Chapter XCIV

5K 901 55
                                    

Chapter XCIV: Cooking War! (Part 3)

Nang marating nila ang kinaroroonan ng entablado, agad na pinaakyat ni Rian sina Finn at Juego. Pinapuwesto niya na ang dalawa sa dalawang lamesang nakahanda. May mga kagamitan na ring naroroon, pero  pinaalalahanan niya ang dalawa na suriin muna ang mga kagamitan upang makasigurong hindi magkakaroon ng anomalya habang sila ay nagluluto. Sinabihan niya na rin ang dalawa na magplano na para sa isasagawa nilang pagluluto ng pagkain at paggawa ng panghimagas at inumin. Pinaalala niya ito upang pagdating ng mga hurado ay nakahanda na ang dalawa sa paligsahan.

Samantala, habang sinusuri ang mga kagamitang nakahanda sa puwesto niya, hindi maiwasan ni Finn na pagmasdan ang paligid. Napansin niya na napakarami ng mga manonood, at patuloy pa rin ang pagdagsa nf mga ito. Ganoon man, sa halip na mailang ay mas lalo siyang natuwa dahil ito ang gusto niya.

Gusto niyang dumami ang manonood para masiguro niyang kapag nanalo siya, marami ang mamamangha at titingala sa kaniya.

Bago niya ipagpatuloy ang pagsuri sa mga kagamitan, bumaling muna ang kaniyang atensyon sa sa baba kung saan naroroon ang isang lamesa na mayroong tatlong upuan. Nakasisiguro siya na ang lamesa't mga upuang iyon ang pupuwestuhan ng mga hurado. Hindi pa dumarating ang mga ito, pero hindi niya iyon gaanong pinagtuunan ng pansin. Isinantabi niya na muna ang tungkol sa mga hurado at pinag-isipan niya munang mabuti kung ano ang kombinasyon ng mga pagkain, panghimagas, at inumin ang kaniyang gagawin.

Sa totoo lang, mayroon na siyang naiisip. Noong nasa Tower of Ascension pa lang siya, may mga sinubukan siyang lutuin na pagkain at gawin na mga panghimagas at inumin. Nagkaroon siya ng sapat na panahon doon kaya marami siyang nasubukang gawin. At sa kaniyang pag-eeksperimento, may mga pagkain, panghimagas, at inumin na bagay kapag magkakasama. Napakaganda ng kombinasyon ng mga ito kaya nakapagdesisyon na siya na ang tatlong iyon na lang ang kaniyang lulutuin at gagawin.

Hindi niya na rin gaanong iniisip kung ano ang mga lulutuin at gagawin ni Juego. Ang iniisip niya lang ay ang kaniyang pagkapanalo, at wala siyang pakialam kung anoman ang gawin ng kaniyang kalaban dahil ang mahalaga lang sa kaniya ay maipanalo ang pustahan.

Hindi niya gustong mamigay ng libreng sisidlan na yari sa Redmond Crystal. Napakahalaga pa rin sa kaniya ng bawat sisidlan dahil kapaki-pakinabang ito sa kaniya hanggang sa kasalukuyan.

Makaraan ang ilang sandaling paghihintay, nahawi ang mga manonood matapos silang patabihin ng mga kawal. Dumating na si Edmund kasama ang dalawa pang hurado.

Ang isa sa mga kasama nito ay isang napakalaking lalaki, isang napakalusog na nilalang na halos triple ang laki ng isang pangkaraniwang tao. Malapad itong nakangiti habang naglalakad kasunod ni Edmund. Nakatuon din ang tingin nito kay Finn, at hindi kalaunan ay binalingan at tinanguhan nito si Juego.

Ang lalaking ito ay walang iba kung hindi si Senkaku, ang regular na parokyano ng Heavenly Gourmet Island.

Tungkol sa isa pang kasama ni Edmund, isa itong matandang babaeng tao. Simple lang ang kasuotan at hitsura nito. Hindi rin ito makapangyarihan base sa inilalabas na aura ng katawan nito, ganoon man, makikitaan ng pagkamangha ang mga manonood habang tinititigan nila ang matandang babae. Kahit si Senkaku na isang Demigod Rank ay makikitaan ng respeto kapag kinakausap niya ito.

At ang dahilan kung bakit maraming tumitingala rito ay dahil kilala ang matandang babae na ito bilang napakahusay na soul chef sa Heavenly Gourmet Island. Ang pangalan niya ay Levira, at isang pribilehiyo para sa kahit na sinoman na matikman ang kaniyang mga lutuin. Napakahirap na makuha ang kaniyang serbisyo--kahit pa sa mga gaya ni Senkaku na isang Demigod Rank.

Matapos makalapit sa lamesa't mga upuan, inimbitahan muna ni Edmund sina Senkaku at Levira na umupo. Pinaupo niya si Levira sa gitna dahil ito ang tatayong punong-hurado habang si Senkaku ay sa isa pang bakanteng upuan. Hindi rin kaagad siya umupo, bagkus, nagsalita muna siya upang ipaliwanag sa lahat kung ano ang susunding patakaran nina Finn at Juego sa kanilang tunggalian.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon