Chapter CXX: Missing in Action
“Saan ba talaga sila nagpunta?” naguguluhang tanong ni Caesia habang kapulong niya ang iba pang hari at reyna ng Creation Palace. “Maglilimang taon nang hindi nagpaparamdam ang New Order. Wala na rin akong naririnig na kahit anong balita mula sa kanila at para bang naghalo na lang sila na parang bula. Ang huli kong balita sa kanila ay ang ginawang pakikipagtagisan ni Finn Silva kay Juego sa larangan ng pagluluto, at pagkatapos noon, hindi na sila muli pang namataan. Pinasilip ko na ang kanilang santuwaryo, subalit walang kahit anong aktibidad na nagaganap doon. Wala ring balita ang mga warwolf kung saan naroroon ang mga miyembro ng New Order, at noong nagpaimbistiga ako sa ating mga tauhan sa Heavenly Gourmet Island, sinabi nila na wala rin silang alam.”
“Posible kayang nilisan na nila ng tuluyan ang ating mundo? Ito lang ang naiisip kong dahilan dahil para bang napakalayo na ng ating palatandaan sa ating kinaroroonan. Pero, ang tanong ay kung bakit hindi man lang sila nagpasabi? At bakit hindi tumutugon si Finn Silva sa mensaheng ipinadala ko sa kaniya?” sunod-sunod na tanong niya habang mababakasan siya ng kabiguan.
“Hindi gayon ang pagkakakilala natin sa kaniya. Nararamdaman kong hindi pa nila nililisan ang ating mundo dahil sa pagkakatanda ko, interesado si Finn Silva sa hiwaga ng ating mundo at kung ano ang mangyayari hanggang dulo. Marahil nasa isang lugar lang sila ngayon at nagsasanay kaya hindi tayo makabalita ng kahit anong pagkilos mula sa kanila. Malaki ang posibilidad na mayroon silang pinaghahandaang malaking kaganapan kaya hindi pa sila muli nagpaparamdam,” komento ni Iseranni. Positibo ang kaniyang mga sinabi, subalit malaki ang simangot sa kaniyang mukha.
“Kung gayon, ako, si Adlaros Garthon, ay naguguluhan kung bakit hindi tumutugon si Finn Silva sa mensahe ni Reyna Caesia. Bakit hindi man lamang niya sabihin na ayos lang siya at nasa ligtas siyang lugar? Nanghihinayang ba siya na gumamit ng Conveying Sound Inscription para tugunan ang pag-aalala natin sa kaniya at sa kaniyang puwersang pinamumunuan?” pagsingit ni Adlaros. Halatang dismayado rin siya dahil sa biglaang paglalaho ni Finn at ng New Order. At kagaya ni Caesia, bakas na bakas din sa kaniyang mukha ang kabiguan.
“Marahil hindi gano'n ang kaso,” komento ni Nesialora. “Mga kamahalan, hindi natin kailangang madismaya o magtampo kay Finn Silva. Posibleng sobrang abala lang siya kaya wala na siyang oras sa ibang bagay. Marahil nasa ilalim din siya ng malalim na pagninilay-nilay kaya hindi niya natugunan si Reyna Caesia. Dapat nating intindihin na malaking responsibilidad ang tinanggap niya kaya marahil gano'n na lang katindi ang kaniyang pagiging abala sa pagpapaunlad sa kaniyang puwersa,” dagdag niya pa at binigyan niya ng matamis na ngiti ang mga kapwa niya pinuno ng Creation Palace.
“Pero, ang ibang mga tagalabas ay nauungusan na siya. Nag-aalala ako sa kaniya at sa New Order dahil hindi naman siguro lingid sa kaalaman ninyo na marami nang napagtagumpayan ang mga puwersang Ancient Phoenix Shrine at Demonic Snow Empire. Kasama ang iba pang puwersa na mula sa ating mundo, nahanap nila ang ilan sa mga naiwang kayamanan ng Goddess of Space and Time,” saad ni Caesia. “Alam ninyo kung ano ang kayang gawin ng mga kayamanan ng Goddess of Space and Time... partikular na ang mga kayamanan na kayang magpabagal ng oras,” seryosong lahad ni Caesia. “Nariyan pa ang adventurer na nagngangalang Zelruer. Matunog na rin ang kaniyang pangalan at dumarami na rin ang mga naninirahan sa Land of Origins na sumusumpa ng katapatan sa kaniya. Higit pa roon, ang mga dragon sa mundong ito ay bigla na lamang sumumpa ng katapatan sa isang misteryosong tagalabas, at ang kanilang ginawa... kahit ako ay hindi makapaniwala na magagawa nila iyon nang ganoon na lamang.”
“Dahil sa pagkawala ni Finn, at dahil huminto siya sa pakikipag-agawan ng mga oportunidad sa ibang tagalabas, nakuha ng iba ang mga oportunidad na posible sanang mapasakamay niya. Malaki sana ang maitutulong noon sa kaniyang puwersa, pero bigla na lang siyang tumigil sa pakikipagsapalaran matapos manumpa ng katapatan sa kaniya ang Water Celestial Tribe. Masyado ba siyang nakampante, o talagang mayroong...” napailing na lang siya at hindi niya na naituloy ang kaniyang sinasabi.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)
FantasySynopsis: Ang mga pangyayari sa Land of Origins ay nagsisimula nang maging kapana-panabik. Naglilitawan na ang mga naiwang kayamanan at pamana ng mga totoong diyos, at sa mas pinaigting na kompetisyon sa pagitan ng mga tagalabas, nagbabadya ang isan...