganoong bagay. Lalo at mabait sa kanila si Mrs. Gatchanova. "Hindi ko kayang manloko ng kapwa, Clara."
"Pero iyon lang ang maaari mong gawin hanggang sa malaman mo kung nasaan at sino ang lalaking pinakasalan mo?" Paliwanag nito.
Napailing siya na nasapo ang ulo. "P-paano kung mabisto nilang nagsisinungaling ako?"
"Hindi naman siguro dahil may dala kang ebidensiya na kasal ka nga kay Ricardo Gatchanova at kung inaalala mo ang totoong Ricardo, malabong mabisto ka dahil ang sabi ng doktor ay may amnesia siya."
"P-pero ...'' bago pa makapagsalitang muli si Laura ay bumukas ang pinto ng silid at pumasok ang nakangiting si Mrs. Gatchanova.
"Kumusta na, hija," lumapit ang matanda sa kanya. "Akala namin ay kung ano na ang nangyari sa iyo. Maging si Ricardo ay nag-aalala."
"M-mabuti na po. Nasobrahan lang ho siguro ako sa pagod sa biyahe."
"Mainam siguro ay makapagpahinga ka na muna," suhestiyon ng matanda.
Nagyayang bumalik sa bahay si Mrs. Gatchanova. Hindi na siya pumasok muli sa silid ni Ricardo Gatchanova dahil ayon na rin sa Mama nito'y nagpapahinga na ang anak at babalik naman sila kinabukasan.
Malaki ang kuwartong pinagdalhan sa kanya
samantalang sa ibang silid naman si Clara. Kumpleto sa kagamitan ang buong silid at malaki ang pabilog na kama at tingin niya ay panlalaki ang pagkakaayos sa buong silid.
"Ito ang silid ni Ricardo," ani Mrs. Gatchanova
nang mapansing natitigilan siya. "Bukas na lang natin iayos para sa iyong panlasa. Masyadong masculine ang pagkakaayos."
"Puwede naman hong magsama na lang kami ni Clara sa iisang silid," aniya na nakaramdam ng hiya at pag-aalangan na sa silid mismo ni Ricardo siya dinala ng matanda.
"Hija, ikaw ang asawa ng anak ko. So, may
karapatan ka na rin sa mga kagamitan niya."
Nakangiting sabi ng matanda. "Natutuwa ako at may mag-aasikaso na sa kanya ngayong narito ka na."
Walang nagawa si Laura. Inilibot niya ang tingin sa magandang silid. Ano ba ang karapatan niyang manatili roon gayong isa lamang siyang impostor. Nanghihinang naupo siya sa gilid ng malambot na kama. Hindi niya malaman kung bakit siya napasok sa ganoong sitwasyon. Kung tutuusin ay puwede na silang umuwi at bumalik na lamang sa Zambales pero hindi niya magawa dahil gusto niyang malaman ang totoo.
PARA siyang namamalikmata habang nakatitig kay Ricard—ang totoong Ricardo Gatchanova. Maging ito man ay matiim ding nakatingin sa kanya. Wari'y pinag-aaralan siya o kinikilalang pilit. Ibig niyang makaramdam ng pagkapahiya dahil sa napakasimple niyang kaayusan. Kung bakit ba naman kasi iniwan sila ni Mrs. Gatchanova.
"Laura," si Ricardo. "Ilang taon ka na?"
"D-disinuwebe," sagot niya na pinanlamigan ang buong katawan.
Nakita niya ang bahagyang pagkunot ng noo nito. "Kailan tayo ikinasal?" muli nitong tanong.
"M-mahigit isang linggo pa lang."
Tumango-tango ang kaharap. "At naaksidente ako sa mismong araw ng kasal natin?"
"O-oo," lihim niyang nakagat ang dila dahil sa
kasinungalingang sabi niya.
"Bakit ako umalis sa mismong araw ng kasal natin?" tanong muli ni Ricardo na tila imbestigador.
"Dahil... dahil may natanggap kang tawag at
kinailangang lumuwas ka ng Maynila sa oras na iyon," at least totoo ang sinabi niya dahil iyon ang paalam sa kanya ni Ricardo.
"Gaano kaimportante ang tawag na iyon upang iwanan ko ang maganda at bata kong asawa?" anito na ikinapamula ng mukha ni Laura. Hindi niya malaman kung ano ang isasagot na kasinungalingan sa kaharap.
Iniwas niya ang mga mata sa lalaki. Natatakot
siyang mabasa nito ang takot sa kanyang mga mata. Bahagyang napangiti si Ricardo. Naguguluhan ito at wala pa ring maalala pero naaaliw ito na malamang asawa nito si Laura. Bata dito ng siyam na taon ang asawa at simple lang at maganda. Hindi malayong nagkagusto itong talaga sa kanya dahil sa mga oras na
iyon ay nakararamdam ito ng atraksiyon kay Laura.
"Natatakot ka ba sa akin?" tanong nito dahil ang layo ng agwat nila samantalang mag-asawa sila at kakakasal lang.
"H-hindi. N-naninibago lang ako," pagsi-sinungaling ni Laura pero sa totoo ay natatakot siya talaga, hindi sa lalaki kung hindi takot na matuklasan nito ang ginagawa niya.
"Can you come a little closer," anito. "Ako pa rin naman ito, iyon nga lang may mga bagay akong hindi matandaan." Bahagya itong ngumiti sa kanya at hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit bigla ang pagkabog ng kanyang dibdib sa simpleng ngiti nito.
Huminga siya ng malalim bago inihakbang ang mga paa palapit sa hinihigaan ni Ricardo. Marahil kung ito talaga ang lalaking pinakasalan niya ay hindi magiging ganito ang lahat.
Inabot nito ang kamay niya para makaupo siya sa kama nito. Sa pagkakadaiti ng mga kamay nila ay nakaramdam kaagad ng tila kuryente at gusto man niyang bawiin ang kamay ay hawak itong mahigpit ni Ricardo.
"You're trembling."
"M-malamig kasi. H-hindi ako sanay sa aircon," aniya para pagtakpan ang totoo.
Napakunot-noo si Ricardo. Alam niyang hindi ito naniniwala sa sinasabi niya pero hindi na ito kumibo. Naipagpasalamat na lang ni Laura nang bumukas ang pinto at pumasok ang doktor nito kasunod ang nurse at si Mrs. Gatchahova.
"CLARA, natatakot ako. Hindi ko na alam kung ano ang mga isasagot ko sa mga tanong ni Ricardo." Ani Laura nang nasa bahay na.
"Ano ang gusto mong gawin? Sabihin na natin sa kanila ang totoo?'
"Hindi ko alam, naguguluhan pa rin ako."
"Alam mo, Laura, mas guwapo si Ricardo kaysa sa pinakasalan mo," ani Clara habang tinitingnan ang picture na nasa frame. "Parang artista talaga at bukod sa mayaman ay mabait pa ang nanay."
"Clara, ano ka ba! Sa halip na damayan mo ako
ay kung ano-ano ang sinasabi mo diyan," bahagyang may iritasyon ang tinig niya.
"Laura, hindi ba gusto mong malaman ang totoo? At isa lang ang paraan—ituloy mo kung ano ang naumpisahan mo na. Isa pa, baka dahil kay Ricardo ay mabigyan mo ng magandang buhay ang pamilya mo sa atin," ani Clara na humarap sa kanya.
Nang gabing iyon ay hindi pinatulog si Laura ng mga alalahanin. Maraming gumugulo sa kanyang isipan. Paano kung magbalik na ang alaala ni Ricardo? Paano kung hindi na niya makita ang lalaking malinaw na nanloko sa kanya. Maiintindihan ba ni Ricardo ang ginawa niya? Higit na bumabagabag sa kanya ay ang damdaming kakaiba na nararamdaman para kay Ricardo sa tuwing nagkakalapit sila. Damdaming hindi niya mabigyan ng pangalan. Sino ba naman kasing babae ang hindi magkakagusto sa isang tulad ni Ricardo Gatchanova?