Chapter CXXXIV

5.3K 905 49
                                    

Chapter CXXXIV: Joining the Fray; Complete Chaos

Napatulala sina Finn at Eon sa ginawang pagluhod nina Loen at Leonel. Nabigla rin sila sa gustong mangyari ng dalawa, at hindi nila maisip kung bakit bigla na lamang humiling ang mga ito na tanggapin sila muli. Gustong magligkod muli ng dalawa kay Finn. Labis niya itong ipinagtataka dahil noon, pinili ng mga ito na sumama kay Grogen at sa kasalukuyan, ang mga ito ay kasa-kasama nito sa pakikipagsapalaran.

Isa pa, bakit sa kaniya sasama ang dalawa ganoong mas kailangan sila ngayon ni Grogen? Makikipag-agawan ito ng trono kaya kailangan nito ng mga kakampi--lalo na ng mga mapagkakatiwalaang kakampi.

‘Mayroon bang nangyari? Hindi ko maunawaan kung bakit gusto nilang bumalik na lang bigla sa paglilingkod sa akin...’ sa isip ni Finn. Kumalma muna siya. Seryoso niyang tiningnan ang dalawa at malumanay na nagtanong, “Ngayong mayroon na siyang makakasama, mukhang itinaboy niya na kayo. Pinili n'yo siyang samahan kaysa sa akin, at hindi ko kayo sinisisi noon, ano'ng dahilan bakit kayo bumabalik sa akin?”

“Hindi gano'n ang nangyari, Master,” agad na tugon ni Loen. “Gusto niya kaming manatili. Gusto niya kaming gawing heneral, pero kami ang pumili na umalis at bumalik sa tabi mo dahil gusto naming ipagpatuloy ang naudlot naming misyon. Nakiusap kami sa kaniya na kailangan na naming umalis para ipagpatuloy ang misyon na ibinigay niya sa amin noong mga Green Lone Wolf pa lang kami.”

“Ang tangi naming misyon ay maglingkod sa iyo. Pinili lang naming samahan noon si Kagalang-galang na Grogen dahil kailangan niya kami. Pero ngayon, marami na siyang maaasahan at malalakas na kakampi. Maaari na namin siyang iwanan at maaari na kaming bumalik sa iyo kaya pakiusap, Master. Tanggapin mo kami ulit at nangangako kami na kailanman ay hindi ka namin tatalikuran at pagtatrayduran!” tila ba nagmamakaawang lahad ni Loen.

Napahinga ng malalim si Finn. Nakikita niya kay Loen na sinsero ito sa kaniyang mga sinasabi, at noong tumingin siya kay Leonel, napangiwi siya at bahagyang napaatras dahil nakita niyang umaagos ang luha nito. Umiiyak ito na para bang bata, at tumutulo pa ang sipon nito kaya mas lalo siyang napangiwi.

‘Hindi pa rin talaga sila nagbabago... Kahit na nagalit ako sa kanila noon dahil sa ginawa nilang pakikipagsabwatan kay Grogen, hindi rin naman nagtagal ang galit ko at agad ko silang napatawad sa puso't isip ko,’ sa isip na lang ni Finn.

Umayos siya ng pagkakatindig. Inilahad niya ang kaniyang kamay, bahagya siyang ngumiti sa dalawa, at malumanay siyang nagsalita. “Hindi ko kayo kailangan bilang alipin, at hindi ko kayo itinuring na alipin dahil kayong tatlo ay itinuturing kong pamilya. At kung nais ninyong bumalik, malaya kayong bumalik, pero sana, sa pagkakataong ito ay manatili na kayo dahil kailangan ko kayo para mapagtagumpayan ang mga hangarin ko,” aniya.

Agad na nagliwanag ang ekspresyon nina Loen at Leonel. Dahan-dahang gumuhit ang ngiti sa kanilang mga labi at halatang-halata ang pananabik sa kanilang mukha. Hindi nila lubos-akalain na magiging ganito kabilis ang pagtanggap sa kanila ni Finn. Akala nila ay kakailanganin pa nilang patunayan ang kanilang sarili, subalit hindi na pala dahil kaagad sila nitong tinanggap na para bang wala silang nagawang kasalanan.

Isa pa, labis na saya ang nararamdaman nila dahil hanggang ngayon, hindi alipin ang turing sa kanila ni Finn--pamilya. Sa kabila nito, ituturing pa rin nila itong master, at kahit pa buhay nila ang maging kapalit, poprotektahan nila ito sa abot ng kanilang makakaya.

Habang nasasaksihan ang mga pangyayaring ito, hindi mapigilan ni Eon na makaramdam ng galak. Isa ito sa mga pangyayaring labis na nagbigay sa kaniya ng kasiyahan. Matagal niya nang gustong mangyari ang kaganapang ito kung saan makokompleto na muli ang kanilang pamilya. Magkakasama na nilang magagawa ang kanilang misyon--ang protektahan si Finn hanggang kanilang kamatayan.

Legend of Divine God (Vol 15: The Divine Prophecy)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon