Chapter CXXII

5.3K 832 24
                                    

Chapter CXXII: The Rematch

Halata ang pagkabigla sa ekspresyon ni Eaton matapos niyang marinig ang gustong mangyari ni Finn. Naguguluhan siya, at hindi niya lubos na maunawaan kung bakit bigla na lamang itong humiling ng isang bagay na hindi niya inaasahan. Napahinga na lang din siya ng malalim at hindi niya napigilan ang kaniyang sarili na kumpirmahin ang gusto ng kanilang panginoon. Ibinuka niya ang kaniyang bibig at taimtim na ekspresyong nagtanong. “Talaga bang... iyan ang gusto mong mangyari, Panginoong Finn? Kung dahil iyon sa nangyari noon, buong akala namin ay--”

“Ang aking hinihiling ay walang kinalaman sa nangyari noon, Eaton. Dahil ang nangyari noon ay hindi ko kailanman dinamdam kaya huwag mong isipin na nagtanim ako ng sama ng loob kay Kaimbe,” putol ni Finn sa sinasabi ni Eaton. “Ang rason kaya gusto kong magkaroon muli ng laban sa pagitan namin ni Kaimbe ay dahil gusto kong subukin ang kaniyang lakas ngayon. Nais kong malaman kung gaano na kalaki ang kaniyang iniunlad at gusto kong aktuwal na subukan ang kaniyang kakayahan sa paggamit ng mga water celestial skill na itinuro ko sa inyo. At kung nahihiwagaan ka kung bakit siya ang pinili ko, simple lang: ang rason ay dahil pareho kaming nasa Abyssal Saint Rank at dahil ayon sa inyong lahat, siya ang pinakatalentadong water celestial sa inyong tribo,” dagdag niya.

Tama. Kagaya ni Finn, si Kaimbe ay isa na ring ganap na Abyssal Saint Rank. Napakabilis din ng kaniyang pagpapataas ng antas at ranggo. Mula Chaos Saint Rank ay naabot niya agad ang Abyssal Saint Rank kahit na hindi niya sobrang naituon ang kaniyang atensyon sa pagpapadalubhasa sa kapangyarihan niya ng espasyo. Dapat malaman na iginugol niya ang halos kalahati ng kaniyang pamamalagi sa Tower of Ascension sa pag-aaral at paghahasa sa mga water celestial skill na itinuro ni Finn. Pero sa kabila nito, nagawa niya pa ring maabot ang Abyssal Saint Rank--patunay lang ng kaniyang pagiging hindi pangkaraniwan sa mga hindi pangkaraniwan.

Kahit si Finn ay namangha nang sobra matapos niya itong malaman mula kay Firuzeh. Nalaman niya na sa lahat ng mga water celestial, si Kaimbe ang nagpamalas ng kamangha-manghang talento at potensyal. Oo, hambog ito at sobra ang taas ng tingin sa sarili, pero ang determinasyon nitong maging makapangyarihan ay hindi matatawaran.

Sa hanay ng mga water celestial, may mga mas malakas pa rin kay Kaimbe. Nariyan sina Eaton at Orwell ganoon din ang mga nasa rurok ng Abyssal Saint Rank. Ganoon man, hindi magtatagal ay mahihigitan din sila nito lalo na kung magpapatuloy ito sa pagsusumikap.

Hindi talaga biro ang talento at potensyal na mayroon ito, at sa tingin ni Finn, kung mabibigyan pa ito ng pagkakataon na makapagsanay nang hindi naaabala ay magagawa na nitong malikha at makontrol ang kaniyang mundo para maabot ang Demigod Rank.

Samantala, bahagyang ngumiti si Finn kay Eaton. Tumingin siya sa likuran kung saan nakaluhod sa kaniyang direksyon ang ibang water celestial at sandali niyang sinulyapan si Kaimbe bago niya muling ibinalik ang kaniyang tingin sa kaharap niya. “Siya ang may pinakamalaking potensyal kaya sa tingin ko, siya ang makapagbibigay sa akin ng magandang laban at siya ang makapagpapakita sa akin ng malaking pag-unlad sa paggamit ng mga water celestial skill. Hindi ko minamaliit ang ibang Abyssal Saint Rank sa inyo, ito sana ang hindi ninyo bigyan ng maling pakahulugan. Talagang siya lang ang napili ko dahil medyo malapit ang edad namin sa isa't isa habang pareho kaming nasa Abyssal Saint Rank. ”

Hindi kaagad nakatugon si Eaton. Sandali niya munang pinagmasdan si Finn at nang makapag-isip-isip siya, ibinaling niya ang kaniyang tingin sa kaniyang likuran. Seryoso niyang tiningnan si Kaimbe at marahang sinabing, “Narinig mo ang gustong mangyari ni Panginoong Finn, Kaimbe. Mayroon ka bang lakas ng loob na labanan siya at ipakita sa kaniya ang iyong mga natutunan sa mga nakalipas na taon?”

Dahan-dahang itinaas ni Kaimbe ang kaniyang ulo. Seryosong-seryoso ang kaniyang ekspresyon at walang mababakas na emosyon sa kaniyang mga mata.

“Malaking kasalanan na labanan ang ating hari, subalit mas malaking kasalanan kung susuwayin ko ang kaniyang hinihiling. Karangalan na ako ang kaniyang napili, at dahil ang kaniyang utos ay hindi mapag-aalinlanganan, gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para masigurong maibibigay ko ang magandang laban na kaniyang gusto.” Seryosong-seryoso ang pagkakasabi ni Kaimbe sa mga katagang ito, subalit mababakas sa tono ng kaniyang pananalita ang matinding respeto kay Finn.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon