Ang Bariles ng Amontillado

5 0 0
                                    

Sa abot ng aking makakaya ay pinasan ko ang libong pasakit na idinulot sa akin ni Fortunato. Nguni't nang ako'y pinangahasan niyang maliitin, isinumpa kong ako'y maghihiganti. Kayo man, na lubos na batid ang likas kong pagkatao, ay hindi magpapalagay, gayunman, na magsasalita ako tungkol sa aking pakay. Kalaunan, ako ri'y maipaghihiganti; ang bagay na ito'y tiyak na. Subali't hinahadlangan ng katiyakang ito ng aking pasya ang panganib na maaari kong sapitin. Hindi ko lamang kailangang magparusa, kundi magparusa nang walang pananagutan. Ang isang pagkakamali ay hindi maitatama kung ang parusa ay sumapit sa naghihiganti. Sa katulad na paraan ay hindi ito maitatama kung hindi maipadarama ng taong naghihiganti ang pasakit na ginawa sa kaniya ng taong nagkamali.

Dapat maunawaang maigi na sa salita man ni sa gawa ay hindi ko paanuman nabigyan si Fortunato ng dahilan upang pagdudahan ang aking kabutihang-loob. Nagpatuloy ako, gaya ng dati, na ngumiti sa kaniyang harapan, at wala siyang kamalay-malay na ang aking mga ngiti ngayon ay may kalangkap na pagtatangkang kitilin ang kaniyang buhay.

Itong si Fortunato ay may kahinaan, bagaman sa kabilang banda ay isa siyang taong iginagalang at kinatatakutan pa nga. Lagi niyang ipinagmamalaki ang kaniyang malawak na kaalaman tungkol sa alak. Iilang mga Italiano lamang ang tunay na mga bihasang tagatikim. Kadalasan, ang kanilang kagalakang balatkayo ay inaayon lang sa panahon at pagkakataon upang linlangin ang mga milyonaryong Briton at Austriano. Kung tungkol sa mga nakapintang larawan at mga batong hiyas, si Fortunato, katulad ng kaniyang mga kababayan, ay nagdudunung-dunungan lamang—nguni't kung tungkol sa mga luma't primera-klaseng alak, totoong maalam siya. Hinggil dito ay wala kaming malaking pinagkaiba. Maging ako rin nama'y maalam tungkol sa mga alak na mula sa Italia, at kailanma't maaari'y bumibili ako ng marami sa mga ito.

Nang magtatakipsilim na, isang gabi, sa gitna ng kasayahan sa karnabal, nagkatagpo kami ng aking kaibigan. Binati niya ako nang may natatanging katapatan, gayong siya'y nakainom na. Siya'y nakagayak na gaya ng payaso. Masikip ang suot niyang guhitang damit, at napuputungan ng patulis na sombrerong punô ng mga kuliling ang kaniyang ulo. Sa galak kong makita siya ay naisip kong hindi na dapat ako nakipagkamay pa sa kaniya nang sandaling iyon.

Sinabi ko sa kaniya: "Mahal kong Fortunato, mabuti't nagkatagpo tayo. Lubhang mabuti ang inyong gayak ngayon! Ganito kasi, nakatanggap ako ng isang bariles ng tinatawag nilang Amontillado, at ako'y may pag-aalinlangan."

"Papaano?" sabi niya, "Amontillado? Bariles? Hindi maaari! Sa gitna ng karnabal!"

"Ako'y may pag-aalinlangan," tugon ko; "Naloko yata ako't binayaran nang buo ang umano'y Amontillado na iyon nang hindi man lang sumasangguni sa inyo. Hindi ko kayo mahagilap, at ako'y natatakot na madaya."

"Amontillado!"

"Ako'y may pag-aalinlangan."

"Amontillado!"

"At nais kong makatiyak."

"Amontillado!"

"Tila yata kayo'y abala, kung gayo'y paroroon na lamang ako kay Luchesi. Marunong naman siyang tumikim. Masasabi niya kung—"

"Hindi masasabi ni Luchesi ang kaibahan ng Amontillado sa Heres."

"At may mga hangal pang nagpapalagay na natatalo ng kaniyang panlasa ang sa inyo."

"Hale ka! Pumunta tayo."

"Saan?"

"Sa iyong mga bodega."

"Naku, mahal kong kaibigan, huwag; Hindi ko gustong magmalabis sa inyong kabutihang-loob. Batid kong kayo'y may pinagkakaabalahan. Kay Luchesi—"

"Wala akong anumang pinagkakaabalahan. Hale ka."

Ang Bariles ng Amontillado (The Cask of Amontillado)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon