31: Tinted

1K 40 15
                                    

Thank you for the 45k reads, guys! ❣️

Keifer

"Bye-bye, daddy Ki!" sabi ni Shina at saka marahan niyang winagayway ang maliit na kamay ni Dama sa akin.

Nandito kami ngayon sa terminal. Kasama ko si kuya Damian. Nandito rin si Athisa, Shina at ang napaka-cute na si Dama. Ihahatid na namin sila sa sakayan pauwi sa probinsiya. Tatlong araw lang sila nanatili sa apartment at sa tatlong araw na 'yon ay hindi ko man lang sila nakasama at naka-bonding nang maayos.

Mabait si Dama kaya hindi siya umiyak nang panandalian ko siyang kuhanin kay Shina para yakapin. Maingat ko itong bitbit sa aking mga bisig. Nagulat pa ako sa kaniya nang hawakan niya ang pisngi ko at pagkaraa'y tinitigan ako sa aking mga mata na para bang pinaka-aaral niya ang bawat parte ng aking mukha.

"Love ka, Dama," sabi niya sa akin.

Dalawang taon na siya kaya kahit papaano'y nakakapagsalita na ito kahit na medyo bubulol-bulol pa.

"Love ka rin ni daddy Keifer," sabi ko sa kaniya at saka siya hinalikan sa noo.

Nang makita niya si kuya Damian sa tabi ko ay agad niya itong hinarap at pilit na iniaabot ang maliliit niyang bisig.

Kinuha siya ni kuya Damian at niyakap. Para silang magtatay dahil magkamukhang magkamukha talaga silang dalawa. Siguro ay magkawangis talaga sila ng kapatid niyang namatay kaya ganito na lang ang pagiging magkamukha nila ng bata.

Hinarap ko sila Shina at Athisa. Hinawakan ko ang mga kamay nila at saka ngumiti nang tipid.

"May susunod pa naman ang pagbisita niyo rito. Pasensiya na talaga kayo at hindi ko kayo maharap dahil sa sitwasiyon namin kay tatay," sabi ko sa kanila.

"Naiintindihan naman namin 'yon, Ki. H'wag kang mag-alala. Ipagdarasal namin ang mabilisang paggaling ng tatay mo," sambit sa akin ni Shina.

"Pray lang, Ki. Nakikinig naman Siya," sabi naman ni Athisa at saka tumuro sa itaas.

Nagpasalamat ulit ako sa kanila at pagkaraa'y binalik na rin ni kuya Damian si Dama kay Shina. Naging mahirap 'yon noong una dahil ayaw pang sumama ni Dama kay Shina. Mukhang nakaramdam yata ang bata na uuwi na sila't maiiwan lang dito ang tatay-tatayan niya.

Sumagi na naman sa isip ko si tatay...

Dumating na ang SUV na sasakyan nila. May iba rin namang nakapila kaya mabilis na napuno ang sasakyan nila. Mabuti na lang at hindi pa naisasara ang pinto dahil kulang pa ng isang pasahero kaya kahit papaano'y nagkaroon kami ng kaunting oras para malubos ang mga sandali na kasama sila bago tuluyang umalis.

Nag-umpisa nang umiyak si Dama. Halos magwala na ito sa loob at kitang-kita ko ang hirap nila Shina at Athisa para pakalmahin ang bata kaya naman pinakisupan ko na si kuya Damian na kuhanin ito hangga't wala pa ang huling pasahero na ko-kumpleto ng b'yahe nila.

"Babalik naman kayo rito, 'nak. H'wag nang malungkot, okay?" sabi ko kay Dama nang makuha siya ni kuya Damian. Halos isiksik niya ang sarili sa kanlungan ni kuya Damian. Ramdam na ramdam kong ayaw niyang mawalay sa taong kinagisnan niya na ring ama.

"Uuwi rin si daddy doon. Isasama ko na si daddy Keifer sa probinsiya kapag umuwi ulit ako. Kailangan lang talagang mag-trabaho ni daddy dito para may pangbayad tayo sa gamutan mo, anak. Bibili pa tayo ng maraming laruan! Gusto mo ba 'yon?" pag-alo ni kuya Damian sa bata.

Kitang-kita ko ang mga luhang patuloy na dumadaloy mula sa kaniyang mumunting mga mata pababa sa kaniyang nagtatambukang pisngi. Marahan siyang tumango bilang sagot kay kuya Damian.

SEKYU 1 (BL) CompletedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon