CHAPTER EIGHT
KINABUKASAN ay nagyayang bumalik ng Maynila si Ricardo. Ang plano nilang pagpunta sa kanyang pamilya ay hindi na natuloy. Si Mrs. Gatchanova naman ay walang kibo. Alam nitong may problema ang anak at minabuti nitong huwag na munang makialam kahit na naguguluhan. Si Clara naman ay nagpaiwan na sa Zambales dahil may kailangan itong ayusin.
Pinipigilan na siya ni Clara na sumama sa Maynila pero hindi siya nagpapigil. Kailangan pa nilang magkausap ni Ricardo at linawin ang lahat dito.
Mula nang dumating sila sa Maynila ay hindi na sa kuwarto nila natutulog ang lalaki. At iniiwasan siya nito. Nasasaktan siya pero kailangan niyang magtiis upang patunayang mahal niya ito.
"So, nandito ka pa rin pala," ani Arvie nang makita siyang nag-aayos ng halaman. "Ang lakas din naman ng loob mo matapos mong lokohin ang lahat ng tao dito."
Hindi niya pinansin ang babae at tuloy lang siya sa ginagawa. Nagsalubong ang mga kilay ni Arvie nang walang reaksiyong matanggap mula sa kanya.
"Sige, magsawa ka na dahil ilang linggo na lang at malapit ka nang mawala dito sa bahay," anito at tumalikod na.
Napasunod ng tingin si Laura sa babae. Sa pananalita nito ay may nalalaman ito at hindi magtatagal ay malalaman na rin ng Mama ni Ricardo ang lahat. Paano pa siya makakaharap at makakatingin sa mabait na matanda? Ibig na naman niyang maiyak pero nagpigil siya.
Nang matapos sa ginagawa'y pumasok siya sa
loob upang makita lamang ang paghalik ni Arvie kay Ricardo. Hindi iilang beses na tila sinasadyang ipakita sa kanya ni Ricardo ang pagiging sweet kay Arvie. Madalas ay nagsu-swimming pa ang dalawa na tila walang pakialam sa kanya. Nasasaktan siya pero wala siyang magawa. Umaasang mapapatawad siya ni Ricardo. Nananangan sa kaalamang minsan ay minahal siya nito at baka sakaling maibalik sa dati ang lahat.
"ILANG araw ka ng hindi naglalabas ng kuwarto," ani Mrs. Gatchanova sa kanya at nakatitig sa kanyang namumutlang mukha. "May sakit ka ba, Laura?"
"W-wala naman po," pilit siyang ngumiti.
"Hija, alam kong may malaki kayong problema ni Ricardo at wala akong karapatang makialam, pero huwag mong kalilimutan na nandito lang ako at kung kailangan mo ang tulong ko ay huwag kang mahihiya." Hinawakan nito ang kamay niya. "Tunay na anak na rin ang turing ko sa iyo. Ikaw ang pangarap kong maging anak na babae."
Malungkot namang napatingin si Laura sa matanda. Sumungaw ang mga luha sa kanyang mata. "P-patawarin n'yo po ako..." aniya na tuluyan ng napaiyak.
"Handa akong makinig, hija," anito na hinimas siya sa likod. "Bagama't alam ko na ang katotohanan, gusto ko pa ring marinig ang side mo. Alam kong hindi mo basta gagawin iyon ng walang sapat na basehan."
Nagtapat siya kay Mrs. Gatchanova. Lahat ng
nangyari mula umpisa hanggang sa magbalik si Wilfred at nahuli sila ni Ricardo. Hindi niya inaasahang mauunawaan siya ng matandang babae.
ISANG araw ay bigla siyang niyaya ng matanda. "Laura, gumayak ka mamayang gabi at may pupuntahan tayo."
"S-saan po tayo pupunta?"
"Tingin ko ay hindi sinabi sa iyo ni Ricardo na
ngayon ang anniversary ng kumpanya at gusto kong sumama ka sa aking dumalo."
Natigilan si Laura. Totoong hindi sinabi sa kanya ni Ricardo iyon bukod sa madalang na lang silang magkita sa bahay.
"Huwag na lang po, Ma," magalang niyang tanggi.
"No, you will go with me. Kahit na ano pa ang
mga nangyari'y asawa ka pa rin ni Ricardo at dala mo pa rin ang pangalang Gatchanova."
Kinagabihan ay suot niya ang evening dress na itim na ibinili sa kanya ng matandang babae. Simpleng ayos lang ang ginawa niya sa sarili subalit hindi maikakailang napakaganda niya.
Sa New World hotel ginanap ang selebrasyon ng anibersaryo ng R.G. Construction at halos lahat ng empleyado ay naroroon. Kapapasok pa lang nila ni Mrs. Gatchanova ay natanaw na sila ni Ricardo, nasa tabi nito si Arvie.
"Halika, hija, at naroroon sila," hindi na hinintay na sumagot siya at hinila na siya palapit sa grupo ni Ricardo.
Nakita niya ang pagkawala ng ngiti sa mga labi ng lalaki. "Good evening, Ma'am," bati ng ilang mga empleyadong nadadaanan nila.
"Good evening, guys," anang matanda. "Are you enjoying the night? Siya nga pala, gusto kong ipakilala sa inyo si Laura."
Ang mga lalaking naroroon ay isa-isang
nakipagkamay kay Laura.
"May maganda pala kayong itinatago, Ma'am," biro ng nagngangalang Aldrin. Napakunot-noo naman si Ricardo na tahimik lang na nakikinig.
Masaya ang party pero hindi nag-i-enjoy si Laura. Masama ang pakiramdam niya na lalo pang nadagdagan sa tuwing nakikita ang hindi na naghihiwalay na si Ricardo at Arvie.
"A penny for your thought?" si Aldrin. "Sa tingin ko'y hindi ka nag-i-enjoy sa party. Want some drink?"
"Thank you, pero hindi ako uminom," tanggi niya dito.
"Ngayon lang kita nakita. Are you related with Mrs. Gatchanova?"
Bago pasiya nakasagot ay lumapit na sa kanila si Mrs. Gatchanova. "O, Aldrin, mabuti naman at may kausap si Laura."
"It's my pleasure na samahan ang kasing ganda ni Laura, ma'am," nakangiting sagot nito na tumingin muli sa kanya.
"Well, well, nandito ka lang pala," ani Mars na lumapit sa kanila. Nagulat pa ito ng makilala siya at pagkuwa'y magalang na bumati kay Mrs. Gatchanova.
"Nice to see you again, Laura. Lalo kang
gumaganda," anito na nakangiti.
"So, magkakakilala na pala kayo," ani Aldrin.
"Yah. Nagkita na kami sa party ni Arvie," ani
Mars. "Wala ka kasi noon. Tuloy hindi mo na-meet ang magandang misis ni Ricky."
Nangunot ang noo ni Aldrin sa narinig. "Misis ni Ricky?" Takang ulit nito sa narinig, sabay baling ng tingin kay Laura.
"Guys, maiwan muna namin kayo at ipakikilala ko lang si Laura sa iba," ani Mrs. Gatchanova na hinawakan na siya at inilayo sa dalawang lalaki. Natutuwa ito sa naging reaksiyon ng lalaki.
"Pare, Laura is Ricky's wife," ani Mars na inakbayan ang lalaki na nakasunod ng tingin sa
papalayong si Laura. "Kaya hindi na puwede ang
pagka-playboy mo," pabirong sabi pa nito at hinampas siya sa tiyan ni Aldrin.
PINAUNA na ni Mrs. Gatchanova ang driver na
naghatid sa kanila, dahil sasabay na lang sila sa kotse ni Ricardo. Sinadya niyang sa hulihang upuan umupo, kung kaya ang matanda ang natabi kay Ricardo.
"Nakakatuwa ang hitsura kanina ni Aldrin nang malaman niyang misis mo si Laura, Ricardo," pagkukuwento ni Mrs. Gatchanova na siyang bumasag sa katahimikan,
Hindi kumibo si Ricardo, natuon lang ang mata nito sa kalsada.
"Guwapo pa rin ang kaibigan mo na iyon at
mukhang matinik pa rin sa babae," patuloy ng matanda. Si Laura ay tahimik lang na nakikinig. Lihim siyang napapatingin sa salamin sa uluhan ni Ricardo. Nakikita niya ang pagkunot ng noo nito.
"Palagay ko nga ay natipuhan si Laura," ani Mrs. Gatchanova.
Napaprenong bigla ang kotse. Kung hindi sila
parehong nakahawak kaagad ni Mrs. Gatchanova ay baka nabukulan sila.
"My God, Ricardo! Dahan-dahan at baka
madisgrasya tayo!" anang matandang babae.
"Sorry, Ma,"sagot nito na pinatakbo na muli ang sasakyan. "May malaking butas kasi sa kalsada."
Hindi na nagsalita pa ang matanda. Tumahimik na rin ito hanggang sa makarating na sila sa malaking bahay. Nauna na itong pumasok at kaagad na ring sumunod si Laura, pero pinigilan siya sa braso ni Ricardo.
"Gusto ko lang ipaalala sa iyo na dala mo pa rin ang pangalan ko kahit peke lang. Kaya ayokong madumihan," tiim-bagang na sabi nito.
Bago pa nakasagot si Laura ay mabilis ng nakaalis ang lalaki. Hindi naman niya napigilan ang pagtulo ng luha.
MEDYO tinanghali siya ng gising ng araw na iyon, Pakiramdam niya ay tinatamad siyang bumangon. Alam, niyang hindi na naman sa silid nila natulog si Ricardo. Napabangon lang siya ng makarinig ng tawanan sa gawing pool. Iinot-inot na bumangon siya at sumilip sa bintana kung saan nakaharap sa malaking swimming pool.
Nakita niya si Arvie na naka-bathing suit na kulay asul at kasama nitong naliligo si Ricardo na naka-swimming trunk na itim. Mukhang masayang-masaya ang dalawa habang nag-uunahan sa paglangoy at hindi maiwasang makaramdam na naman siya ng sakit ng tila ba may bakal na kamay na pumipiga sa kanyang puso.
Lumayo siya sa bintana dahil hindi niya matagalan ang nakikita. Mahal niya si Ricardo pero wala siyang karapatan dito. Asawa ka pa rin niya! sigaw ng isang bahagi ng isip niya. Matapos ang ilang minutong pag-iisip ay nagbihis siya at nagpasyang bumaba. Hindi niya kailangang magmukmok at ipakitang nasasaktan siya.
Nagmukha siyang lalong batang tingnan at fresh na fresh sa suot na pink na t-shirt at printed pink walking shorts. Nagtuloy siya sa kusina para tumulong sa pagluluto ng tanghalian. Inabutan niyang hindi magkandatuto sa pag-aayos si Aling Maring sa pagluluto at kasabay pa sa pagprepara ng meryenda.
"Tutulungan ko na ho kayo," nakangiti niyang sabi bagama't may lungkot sa mata. "Kanino ho ba itong inihahanda ninyo?"
"Dadalhin ko sa pool, ma'am," ang katulong. "Para kina Sir Ricky po at Arvie."
"Ako na lang ang magdadala," at kinuha na ang
tray ng merienda at lumabas patungo sa pool.
TAMANG-TAMA naman na umahon na si Arvie at naiwan si Ricardo sa pool at tuloy sa paglangoy. Naupo ang babae sa silyang bakal at tumingin sa kanya. "Iabot mo sa akin ang juice," utos nito na tila siya katulong. Hind pinansin ni Laura ang babae at kunwa'y hindi narinig.
"Iabot mo sa akin ang juice, ano ba?"
"May kamay ka naman bakit hindi mo abutin?"
sagot niya na tumingin sa gawing pool.
Naningkit ang mga mata ni Arvie. "Kung iniisip mo na maaari pang mabalik ang dating pagtingin sa iyo ni Ricardo, then you will be disappointed. He's mine now. Hindi ka ba nahihiyang ipagpilitan ang sarili mo dito? Hinihintay mo pa bang isampal sa mukha mo ang annulment paper sa kasal ninyo?"
Napabaling muli sa babae ang tingin niya.
"Nagulat ka? What a pity for a mal-educated person like you," anito na nakapagpasiklab ng galit ni Laura. Kinuha niya ang baso ng juice at walang sabi-sabing ibinuhos sa ulo ng babae na kaagad na napatayo at napasigaw.
"Bastos ka! Wala kang pinag-aralan!" Sigaw nito at akma sana siyang sasampalin subalit naunahan niya ito.
"Laura!" Si Ricardo na kaaahon lang.
Kaagad namang tumakbong umiiyak si Arvie sa lalaki. "She slapped me at kung ano-ano ang mga sinabi sa akin," yumakap ito sa lalaki.
Napatitig sa kanya si Ricardo sa galit na anyo. "Hindi mo kailangang bastusin ang mga bisita sa
pamamahay na ito, Laura," mariing sabi nito.
Hindi sumagot si Laura at mabilis na tumalikod bago pa siya maiyak sa harap nito.