Chapter XCIII: Cooking War! (Part 2)
“Gusto mo akong labanan sa mga kategoryang iyon?” nakangising tanong ni Juego. “Hindi ko mawari kung sadyang mataas lang ang iyong kumpyansa sa sarili o isa kang hangal na gustong magpakitang-gilas. Ginusto mo bang labanan ako sa tatlong kategorya para magkaroon ka ng tsansang manalo? Hmph! Kahit saang kategorya mo pa ako labanan, basta may kaugnayan sa pagluluto ng pagkain o pagtitimpla ng inumin, hindi ka mananalo.”
“Juego. Kailangan mo lang sagutin ang tanong ni Finn Silva kung pumapayag ka sa mungkahi niya. Hindi mo na kailangang magmalaki dahil hindi mo iyon ikapapanalo,” malamig na sambit ni Edmund habang walang emosyon siyang nakatingin kay Juego.
Napatikom muli ang bibig ni Juego dahil sa mga sinabi ni Edmund. Agad na nawala ang kaniyang yabang at para bang isa siyang mabangis na asong bigla na lamang umamo. Nakaramdam siya ng takot dahil sa paraan ng pagtingin nito sa kaniya, ganoon man, pinilit niya pa ring ipakita na mataas ang kaniyang kumpyansa.
“Wala akong problema sa iyong inilatag na paunang patakaran, pero magdadagdag ako ng mga patakaran para masigurong patas ang magiging laban,” sabi ni Juego habang iniiwasan niyang mapatingin kay Edmund. “Dapat ay aktuwal ang mangyayaring pagluluto o paggawa ng inumin. Hindi maaaring gumamit ng luto nang pagkain o gawa nang inumin ang sinoman sa ating dalawa. Hindi naman siguro tama kung ako ay magluluto tapos ikaw ay maglalabas na lang ng luto nang pagkain at gawa nang inumin, hindi ba?”
Tumawa si Finn at tumango-tango siya kay Juego. Inilahad niya ang kaniyang kamay at marahan siyang tumugon, “Natural lang iyon. Hindi patas kung luto o gawa na ang mga ilalaban sa pustahan. Siyempre, kailangan ding masaksihan ng mga manonood at hurado kung paano aktuwal na ginawa ang ating mga lulutuing pagkain at titimplahing inumin.”
Umismid si Juego. Nagdesisyon na siyang lumabas sa kaniyang tindahana at humakbang siya papalapit kay Finn. Nagmamalaki niya itong tiningnan at nanghahamak na sinabing, “Suportado ko ang mungkahi mong higit sa isa ang huhusga sa ating mga lulutuing pagkain at gagawing inumin. Namamangha rin ako sa naisip mong isang mahusay na soul chef ang dapat na tumayong punong-hurado kaya kahit papaano, masasabi kong nag-iisip ka rin naman, Finn Silva.”
Muling tumawa si Finn at pagkatapos, malapad niyang nginitian si Juego. Tinapik-tapik niya pa ang balikat nito at malumanay na sinabing, “Sa ating dalawa, ikaw lang naman ang hindi nag-iisip, Master Chef Juego.”
Agad na sumama ang ekspresyon ni Juego. Muli siyang nakatanggap ng panghahamak mula kay Finn. Ganoon man, mas ikinagagalit niya ang malapad nitong pagngiti sa kaniya. Alam niyang kanina pa siya pasimpleng hinahamak nito, at ang pagiging kalmado nito magmula pa kanina ang dumadagdag sa inis niya.
Nagdilim ang kaniyang ekspresyon. Humigpit ang pagkakahawak niya sa hawakan ng kaniyang kutsilyo habang nanginginig ang kaniyang braso. Bumakat pa lalo ang mga ugat sa kaniyang noo. Gagantihan niya na sana ang panghahamak ni Finn sa kaniya, pero hindi siya nakatuloy dahil muli niyang narinig ang boses ni Edmund.
“Masyado ninyong pinatatagal ang gulong ito dahil sa walang saysay ninyong pagtatalo,” sambit ni Edmund. “Para matapos na ang gulong sinimulan ninyo, tapusin na natin ang paghahanda para sa magaganap ninyong tunggalian. Mas mainam kung tatlo ang magiging hurado at itatalaga ko ang aking sarili bilang isa sa tatlong hurado. Ako na rin ang bahalang maghanap sa dalawa pa para masigurong magiging maayos at patas ang inyong paligsahan.”
Huminto siya sa pagsasalita. Inilibot niya ang kaniyang paningin at sandali siyang nag-isip. Makaraan ang ilang saglit, nagpatuloy siya sa pagsasalita. “Tamang-tama lang dahil kasalukuyang naririto si Senkaku. Siya ang isa sa pinakamatagal nang panauhin ng Heavenly Gourmet Island. Naniniwala ako na karapat-dapat siyang maging hurado dahil regular na siya rito at maayos ang pakikitungo niya sa organisasyon namin. Kilala rin siyang adventurer sa labas ng islang ito. Maganda ang kaniyang reputasyon kaya susubukan ko siyang imbitahan na samahan akong maging hurado.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...