Keifer
Nakarating kami sa isang coffee shop kung saan naroroon si Shina. Kalong-kalong niya si Dama at maingat niya itong pinapakain ng cake. Sa sobrang abala ni Shina ay hindi niya kami halos napansin na dumating. Kung hindi pa itinaas ni Dama ang mga kamay niya para magpakuha kay kuya Damian ay baka hindi niya pa mapansin na kanina pa kami rito sa kinatatayuan namin.
"Anong balita kay Keifer-" nahinto si Shina nang makita ako sa gilid ni kuya Damian. Agad nagbago ang ekspresiyon sa mukha niya at mabilis na nagsalubong ang mga kilay.
"Akala ko ba titingnan mo lang kung makakauwi nang maayos si Keifer dahil nakita mo siya kaninang dumaan pero bakit mo kasama ang isang 'yan dito ngayon?" masungit niyang patutsada sa amin. Halos bumaliktad na ang mga mata niya kakairap sa akin.
Bigla tuloy akong nanliit dahil sa inasta niya. Taliwas ito sa inaasahan ko. Siguro ay masiyado lang akong na-overwhelm sa saya na meron kami kanina ni kuya Damian kaya halos isantabi ko na ang ideyang ganito ang ugali ni Shina.
Lumapit si kuya Damian sa kaniya at saka niya binuhat si Dama mula sa pagkaka-kalong nito sa mga hita ni Shina.
"Sinabi ko na lahat sa kaniya. Mula sa set up natin, pati na rin ang katotohanan tungkol kay Dama at sa mga magulang niya. Kung ano ba ang totoong relasiyon natin. Nilinaw ko na sa kaniya ang lahat pero sa tingin ko, oras na para sabihin mo ang totoo kung bakit nagpanggap tayong mag-asawa sa harapan niya," malumanay na sabi ni kuya Damian sa babaeng nakaupo sa gilid niya.
Kitang-kita ng mga mata ko kung paano unti-unting naging malumanay at kalmado si Shina. Nilingon niya ako at muling nagtagpo ang aming mga mata. Noong mga sandaling 'yon ay para bang ibang bersiyon ng Shina ang kaharap ko, malayo sa babaeng madalas na nakataas ang kilay sa akin.
"Maupo ka muna," sabi niya sa akin kaya naman sinunod ko ang gusto niyang mangyari.
Naupo ako sa upuan kaharap niya. Si kuya Damian na lang ang natirang nakatayo dahil dala-dala niya si Dama sa kaniyang malalaking bisig. Lahat sila ay nasa kabilang panig ng kinalulugaran ko at kung titingnan sila mula sa perspektibo ko, lalo na kung hindi ko sila kilala, masasabi kong napakaganda nilang tingnan. Mukha talaga sila isang buong pamilya. Nakakainggit.
"Mahal kita, Keifer," paalala sa akin ni kuya Damian kaya muli akong nabalik sa reyalidad.
"H'wag mo kaming tingnan ng ganiyan. Gusto mo bang ulitin ko sa 'yo lahat ng mga sinabi ko kanina?" nakangiting sabi sa akin ni kuya Damian. Ganoon na lang ba ka-visible sa mukha ko kung ano ang mga tumatakbo sa 'king isipan?
Malaking parte ng puso ko ang nakaramdam ng saya mula sa salitang sinabi niya. Simula nang magtapat siya sa akin kanina, palagi niya akong binibigyan ng assurance. Lagi niyang pinapamukha sa akin na mahal niya ako. Miski noong nakasakay kami sa tricyle ay hindi niya man lang binitawan ang kamay ko. Talagang pinararamdam niya sa aking mahal niya ako. Napaka-swerte ko naman yata ngayon?
"H'wag kang mag-alala, Keifer. Wala kang dapat ika-selos," huminto si Shina at saka marahang tumawa. Kung ganito ang ugali na pinakita niya sa akin noon ay baka mas naging matalik kaming magkaibigan ngayon at hindi ko na kailangan pang maramdaman itong kaunting inis sa kaniya sa tuwing sinusungitan niya ako.
"Siguro ay inis na inis ka na sa akin sa tuwing sinusungitan kita. Gusto ko munang humingi ng pasensiya sa 'yo dahil sa inakto ko noon. Sinubukan lang kita dahil gusto kong makita ang totoong ugali mo. Sinubukan kong palabasin ang galit sa puso mo pero mukhang nakita ko na kung sino ka talaga at hindi ako nabigo sa balak kong mangyari dahil nalaman ko kung anong klase ka ng tao. Sabi ko kay Damian noon sa tuwing kinu-k'wento ka niya sa akin ay napa-swerte niya, ngayon mukhang babawiin ko iyon dahil mukhang mas swerte ang malaking bakulaw na ito sa pagkakaroon ng isang katulad mo." Hinawakan ni Shina ang mga kamay kong nakapatong sa ibabaw ng lamesa. Ngumiti siya sa akin ag bahagyang pinisil ang mga kamay ko.
BINABASA MO ANG
SEKYU 1 (BL) Completed
General FictionCOMPLETED Alam ni Keifer na malaki ang posibilidad niyang matalo sa laro ng pag-ibig oras na pasukin niya ang buhay ni Damian, isang sekyu sa katabi nilang subdibisiyon. Sadiyang makulit siya at hinayaan niya pa rin ang pusong mahulog ng husto sa mg...