Broken Vessel

582 41 9
                                    



"I am forgotten like I'm dead. I have become a broken vessel..." — The Bible, Psalm 31:12


"Hi, Kuya Froi!"

Si Queenie yon, kaibigan at kaklase ng nakababata kong kapatid na si Feline. Magkasama na naman sila nang dumating sa bahay.

Madalas noon, sa bahay namin tumatambay si Queenie. Nanonood sila ng movies, nag-i-internet, o kaya naman ay nagdadaldalan lang. Wala kasing kasama si Queenie sa kanila sa hapon pagkauwi namin galing sa school. Pareho kasing empleyado ang mga magulang niya at gabi na kung umuwi. Kaya madalas, nandoon siya sa amin.

High school pa lang kami noon. Fourth year ako at second year naman sila. Sa parehong school kami pumapasok kaya madalas kaming nagkikita ni Queenie. Madalas nga, parang sinasadya niya talaga na magkita kami. Hindi naman mahirap gawin 'yon. Sabay kasi ang recess namin pati ang oras ng pagpask at pag-uwi.

Matagal ko nang alam na may crush sa akin si Queenie. Iba kasi siya kung makatingin saka makangiti sa akin. Obvious na obvious, 'ika nga. At tuwing may okasyon, lagi siyang may regalo para sa akin. Wala siyang pinapalampas na okasyon para doon.

Sa totoo lang, wala akong gusto sa kanya. Oo nga, maganda siya, mabait, at kaibigan siya ng kapatid ko, pero hindi talaga tumitibok ang puso ko sa kanya noon. Hanggang kaibigan lang ang kaya kong ibigay na pagtingin sa kanya. Pero kung iisipin ko nang mabuti, sinasamantala niya naman lagi ang pagtingin kong ganon.

"Punta ka sa bahay, Kuya Froi," sabi niya isang araw. "May handaan doon."

"Bakit?" tanong ko. "Anong meron?"

Humawak siya sa braso ko at sumimangot na parang nagtatampo. "Ikaw talaga, Kuya. Nalimutan mo na naman..."

"Ang alin? Ano bang meron ngayon?"

"Birthday ko ngayon. Hindi mo naman tinatandaan eh..."

Nalimutan ko nga. Nakakaramdam ako ng sumbat ng konsensya ko. Kaibigan siya ng kapatid ko. Magkakilala kami mula pa noong mga bata pa kami. Pero birthday niya lang, nalilimutan ko pa.

"Uy, sorry," paghingi ko ng paumanhin. "Nalimutan ko. Ang dami ko kasing iniisip..."

"Ganyan ka naman eh," pagtatampo niya pa. "Balewala naman talaga ako sa yo..."

"Ito naman. Nalimutan ko talaga. Sorry na."

"Sorry ka diyan. Wala, ganyan ka talaga..."

"Ano bang pwede kong gawin para makabawi ako sa yo?"

Bigla siyang yumakap sa kin. "Ganito na lang," sagot niya. "Birthday ko naman."

At wala na akong nagawa kundi ang yakapin din siya.

Lumipas ang mga araw at natapos ang school year na 'yon. Graduation ko na sa high school at pagkatapos ng summer ay sa Maynila na ko mag-aaral. Sa isang dormitoryo ako titira, palibhasa halos limang oras ang biyahe papunta sa university na papasukan ko mula sa amin sa Zambales.

"Congrats, Kuya Froi," bati sa kin ni Queenie. Katatapos noon ng graduation program namin at tapos na akong batiin ng mga kaklase ko at ng ibang mga kakilala ko na nandoon.

"Thank you," sagot ko sa kanya.

Inabot niya sa kin ang isang regalo. "Para sa 'yo," sabi niya.

"Thank you. Ano 'to?"

"Simpleng regalo lang. Sana magustuhan mo."

Natuwa naman ako kahit papano. "Ang dami mo nang regalo sa 'kin. Nahihiya na 'ko sa yo."

Broken VesselTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon