Kabanata 47

100 2 0
                                    


Kabanata 47

"Mommy, iiwanan na ba natin si Daddy? Bakit tayo aalis?" Inosenteng tanong ng batang si Kali sa ina.

Ngumiti ng hindi abot sa tenga ang Mommy niya saka ito naupo sa gilid. Nung mga oras na iyon ay tutok na tutok si Kali sa mukha ng kanyang ina. Hindi niya maintindihan kung bakit putlang putla ito at wala ng buhok.

Ilang araw na niyang napapansin ang unti unting pagkawala ng buhok ng kanyang Mommy. Palagi rin itong nasa kama nakahiga at tila yata hinang hina. Ang alam niya ay nilalagnat lang ito base na rin sa sabi ng kanyang katulong nila pero hindi naman niya inakala na aabot sa puntong halos maging buto't balat na ang pangangatawan nito at manghihina.

"Hindi ba naikwento ko na sayo na hiwalay na kami ng Daddy mo?"

"Hindi niyo na ba love ang isa't isa?"

Hinawakan nito ang kamay niya at marahang pinisil.

"Mahal ko ang Daddy mo pero kasi..."

"Pero?"

"Ayokong itali ang Daddy mo habang buhay sa akin. Ayokong habang buhay kong ilalayo sakanya ang kasiyahan niya. Sapat na sa akin na ibinigay ka niya sa akin bilang anak namin."

Hinaplos nito ang mukha niya ngunit hindi nakaligtas sakanya ang pagdaan ng lungkot sa mga mata nito.

"Mommy, ano pong ibig niyong sabihin?"

"Kali, bata ka pa---"

"May iba ka na po bang mahal at hindi na si Daddy ganun po ba? " Nangilid ang kanyang mga luha at hinablot ang kamay mula dito.

"Kali, makinig ka sa akin" malumanay at pagod na pagod ang boses ng Mommy niya pero hindi siya nakinig.

"Ayoko. Ayokong umalis dito gusto ko complete tayo Mommy. Mahirap ba iyon?"

Pinunasan ng kanyang ina ang kanyang mula luha sa pisngi. May lungkot sa mga mata nito nang makita siyang nasasaktan. Mahirap para sa Mommy niya na ipaintindi ang lahat dahil masyado pa siyang bata.

"Hindi na nga mag-asawa ng Daddy mo. Tapos na ang relasyon namin at alam kong hindi mo ako maiintindihan sa ngayon pero balang araw...baka sakali maiintindihan mo din ang lahat ng ito at matanggap mo."

"Mommy, ayoko nga."

"Kali, nahihirapan ako. Hindi mo ba nakikita? Ayoko na. Pagod na pagod na ako. Isa pa nangako ako sa Daddy mo na ibibigay ko sakanya ang kaligayahan niya pagkatapos ng maraming taon na nakatali siya sa akin. Hindi rin naman ako magtatagal. Mamatay rin naman ako..." humina ang boses ng kanyang ina sa panghuling sinabi nito.

Gumuho ang mundo ni Kali nang sandaling narinig niya mula sa labi nito ang isang bagay na kinakatakutan niyang marinig mula dito.

Ilang beses siyang umiling biglang pagpapakita sa kanyang ina na hindi niya gusto ang sinasabi nito.

"Sumama ka sa akin, please. Gusto kong masulit ang mga nalalabi kong araw na kasama ka anak. Dahil alam kong hindi na kita masasamahan sa paglaki mo."

Iwinaksi niya ang kamay ng kanyang ina nang akmang hahawakan na siya nito sa braso sabay takbo ng mabilis. Kahit nahihirapan ay sinundan siya ng Mommy niya nahawakan nito ang stuffed toy niyang hawak nung malapit na siyang makalabas sa pintuan dahilan upang mapatigil siya at hindi nakalabas.

Nakipag-agawan siya sa laruang hawak ng kanyang ina. Hindi niya matanggap ang sinabi nito. Hindi niya kakayanin na iwan nila ang ama kung kaya't magmamakaawa siya sa kanyang ama na pigilan ang desisyon ng Mommy niya.

The Mayor's DaughterTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon