Chapter CXXIX

5.1K 874 85
                                    

Chapter CXXIX: Reformation of Divisions of Imperial Armies

Kasalukuyang nakaupo si Finn sa isang malaking bato habang hinihintay niya na makompleto ang lahat ng miyembro ng New Order. Kasama niyang nakapuwesto sa bato sina Auberon, Firuzeh, Eon, Meiyin, at Poll habang nasa baba niya sina Erwan, Hugo, Criselda, Riyum, Enox, ang mga Marren, at ang grupo ng Dark Crow. Hindi na siya nakikipagkuwentuhan dahil kakaunti na lang ang kanilang hinihintay at maaari na nilang simulan ang kanilang pagpupulong patungkol sa repormasyon ng Divisions of Imperial Armies.

At habang pinanonood ang pagdagsa at paghanay ng mga miyembro, bigla na lang gumuhit ang pagkagulat sa kaniyang ekspresyon. Napatayo siya. Napatingin siya sa kaniyang mga kasama at nananabik na sinabing, "Nagsisimula na! Nakuha ko na ang hudyat, at sa kasalukuyan, ang huling hamon ng Land of Origins para sa mga tagalabas ay nagsisimula na!"

Nanabik din ang ilan matapos nilang marinig ang mga sinasabi ni Finn. Ang kanilang pinakahihintay ay nagsisimula na, at hindi na sila makapaghintay na malaman kung ano iyon dahil iyon ang dahilan kaya sila sumailalim sa matinding pagsasanay.

Agad na itinanong ni Meiyin kung ano ang nilalaman ng mensahe, pero hindi siya direktang sinagot ni Finn.

"Ipaliliwanag ko rin sa inyo kung ano ang mga bago kong nakuhang impormasyon. Pero sa ngayon, mayroon muna akong kukumpirmahin at gagawin sa labas ng Myriad World Mirror. Babalik ako agad at sa pagbabalik ko, inaasahan kong kompleto na sila at nakahanay na lahat," saad ni Finn at kaagad niyang binuksan ang lagusan palabas sa Myriad World Mirror.

Pagkalabas niya, hindi niya kaagad naisara ang lagusan dahil sabik na sabik niyang inalam kung mayroon bang nagbago sa kaniya ngayong nakatapak na muli siya sa Land of Origins. Ganoon man, matapos ang ilang segundo, wala siyang naramdamang pagbabago sa kaniyang katawan kaya mas lalo siyang nanabik at nasiyahan.

Walang nagbago sa kaniya. Sa madaling sabi, hindi na nalilimitahan sa 9th Level Heavenly Supreme Rank ang kaniyang antas at ranggo! Nananatiling nasa Abyssal Saint Rank ang kalidad ng kaniyang aura. Wala na ang restriksyon ng kalangitan sa mga tagalabas kaya malaya niya nang magagamit ang buong lakas niya sa Land of Origins!

Ito ang isa sa mahahalagang impormasyon na nalaman niya mula kay Elvira. Isa itong magandang balita para sa kanila, ganoon man, masamang balita rin ito dahil ang ibig sabihin lang nito ay hindi na rin nalilimitahan ang antas at ranggo ng mga taga-divine realm na kasalukuyang nasa Land of Origins. Maaaring puntiryahin sila ng mga taga-divine realm na nakikita sila bilang malaking banta, pero isa ito sa mga hindi niya gaanong pinagtutuunan ng pansin ngayon. Mayroon na siyang lakas ngayon para protektahan ang kaniyang sarili, at mayroon pang mga Demigod Rank at Saint Rank siyang kakampi kaya kumpyansa siyang makakaya nilang lumaban kung sakaling mayroong pumintirya sa kanila na taga-divine realm.

Sa ngayon, ang mas kailangan niyang bigyang pansin ay ang huling hamon ng Land of Origins.

Isinara na ni Finn ang lagusan. Ibinaling niya ang kaniyang tingin sa clone niyang walang kibo at kasalukuyan pa ring nakaupo sa damuhan. Hindi ito isang Abyssal Saint Rank katulad niya dahil noong ginamit niya ang Perfect Cloning Pill, nasa Abyssal Immortal Rank pa lang siya. Ganoon man, hindi iyon problema sa kaniya dahil may magandang plano na siyang naiisip para rito.

Makahulugan siyang umismid at malumanay na sinabing, "Tingnan natin kung mayroong mahuhulog sa panlilinlang na binabalak ko."

Kaagad niyang inutusan ang kaniyang clone. Sinamahan niya ito sa kinaroroonan ng Reflecting Barrier Formation, at pinalabas niya ito sa santuwaryo. Matapos niya itong gawin, bumalik siya sa sentro ng isla. Binuksan niya ang lagusan ng Myriad World Mirror at papasok na sana siya muli sa kaniyang mundo, pero bago iyon, naglabas muna siya ng dalawang Conveying Sound Inscription. Naalala niyang nagpadala ng mensahe sa kaniya ang Creation Palace at ang Warwolf Clan kaya tumugon muna siya sa mga ito at sinabi niyang kasalukuyan pa rin siyang nasa Land of Origins at naghahanda na sila para sa huling hamon.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon