1.5; 1.6

12 2 0
                                    

  Sa hudyat ng mga salitang iyon, ay ang unti-unting pagkiliti ng init sa katawan ni Rheyna sa nagbabadyang pagbuhos ng animo’y ilog na naharangan sa pag-agos.

Napatungo na lamang si Rheyna nang dahil sa hindi mapigilang pagbuhos ng kaniyang mga luhang tumirante sa kaniyang mukha. Walang pinapakitang emosyon, basta ay tumutulo ang kaniyang mga luha.

ROGELIO

Hindi man ako perpektong ama, ngunit sana’y malaman mo na ang lahat ng ginagawa ko ay para sa ‘yo rin. Dahil ayaw ko lamang na mahusgahan ka ng mga taong matatagpuan mo habang tumatanda ka. Ako kasi, ay hindi ko na masisigurong masasamahan ko kayong ng dalawa mong ate hanggang sa makapagtapos kayo. Hindi ko na kakayanin, anak.

Doon na hindi napigilang tumayo ni Rheyna at yakapin nang mahigpit ang ama habang umiiyak. Ang lahat ng binigkas ng ama ang nais lamang niyang marinig sa ilang taon na hindi magandang trato sa kaniya nito.

Alam niyang mahal siya ng ama, alam niya ito pero kung wala ang mga salitang ito na kaniyang naririnig, walang magpapaalala o hindi niya malalaman kung para saan itong ginagawa niya.

RHEYNA

Itay! Patawarin mo rin po sana ako. Sa pagiging matigas at sakit sa ulo na ibinibigay ko sa inyo. Hindi ko lang po kasi maintindihan.

ROGELIO

(hinawakan ang ulo ng anak pagkuwa’y hinaplos) Ang ano, Rheyna?

RHEYNA

Ang sarili ko, itay.

ROGELIO

Bakit?

RHEYNA

(isinuksok ang mga mata sa balikat ng ama) Nahirapan po akong makipagpataasan sa aking mga kamag-aral dahil iyon ang nakasanayan ninyo kay ate, na palagi siyang nangunguna, na siya iyong tutulong sa inyo. Gusto ko pong patunayan sa inyo na kaya ko, pero dumadaan ang mga araw na hindi niyo napapansin ang mga nakakamit ko sa paaralan, si ate pa rin ang magaling.

Nabalot silang muli ng kapayapaan. Ganito na ba talaga ang kinahihinatnan ng mga kabataan sa kasalukuyan? Gusto nila, mapansin sila, gusto nila ay sila naman ngunit tama nga bang baliwalain ito?

Ang Buhay ay tila Gulong: Minsan ay nasa Ibabaw, Bahala ka sa Pag-inogTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon