Chapter XCVIII: Revelation (Part 2)
Sakay ng isang karwahe, magkakasamang nagtungo sina Levira sa sentro ng lungsod ng isla kung saan matatagpuan ang mansyon na tinutuluyan niya. Hindi na pinasama ni Levira si Rian sa kanila. Sinabi niya rito na siya na muna ang pansamantalang gagabay sa grupo nina Finn, at ibabalik niya na lang ang mga ito kapag tapos na silang mag-usap tungkol sa ilang mahahalagang bagay.
Siyempre, hindi tumutol si Rian dahil ang kausap niya ay isang mataas na miyembro ng organisasyon. Nagpaiwan na lang siya sa parke at sinabing hihintayin niya na lang doon ang pagbabalik nina Finn.
Samantala, matiwasay nilang narating ang mansyon ni Levira. Dumeretso sila sa loob at nang makapasok sila sa isang silid, kaagad na nagsalita si Finn.
“Ikaw ang misteryosong lider nina Edmund, tama ba ako?” sambit ni Finn habang seryosong nakatitig sa likod ni Levira. “Hindi ako maaaring magkamali. Ikaw ang namumuno sa organisasyong nangangasiwa sa islang ito.”
Nabigla sina Poll, Meiyin, at Eon dahil sa mga salitang binitawan ni Finn. Agad din nilang tinitigan ang likod ni Levira, at pare-pareho silang malalim na napaisip. Hindi nila napansin ang tungkol sa bagay na ito, at hindi nila maisip kung bakit nasabi ni Finn na si Levira ang misteryosong lider ng organisasyong nangangasiwa sa Heavenly Gourmet Island.
Tungkol kina Faino at Astra, hindi nagkaroon ng pagbabago sa kanilang ekspresyon at tila ba wala silang pakialam sa kasalukuyang sitwasyon.
Sa kabilang banda, dahan-dahang pumihit si Levira at hinarap niya sina Finn. Naroroon pa rin ang bahagyang ngiti sa kaniyang mga labi. Maaliwalas pa rin ang kulu-kulubot niyang mukha at nananatili siyang kalmado sa kabila ng mga sinabi ni Finn.
“Ako ang misteryosong lider ng organisasyon sa islang ito? Gaano ka kasigurado, Finn Silva?” kalmadong tanong ni Levira. “Paanong ang isang matandang mahina na kagaya ko ang iginagalang na lider nina Edmund? Hindi ba't dapat katakot-takot o isang nilalang na may espesyal na pagkatao ang namumuno sa ganitong klase ng lugar?”
Huminga ng malalim si Finn. Taimtim niyang pinagmasdan si Levira, at makaraan ang ilang sandali, makahulugan siyang ngumiti at simabing, “Siguradong-sigurado ako. Nararamdaman kong hindi ka lang isang mahusay na soul chef kagaya ng sinasabi nila. Mayroon pang higit sa iyong pagkatao na hindi mo ipinapakita sa iba. Isa pa..”
“..bakit mo itinatago ang iyong totoong hitsura? Kahina-hinala para sa akin ang ganiyan dahil sa pagkakaunawa ko, itinatago lang ang totoong hitsura kapag mayroong itinatago o pinagtataguan,” dagdag niya.
Agad na bumakas ang pagkabigla sa mukha ni Levira. Nagulat din sina Eon, Meiyin, at Poll. Si Faino ay umismid habang si Astra ay bahagyang ngumiti.
“Akala ko ay hindi mo mapapansin ang pagkukunwari niya. Hindi lang basta hitsura niya ang binago niya dahil maging ang aura niya ay iniba niya. Hindi siya mahina kagaya ng ipinaparamdam ng kaniyang aura, malakas siya, subalit hindi ganoon kalakas kagaya ng mga Demigod Rank na nakausap mo kanina,” nakangising sabi ni Faino.
Natauhan si Levira. Makahulugan siyang ngumiti at malumanay siyang nagwika. “Mayroon kayong matalas na mga mata at pandama. Mukhang nawawalan na ng saysay ang pagtatago ko't pagkukunwari,” lahad niya.
“Hindi na bago sa akin ang ganiyang panlilinlang. Marami na akong nakilala na binabago ang kanilang hitsura at aura kaya hangga't gusto ko, nakakaya ko nang tukuyin kung may gumagamit ng ganiyang panlilinlang,” tugon ni Finn. Matamis niyang nginitian si Levira. Pinagkrus niya sa kaniyang dibdib ang kaniyang mga braso at mahinahon siyang nagpatuloy sa pagsasalita. “Dahil napaamin ka na namin tungkol sa iyong pagtatago ng totoong hitsura at aura, ibig bang sabihin ay tama rin ako sa aking hinala na ikaw ang lider ng organisasyong nangangasiwa sa isla? Isa pa, totoo bang Levira ang pangalan mo?”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...